Balita

Mga kaso laban sa 4 na aktibista sa Escalante City, ibinasura ng korte

, ,

Matapos ang halos limang taong pagkakabimbin sa kulungan, ibinasura ng Regional Trial Court Branch 57 sa San Carlos City ang mga kasong illegal possession of firearms and explosives laban sa apat na manggagawang bukid at manggagawang pangkultura na dinakip at ikinulong noon pang Setyembre 18, 2019. Ibinasura ito ng korte noong Hulyo 31 kasunod ng pagsasampa ng mga biktima ng petisyon para ipabasura ang ipinrisentang ebidensya laban sa kanila.

Nakalaya sa araw na iyon sina Joel Guillermo, tagapagsalita ng National Federation of Sugar Workers (NFSW)-Northern Negros, myembro ng NFSW-Toboso na si Leon Charita, at sina Rolly Hernando at Kenneth Serondo ng Teatro Obrero.

Inaresto ang mga biktima kasama ang apat pa, na binansagang Escalante 8, sa Barangay Jonob-jonob, Escalante City ng 79th IB at mga pulis habang naghahanda para sa aktibidad ng paggunita sa anibersaryo ng Escalante Massacre. Nananatiling nakakulong sina Bienvinido Ducay at Carlo Apurado habang ang dalawang iba ay hindi kabilang sa mga sinampahan ng kaso.

Binati at ikinalugod ng NFSW-Negros at Human Rights Advocates Negros (HRAN) ang naging desisyon ng korte. “Ang kakulangan ng sapat na ebidensya …[laban sa] mga kasapi ng progresibong organisasyon katulad ng NFSW ay nagpapatunay na layunin lamang [ng estado] na pahinain ang hanay ng manggagawang bukid na nakikibaka, takutin sila at patigilin sa kanilang paglaban,” ayon sa NFSW-Negros.

“Patuloy ang ating panawagan para sa paglaya nina Ducay at Apurado na mga nakakulong pa sa Escalante 8…hindi tayo titigil sa pagkakampanya hangga’t hindi nakakalaya ang mga bilanggong pulitikal,” dagdag ng grupo.

Ang Escalante 8 ay kabilang sa higit 200 aktibista, magsasaka at indibidwal na inaresto sa ilalim ng rehimeng Duterte. Ayon sa HRAN, 127 sa kanila ang nakakulong pa rin hanggang sa kasalukuyan. Kaisa ang HRAN sa panawagan ng mga demokratikong sektor na kaagad palayain ang mga bilanggong pulitikal at ibasura ang lahat ng gawa-gawang mga kaso laban sa kanila.

AB: Mga kaso laban sa 4 na aktibista sa Escalante City, ibinasura ng korte