Balita

60-araw na martsa para sa lupang ninuno, karapatan sa lupa at katubigan, nagtapos sa Metro Manila

, ,

Nagtapos sa Metro Manila ang 60-araw na Lakad Hubileo Laban sa Gutom, Kahirapan at Kawalang-Katarungan na inilunsad ng mga magsasaka, mangingisda at katutubong mamamayan mula sa iba’t ibang prubinsya. Nagsimula ito noong Marso 13 sa Zamboanga Sibugay at naglakbay ng higit 4,000 kilometro upang tutulan ang pangangamkam ng lupa at katubigan, na kanilang tirahan at pinagmumulan ng kabuhayan.

Ang isinagawang martsa ay naka-ugat sa diwa ng Jubilee Year 2025 na ipinahayag ng Simbahang Katolika at ng dating santo papa na si Pope Francis na may temang “Pilgrims of Hope.” Binuklod ng martsa ang mga komunidad, itinampok ang kanilang mga isyu at dinala mula Mindanao hanggang Visayas at Luzon ang mga usapin na ito.

Kabilang sa mga panawagan ng martsa ang pagpapatigil sa Kaliwa Dam na nagbabanta sa mga katutubong lupain at kalikasan. Nanawagan rin silang ibalik ang lupain ng Bugsuk, Palawan sa mga katutubo, magsasaka, at mangingisda.

Ipinatitigil nila ang mapanirang pagmimina sa Caluya, Antique na naging sanhi ng pagpapalayas sa maraming komunidad at pagkasira ng kalikasan. Kinundena rin nila ang hindi makatarungang hatol ng Korte Suprema na nagpapahintulot sa komersyal na pangingisda sa 15-kilometrong municipal waters na nakalaan para sa maliliit at artisanong mangingisda.

Noong Mayo 10, isinagawa ang pagsasara ng martsa sa People Power Monument. Bago nito, sinalubong sila ng mga estudyante at organisasyon ng Ateneo de Manila University noong Mayo 8 bilang pagsuporta sa kanilang laban.

Sa pagtatapos ng martsa, ipinahayag ng mga grupo na ipagpapatuloy nila ang pangangalampag sa gubyerno para itigil ang pangangamkam ng lupa, pagpapatupad ng mga mapaminsalang proyekto tulad ng pagmimina, at komersyal na pangingisda.

AB: 60-araw na martsa para sa lupang ninuno, karapatan sa lupa at katubigan, nagtapos sa Metro Manila