Libu-libong Amerikano, nagprotesta laban sa pambobomba ng US-Israel sa Lebanon
Libu-libo ang nagmartsa sa New York sa US noong gabi ng Setyembre 24 para muling ipanawagan sa gubyernong US ang pag-atras ng suportang militar nito sa Zionistang rehimen ng Israel. Inilunsad ang pagkilos matapos bombahin ng Israel ang Lebanon noong Setyembre 23-24 sa hakbanging nagpapalawak ng armadong sigalot sa Middle East.
Sa huling ulat, mahigit 500 ang napatay sa mga pambobomba ng Israel sa Lebanon, 1,800 ang nasugatan at mahigit 100,000 ang napilitang lumikas sa kanilang mga komunidad.
Dala ng mga raliyista ang mga plakard na may nakalagay na “Hands off Lebanon now!” at “No to US-Israel War on Lebanon.” Pinangunahan ang pagkilos ng ANSWER Coalition group o Act Now to Stop War and End Racism.
Siningil nila ang presidente ng US na si Joseph Biden, kanyang bise na si Kamala Harris at maging karibal nito sa eleksyong pagkapresidente na si Donald Trump sa patuloy na pagsuporta ng mga ito sa henosidyo ng Israel sa Gaza at agresyon nito sa Lebanon.
“Ang mga atake ng Israel sa Lebanon at ang nagpapatuloy na pagkubabaw at henosidyo nito sa Gaza ay nagiging posible dahil sa malalaking bilang ng mga bomba, misayl at warplane na ibinibigay dito ng gubyernong US,” pahayang koalisyong ANSWER. Ang protestang ito karugtong sa halos isang taon nang protesta ng mamamayang Amerikano laban sa sarili nitong gubyerno at para sa pagtatanggol ng Palestine.
Sa protesta, binatikos din nila ang paparating na pagbisita ni Benjamin Netanyahu sa US sa Setyembre 26.
Nagkaroon ng katulad na mga protesta sa San Francisco, Seattle, San Antonio at Phoenix, lahat mga syudad sa US. Sa Chicago, pinamunuan ng Chicago Coalition for Justice in Palestine ang mga protesta.
Nagkaroon din ng mga protesta bilang pagsuporta sa mamamayan ng Lebanon at Palestine sa Tunisia at Morocco.