Mga manininda sa Davao City, naggiit ng karapatan sa kabuhayan
Nagpunta sa Davao City Hall noong Nobyembre 22 ang mga manininda sa ilalim ng Agdao Laray Muslim and Christian Vendors Association (Almacva) para iparating sa meyor ng syudad na si Sebastian Duterte at mga myembro ng lokal na konseho ang kalagayan nilang mga manininda. Humingi sila ng isang dayalogo sa lokal na gubyerno, kasama ang ibang organisasyon, para lutasin ang mga kinakaharap nilang mga problema.
Sa kasalukuyan, nahaharap ang mga manininda ng palagiang “clearing” at banta ng demolisyon na anila’y nagdudulot ng pag-aalala sa kanilang mga paninda at karapatan nila sa kabuhayan. Ang mga “laray” na manininda ay naglalagay ng mga produkto sa mga tabing daan (sidewalk), nasa 300 metro ang layo sa Agdao Public Market. Nagbabayad sila ng P10 kada 1-metrong pwesto sa barangay. Umaabot sa 75 manininda ang myembro ng Almacva. Rehistrado ang kanilang samahan sa lokal na upisina ng kagawaran sa paggawa.
Anila, gustuhin man nilang magtinda sa loob ng merkado, wala silang pambabayad sa matataas na singil dito, gayundin sa maraming rekisitong dokumento.
“Ang amin lang naman ay magkaroon kami ng maayos ng espasyo para makapagtinda,” ayon sa mga manininda. Paliwanag nila, inuutang lamang nila ang kapital pa sa kanilang mga produkto, at kailangan nila itong bayaran kada gabi (na may kasamang interes). Sa bawat P1000 kapital, umaabot lamang sa P100 lamang malinis nilang kita.
Malaking lugi ang idinudulot sa kanila ng regular na pagroronda at pangungumpiska ng mga pulis mula alas-5 hanggang alas-7 ng gabi. Ang malala, maaari lamang nilang bawiin ang kanilang mga produkto tuwing Miyerkules at matapos magbayad ng “fee” sa mga pulis.
Nagapanawagan ang Almacva sa Davao City na maglabas ng resolusyon para mabigyan sila ng karampatang espasyo para payapa silang makapaghanapbuhay. Naninindigan sila na dapat ipagtanggol ang karapatan nilang mga vendor at iba pang impormal na manggagawa sa Agdao at sa syudad.
Noong Nobyembre 21, nagtipon ang mga manininda sa Rizal Part sa syudad para ipahayag ang kanilang mga hinaing pero agad silang pinalayas ng mga upisyal ng Civil Security Unit.