Marcos, palpak sa paglutas sa krisis sa pagkain

,

Nagprotesta ngayong araw sa harap ng upisina ng Department of Agriculture ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, kasama ang iba pang demokratikong organisasyon, para igiit ang kagyat na pagpapababa sa presyo ng pagkain, pagpapatigil sa patakaran ng importasyon, pagpapalakas sa lokal na produksyon at pagbuwag sa mga kartel. Nanawagan sila na ibasura ang mga neoliberal na patakaran katulad ng Rice Liberalization Law, pagbibigay ng direktang suporta sa produksyon at pagbibitiw ni Ferdinand Marcos Jr bilang kalihim ng ahensya.

“Habang di magkandaugaga ang mga Pilipino dahil sa abot-langit na presyo ng pagkain at mga bilihin, abala sa buhay-jet setter si..Marcos Jr,” pagkundena ng mga magsasaka. Lumipad kahapon si Marcos Jr tungong Switzerland kasama ang 70 iba pa, ikawalong biyahe sa labas ng bansa sa loob ng pitong buwan.

Kabilang sa mga produktong nananatiling mataas ang presyo ang sibuyas, na nasa ₱400-₱550 pa rin ang kilo sa pamilihan dahil sa pagtatago, pagmanipula sa suplay at labis-labis na pagpepresyo ng mga kartel sa agrikultura.

“Malawakang pandaraya sa masang konsyumer ang mataas na presyo ng sibuyas kahit pa nasa kasagsagan ng anihan. Labis-labis na tubo ang kinikita ng malalaking traders, importer, pati na mga smuggler dahil sa napakamahal na presyo ng sibuyas. Sila rin mismo ang nagkokontrol at nagmamanipula sa suplay at presyo ng sibuyas mula sa farmgate hanggang sa retail,” pahayag ng grupo. Kabilang sa panawagan nila ang pagtatayo ng estado ng libreng mga cold storage facility para makapag-imbak ang mga magsasaka at hindi nakokopo ng sugapang mga trader ang suplay.

Ayon sa grupo, mayroon lamang 68 cold storage facility sa buong bansa, kabilang ang 27 sa Metro Manila at 10 sa Nueva Ecija, ang “onion capital” ng Pilipinas. Malaking mayorya sa mga ito ay pribado at kontrolado ng mga kartel.

“Mahalaga ‘yung pagdadagdag ng cold storage facilities dahil unang-una mapapaliit natin ‘yung post-harvest losses at matitiyak natin ‘yung sulit namang presyo sa ating mga nagtatanim ng sibuyas,” ayon kay Rafael Mariano, chairman emeritus ng KMP, sa isang panayam sa kanya sa telebisyon. Sa taya niya, napakataas pa rin kahit ang ₱250 kada kilo na SRP o mungkahing presyo ng sibuyas. Ito ay dahil napakababa naman ng pagbili ng mga komersyante sa ani ng mga magsasaka. Noong nakaraang taon, umabot lamang sa ₱30 kada kilo ang farm gate price nito. Sa kabilang banda, gumagastos ang magsasaka ng ₱150,000 kada siklo ng pagtatanim.

Tulad sa nagdaang mga rehimen, importasyon ang solusyon ni Marcos sa krisis sa pagkain. Noong Enero 11, pinahintulutan niya ang pag-angkat ng 17,100 metriko toneladang pulang sibuyas at 3,960 metriko toneladang puting sibuyas. Ito ay sa kabila ng mag-aanihan na ng lokal na sibuyas sa Pebrero. Tinawag itong “nakamamatay” ng mga magsasaka, na labis nang naghihirap dahil sa napakataas na gastos sa produksyon. Liban pa dito ang mga produktong ipinupuslit sa bansa nitong nagdaang mga linggo.

Presyo ng itlog, patuloy na tumataas

Muli ring kinutya ng KMP ang pangako ni Marcos na ibababa ang presyo ng bigas tunging ₱20 kada kilo. “Mauuna pang maging ₱20 ang isang itlog kaysa sa isang kilo ng bigas,” anila.

Kamakailan lamang, isiniwalat ng mga prodyuser ng itlog na tuluy-tuloy pang tataas ang presyo ng itlog sa merkado ngayong taon. Nasa ₱9-₱10 na ngayon ang karaniwang presyo ng katamtamang-laking itlog, mula sa ₱6.90-₱8.50 noong Disyembre 2022. Gayunpaman, marami nang palengke ang nagbebenta ng regular na laking itlog nang ₱10 kada piraso.

Isa sa itinuturong dahilan ng mga prodyuser ang pagbwelo ng bird flu na hanggang ngayon ay hindi inaatupag ng Department of Agriculture. Ayon sa datos ng Bureau of Animal Industry, apektado ng pandemyang ito ang 20 prubinsya sa walong rehiyon. Nagresulta ito sa pagpatay (cull) sa 1.8 milyong manok na apektado.

Kabilang sa tinamaan ang Central Luzon kung saan kumukuha ng suplay ang National Capital Region. Sa taya ng DA, tumaas nang 45% ang presyo ng itlog mula nang kumalat ang bird flu noong nakaraang taon. Ayon sa mga prodyuser, aabutin ng limang buwan bago sila makapagparami muli ng produkto.

AB: Marcos, palpak sa paglutas sa krisis sa pagkain