Kampanyang "US out of Korea," inilunsad

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagtipun-tipon ang iba’t-ibang mga organisasyon at indibidwal sa New York City sa US para sa upisyal na paglulunsad ng grupong Nodutdol for Korean Community Development sa kampanyang “US out of Korea” noong Hulyo 27. Anila, inilunsad ito ng grupo bilang kontribusyon sa bumubwelong anti-imperyalistang kilusan sa Amerika at iba pang panig ng mundo, at laban sa okupasyong militar ng US sa Korea. Ang Nodutdol ay grupo ng mga migranteng Korean na anti-imeryalista.

Halos 30 organisasyon na ang nagdeklara ng suporta sa kampanyang ito, kabilang ang Bagong Alyansang Makabayan-USA, Palestinian Youth Movement at iba pang organisasyong masa sa US. Kasabay ng pagtitipon nito sa New York City, mayroon ding pagtitipon ang Nodutdol, mga kasapi at tagasuporta nito sa Oakland at Los Angeles, California sa araw na iyon.

Ang pagtitipon ay itinaon ng grupo sa ika-71 taon ng paggunita sa Korean Armistice Agreement na pinirmahan noong Hulyo 27, 1953. Nilaman ng kasunduan ang sana’y pagtitiyak ng pagtigil ng mga sagupaan at lahat ng mga aksyon ng armadong pwersa sa Korean peninsula hanggang makamtan ang isang ganap na kasunduang pangkapayapaan. Sa kabila nito, nagpapatuloy ang gera sa peninsula sa panunulsol ng imperyalismong US.

Ayon kay Ju-Hyun Park, pinuno ng kampanyang US Out of Korea, muling pinaiigting ngayon ng imperyalismong US ang pagbabanta ng gera sa Korea. Noong 2023 lamang, hindi bababa sa 200 araw ng war drills ang inilunsad ng US katuwang ang reaksyunaryong gubyerno ng South Korea.

Dala-dala ng mga tropang Amerikano ang iba’t ibang tipo at klase ng sistema ng armas kabilang ang mga eroplanong pandigma, malalaking barkong pandigma at submarino na may kakayahang magdala ng mga armas nukleyar. Binitbit naman ng US ngayong taon lamang ang 12 mga alyadong bansa nito, kabilang ang Japan na sumakop sa South Korea noong World War II, sa lupain ng mga Koreano para sa mga ehersisyong militar.

Sa harap nito, inihapag ng bagong kampanya ang apat na pangunahing panawagan at punto ng pagkakaisa. Una, giit nila ang pagpapalayas ng imperyalistang US sa Korea kung saan dapat tuluyan at buung-buong lumayas ang tropang Amerikano at mga sistema ng armas nito sa Korea. Dapat din umanong isauli ng US sa mamamayang Koreano ang lahat ng lupa, tubig at teritoryong panghimpapawid na inilaan para sa mga pasilidad ng sa South Korea.

Ikalawa, panawagan nilang wakasan ang alyansa ng US at South Korea. Kabilang dito ang pagbabasura sa JAKUS trilateral security cooperation at ang mga pinagsanib na istrukturang militar ng US-South Korea na Combined Forces Command, at ang UN Command.

Ikatlo, wakasan ang lahat ng agresyon laban sa North Korea. Idiniin ng kampanya ang pagwawakas sa lahat ng ehersisyong militar sa Korea at ang pagtatanggal sa lahat ng ipinataw na mga sangsyon o parusa laban sa North Korea.

At ikaapat, pagwawakas sa ekonomya sa gera ng US. Nananawagan silang ilipat ang pondo ng gubyerno ng US na nakalaan para sa gera, mga kulungan at pagpupulis tungong serbisyong pabahay, edukasyon, kalusugan at hustisyang pangklima.

Kasabay ng inilunsad na kampanya, pinagpugayan ng Nodutol ang nagpapatuloy na pakikibaka ng mga nasa Korea laban sa imperyalismong US. Sa ulat ng Nodutdol, 400 mga organisasyon sa South Korea ang nagtipon at nagprotesta sa syudad ng Pyeongtaek laban sa Camp Humphreys, pinakamalaking base militar ng imperyalistang US sa labas ng bansa nito.

Ang kampo ay may laking 1,398 ektarya, na isa lamang sa halos 80 mga base militar nito sa bansa. Mayroong hindi bababa sa 26,000 tropang Amerikano ang nakatalaga sa buong South Korea.

Ayon pa kay Ju-Hyun Park, “sa ngayon, nagtutuon tayo ng pansin sa pagpapalayas sa US sa Korea bilang pangunahing isyu, bago tayo makababalik sa usapin kung paanong muling mapag-iisa ang Korea.”

Bilang mga Koreanong nasa loob mismo ng imperyalistang US, mayroon tayong mahalagang tungkulin na hindi lamang organisahin at mulatin ang ating mamamayan, kundi ang uring manggagawa ng bansang ito. Hindi bababa sa 2 milyong Koreano ang nasa US sa kasalukuyan.

Ipinahayag ni Nina, pangkalahatang kalihim ng Bayan-USA, ang kanyang pagsuporta sa naturang kampanya at aktibidad. “Sa loob ng maraming dekada, naglunsad ng gera ang US sa mamamayan ng Korea at Pilipinas. Idiin natin: ang US ang numero unong kaaway ng ating mamamayan,” aniya.

“Ginagamit nito ang mga bansa natin bilang lunsaran ng gera, at ang ating mga mamamayan bilang mga pambala sa mga gerang ito,” dagadg niya. “Sagot namin: US out of Korea, US out of the Philippines, US out of everywhere!”

“Narito kami, hindi lamang para sa Korea, kundi para sa buong mundo, at para sa pagkakaisang anti-imperyalista,” dagdag ni Ju-Hyun Park.

AB: Kampanyang "US out of Korea," inilunsad