Balita

Mga bata at sanggol sa Gaza, pinapatay ng US-Israel sa matinding gutom

,

Ilampung bata at sanggol na ang namatay sa Gaza dahil sa matinding gutom sa tinatawag na isa sa “pinakabrutal na henosidyo” sa kasaysayan ng sangkatauhan. Nitong nagdaang mga linggo, naiulat ng Gaza Health Ministry na hindi baba sa 127 Palestino ang namatay sa gutom, karamihan bata, mula Oktubre 2023. Mas marami pa ang nasa bingit ng kamatayan habang sinasakop ng US at Israel ang buong Gaza.

Paparami ang namamatay dahil sa kawalan nang makain mula nang absolutong ipinagbawal ng US at Israel ang pagpasok ng makataong ayuda noong Marso. Sa loob ng 24-oras lamang noong Hulyo 23, 15 ang naiulat na namatay dahil sa gutom. Apat sa kanila ay bata, kung saan ang isa ay 6-linggong sanggol at isa pa ay 13-taong batang lalaki. Pareho silang namatay sa loob ng mga pasilidad medikal.

Hindi maitatago sa mga larawan at bidyo ang marami pang bata at sanggol na buto’t balat na dahil sa kawalan ng pagkain at malnutrisyon. Mas marami pa ang namamatay sa samutsaring sakit dahil sa inabot na hina ng kanilang mga katawan dulot ng halos dalawang taong kawalan ng pagkain, pambobomba at brutal na okupasyon ng Zionistang Israel.

Kasama sa ipinagbawal ng Israel na ayuda ang gatas pangsanggol, mahahalagang gamot at iba pang pangangailangan para mabuhay sila. Ang mga nagtangkang magdala ng mga suplay para sa kanila, kabilang ang mga flotilla o barko mula sa Europe, ay hinarang, inaresto at dineport ng US-Israel.

Kasabay ng paggutom sa mga Palestino ang lantarang pagpatay sa kanila sa mga “aid center” na pinatatakbo ng Gaza Humanitarian Foundation (GHF), isang US-Israeli na grupo na binigyan ng Israel ng ekslusibong awtoridad na mamahagi ng ayuda. Sa ulat ng United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights, umaabot na sa 766 Palestino ang binaril at pinatay ng mga sundalong Israeli habang nakapila para sa ayuda mula nang magsimula ang operasyon ng GHF noong Mayo 27. Tinawag ng UN at iba pang internasyunal na institusyon ang aapat lamang na aid center ng GHF bilang mga “katayan ng tao” (human slaughterhouse) at kinundena ang kawalang sistema, pagiging kaduda-duha at independensya ng organisasyon.

Sa ngayon, nasa 88% ng Gaza ang nakapailalim na sa kontrol ng Israel at US. Alinsunod sa datos ng Gaza Health Ministry, nasa 59,733 Palestino na ang direktang pinatay ng mga bomba at bala ng US-Israel mula Oktubre 23 hanggang Hulyo 26. Nasa 144,477 Palestino na rin ang sugatan. Mayorya sa mga biktima ay mga bata at kababaihan.

AB: Mga bata at sanggol sa Gaza, pinapatay ng US-Israel sa matinding gutom