Komunidad ng Aeta, tinututulan ang muling pagbubukas ng Mt. Pinatubo sa turismo
Nagpahayag ng pag-aalala ang mga katutubong Aeta sa planong muling pagbubukas ng Mt. Pinatubo sa turismo. Isinuspende ng Department of Tourism (DOT) noong Mayo 2 ang lahat ng aktibidad sa Mt Pinatubo na may kinalaman sa turismo bilang pagkilala sa hinaing ng mga komunidad ng Aeta sa lugar.
Ayon kay Chito Balintay, lider ng katutubong Aeta, agad silang nagpadala ng liham ng pagtutol sa plano kay Richard Daenos, regional director ng DOT sa Central Luzon nang malaman nilang magbubukas muli ang Mt. Pinatubo. Nanawagan sila sa DOT na hikayatin ang lokal na gubyerno sa Botolan na kilalanin ang kanilang hinaing, at maglunsad ng sinsero na konsultasyon at tulungan para marating ang angkop na resolusyon,
“Gusto naming linawin. Hindi namin kinikilala ang kahit anong aktibidad na may kinalaman sa turismo na ilulunsad sa Mt Pinatubo nang wala ang aming totoong pagsang-ayon at partisipasyon. Bagamat ayaw namin ng tunggalian, hindi namin pwedeng hayaan ang patuloy na pagsasamantala sa ang aming lupain at ang hindi pagkilalala sa amin nang hindi ito hinahamon,” saad sa kanilang liham.
Giit nila, dapat munang resolbahin ang mga usapin na may kinalaman sa Botolan LGU bago magsimula muli ang aktibidad na panturismo sa bundok.
Saklaw ng Certificate of Ancestral Domains Title ng mga katutubong Aeta ang mga barangay ng Burgos, Villar, Morasa, and Belbej ng bayan ng Botolan, at ilang bahagi ng barangay ng Cabangan, San Felipe, at San Marcelino, lahat nasa Zambales. Umaabot ng 2,000 na Aeta ang nakatira sa lupang ninuno na bahagi ng Botolan.
Ayon kay Balintay, nagsimula ang koordinasyon sa mga aktibidad na panturismo noong 2015 sa pagitan ng mga komunidad at ng Pinatubo Task Force. Sinuportahan ito ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at mga lider katutubo.
Sa umpisa, ang mga komunidad ang nag-aayos ng mga tours ngunit noong 2016, kinuha ng Botolan LGU ang kontrol sa operasyon, kasabwat ang NCIP at militar.
Sa kabila ng paglago ng turismo sa lugar, wala nakukuhang benepisyo at kita ang mga komunidad ng Aeta.
“Ito ay hindi lang makatarungan kundi direktang paglabag sa aming mga karapatan sa ilalim ng Indigenous Peoples Rights Act,” saad ni Balintay.
Una nang nagpaabot ng suporta ang Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas sa laban ng mga komunidad ng Aeta. Anito, “karapatan nila na labanan ang kawalang hustisya, protektahan ang kanilang lupang ninuno laban sa pandarambong at iwasto kung paano itinuturing ang kanilang kultura at lupa.” Habang ginagamit ang mga Aeta bilang palamuti sa turismo, sistematiko silang inaalisan ng karapatan sa pagpapasya sa negosyo ng turismo at sa hatian sa kita.