Nob 30: Araw ni Bonifacio at ng Masang Anakpawis
Nagmartsa mula Liwasang Bonifacio tungong paanan ng Mendiola sa Lunsod ng Maynila ang mga manggagawa, maralitang-lunsod at iba pang mga sektor bilang paggunita sa ika-159 Araw ni Bonifacio na idineklara din nilang Araw ng Masang Anakpawis.
Panawagan nila ang pagtataas ng sahod, at pagbaba ng presyo ng mga bilihin. Sa minimun, dapat itaas ang sahod tungo sa isang nakabubuhay na sahod, ayon sa mga raliyista. Sa ngayon, inilagay nila sa ₱1100 ang nakabubuhay na sahod sa pribadong sektor at ₱33,000 sa mga kawani ng gubyerno.
“Makasaysayan ang araw na ito,” ayon sa Kilusang Mayo Uno. “Sa ika-159 na kaarawan ng dakilang anakpawis na si Gat Andres Bonifacio, nagsama-sama ang manggagawa at mamamayan upang ipanawagan ang kagyat na pagtataas ng sahod patungong nakabubuhay na antas sa buong bansa.” Kasama ng KMU ang mga mayor na alyansa tulad ng All Workers Unity (AWU) at Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN). Nakipagkaisa rin sila sa ibang mga grupong manggagawa tulad ng Nagkaisa at Paggawa sa ilalim ng United Labor. Tinatayang umabot sa 6,000 katao ang lumahok sa rali sa Mendiola.
Ayon sa KMU, simula lamang ang Nobyembre 30 sa mga pagkilos na planong inilunsad para pagkaisahin ang mga manggagawa at iba pang sektor para sa taas-sahod at iba pang makatarungang hiling.
“Napakahalaga ng pagkakaisa ng manggagawa at mamamayang Pilipino. Ito yung pagkakaisang tapat at nakasandig sa kahingian ng masang anakpawis na kalakhan ng populasyon sa bansa,” ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU. “Kung babalikan natin ang kasaysayan, ang mga manggagawa ang unang kumilos noong panahon ng Martial Law. Nakapagkasa tayo ng serye ng mga welga patungo sa pagpapabagsak ng diktador. Pagdating ng 1989, sa sama-samang pagkilos natin, nakapaglunsad tayo ng general strike at nakamit ang ₱25 across-the-board wage increase.”
Sa Baguio City, nagmartsa ang iba’t ibang sektor at kabataan sa ilalim ng Anakbayan, mula Sunshine Park tungong Igorot Park. Sa isang bidyo na nakapost sa Twitter ng UP Baguio Outcrop, makikita ang pagbaybay ng daan-daang raliyista sa Session Road.
Sa Laguna, nagprotesta ang iba’t ibang grupong demokratiko, kasama ang kabataan, sa Crossing, Calamba. Ilan sa kanila ang nagsuot ng puting kamisa at nagtali ng pulang bandana sa leeg.
Sa Davao City, hindi natinag ng malakas na ulan ang mga raliyista na nagpiket sa Freedom Park.
Sa Cebu City, may raling idinaos sa Carbon Market Freedom Park. Nagkaroon din ng kilos protesta sa Bacolod City.
Kasabay ng Araw ni Bonifacio at ng Masang Anakpawis, ginunita rin ng kabataan ang anibersaryo ng pagkakatatag ng organisasyong Kabataang Makabayan.