Pangulo, tatlo pang upisyal ng unyon, tusong tinanggal ng Nexperia Philippines
Tinanggal ng kapitalistang Nexperia Philippines Inc ang apat na upisyal ng Nexperia Philippines Inc. Workers’ Union-National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (NPIWU-NAFLU-KMU) noong Disyembre 17. Ang iligal na pagtanggal ay ganti ng kapitalista kasunod ng pagsasampa ng mga manggagawa ng “notice of strike” noong Disyembre 10 dulot ng isang taon nang pag-antala ng kumpanya at deadlock sa negosasyon para sa bagong collective bargaining agreement (CBA).
Ayon sa unyon, ginamit ng kapitalista ang paratang na “pagharang” sa paglabas-masok ng mga produkto sa kumpanya para tanggalin sila. Taliwas dito, ang mga upisyal ay simpleng nagbibigay ng apdeyt sa mga myembro hinggil sa mga isyung may kinalaman sa CBA sa panahong sinasabi ng Nexperia.
“Ang mga aksyon ng Nexperia ay nagpapakita ng masamang intensyon, lalo na’t nasa kalagitnaan ng negosasyon sa CBA, na nagpapahiwatig ng tahasang hakbang upang pahinain ang unyon,” pahayag ng NPIWU. Naniniwala silang bahagi ito ng kabuuang tangka at serye ng pag-atake ng kapitalista sa unyon at karapatang mag-organisa ng mga manggagawa.
Sa harap ng mga hamon na ito, idineklara ng unyon na patuloy nilang ipaglalaban ang karapatan ng mga manggagawa at isusulong ang makatarungang kasunduan sa CBA. Itinutulak ng NPIWU na itaas ang kanilang sahod nang ₱50 kada araw mula sa alok ng kumpanya na ₱17 dagdag kada araw at iba pang mga karapatan.
Kinundena ng NAFLU-KMU ang pag-atake ng Nexperia Philippines sa mga manggagawa. “Hinahamon namin ang pamunuan ng Nexperia Philippines Inc. na bawiin ang iligal na desisyon at respetuhin ang karapatan ng mga manggagawa,” ayon sa pederasyon. Anito, hindi lamang atake ang ginawang pagsisante sa mga taga-Nexperia kundi sa lahat ng mga manggagawa at kanilang karapatang mag-unyon.
Hinimok ng pederasyon ang lahat ng mga manggagawa ng Nexperia na magkaisa at magwelga upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan at panawagang dagdag-sahod. “Nanawagan rin kami sa iba pang mga unyon, manggagawa sa iba’t ibang sektor, at mga progresibong organisasyon na makiisa sa laban na ito laban sa union busting at pagsasamantala ng kapitalista,” ayon pa sa NAFLU-KMU.