Balita

Pag-atake sa mga mamamahayag sa buong mundo, tumindi sa nagdaang taon

,

Walang-kapantay ang naitalang mga paglabag sa karapatan ng mga mamamahayag sa nagdaang 2022. Ayon sa pag-aaral ng Reporters Without Borders (RSF) mula Enero 1, 2022 hanggang Disyembre 1, 2022, hindi bababa sa 704 ang mga mamamahayag na pinaslang, ikinulong, hinostage at nawawala.

Nasa 57 ang bilang ng mga pinaslang na mamamahayag at manggagawa sa midya. Kabilang dito ang 13 na pinatay dahil sa pag-uulat kaugnay ng mga krimen ng mga sindikato, at 12 dahil sa pagsisiwalat ng korapsyon. “(A)pat na mamamahayag ang nag-uulat kaugnay ng deforestation at pang-aagaw ng lupa ng malalaking negosyong korporasyon ang pinatay sa nagdaang taon,” dagdag ng RSF.

Sa nagdaang dalawang dekada, naitala na ng RSF ang hindi bababa sa 1,668 na pagpatay sa mga mamamahayag o abereyds na 80 kada taon.

Sa Pilipinas, pinakahuling mga biktima ng pagpatay sa mga mamamahayag ang kaso ng mga beteranong mamamahayag na sina Renato Blanco at Percival “Percy Lapid” Mabasa ng mga hindi pa nahuhuling mga salarin. Si Percy Lapid ay kilala sa kanyang mga komentaryong kritikal sa abusadong mga upisyal ng gubyerno.

Samantala, tinatayang 533 ang bilang ng mamamahayag na ikinulong noong 2022 dahil sa paggampan sa kanilang trabaho, 13.4% mas malaki kumpara sa naitala ng RSF sa parehong panahon noong 2021.

Nakita rin sa pag-aaral na patuloy na lumalaki ang bilang ng mga kababaihang mamamahayag na ikinukulong ng kani-kanilang mga gubyerno. Nasa 14.6% ng mga ikinulong ay babae, mas mataas kumpara sa 12.8% noong 2020 at 13% noong 2021. Ayon sa RSF, ipinakikita ng pagtaas na ito kapwa ang lumalaking proporsyon ng kababaihan sa pamamahayag at kinukumpirma na maging sila ay hindi ligtas sa panunupil na kinahaharap ng mga kasama nila sa propesyon.

Kabilang sa mga ikinulong si Frenchie Mae Cumpio, mamamahayag ng alternatibong pahayagang Eastern Vista, na inaresto ng gubyerno ng Pilipinas noong Pebrero 7, 2020 sa Tacloban City. Si Cumpio ay masugid na nag-uulat sa kalagayan ng aping mga sektor ng lipunan. Kinasuhan siya ng illegal possession of explosives and firearms.

Isa rin dito ang kaso ni Lady Ann Salem, patnugot ng Manila Today, na inaresto noong Disyembre 10, 2020. Nakalaya lamang siya nang ibasura ang mga kasong illegal possession of firearms and explosives na isinampa laban sa kanya at kasama niyang organisador ng unyon, tatlong buwan matapos sila ikinulong.

AB: Pag-atake sa mga mamamahayag sa buong mundo, tumindi sa nagdaang taon