Balita

Paggamit ng NATO sa Jordan bilang pinakabagong base militar, kinundena

,

Kinundena ng Resist North Atlantic Treaty Organization (NATO) Coalition at ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) ang pagtatayo ng NATO ng upisina nito sa Amman, Jordan. Iniaunsyo ng NATO ang pagbubukas ng upisina noong ikalawang linggo ng Hulyo sa kamakailang inilunsad na taunang pagtitipon nito sa Washington, DC.

“Ipinakikita nito ang mas malalim na pakikisangkot ng Jordan sa NATO at palatandaan ng higit na pagpapataw ng pandaigdigang dominasyon nito,” pahayag ng Resist NATO Coalition. Pagdidiin pa ng grupo, magsisilbi ang Jordan bilang pinakabagong base militar ng NATO sa rehiyong Middle East at North Africa (MENA).

Higit na pinagtitibay ng upisina ng NATO sa bansa ang kontrol at pagkubabaw ng imperyalistang US sa Jordan. Noong Enero 31, 2021, pumirma ang Jordan ng isang “Defense Cooperation Agreement” kasama ang US at naging upisyal noong Marso 2021. Sa ilalim nito, pinahihintulutan ng Jordan ang paglalabas-masok ng mga pwersa at kagamitang militar ng US sa bansa. Para umano ito sa “pagsasanay militar at kontra-terorismo.”

Sa pahayag mismo ng NATO, kinilala nito ang “mahalagang tungkulin ng Jordan bilang tanglaw ng katatagan sa konsektso ng rehiyon at daigdig, at bilang tagapamandila ng paglaban sa transnasyunal na mga banta, kabilang ang terorismo at karahasang ekstremismo.”

Nangangahulugan lamang ito na “gagamitin ng US ang Jordan bilang linyang pandepensa at tutang estado para sa Zionistang setler-kolonyal nitong proyekto at pagprotekta sa imperyalistang interes nito sa Middle East,” ayon sa Resist NATO Coalition. Higit nitong patitindihin ang pag-atake ng Zionistang Israel sa mga Palestino at kampanyang henosidyo nito sa Gaza, na higit 9 na buwan nang rumaragasa.

Pagtatatangka din umano ito ng US na pigilan ang umiigting na daluyong ng pag-aalsang masa sa buong rehiyon ng MENA laluna sa harap ng bumubuhos na suporta sa pakikibaka ng mamamayang Palestino. “Ang posibilidad ng isang gera sa rehiyon ay magtutulak sa US na palawakin pa ang mga rekurso nito para protektahan [ang Israel]” anang grupo.

Sa harap nito, nanawagan ang Resist NATO Coalition at ILPS na higit pang palakasin ang suporta para sa mga Palestino at igiit ang tigil-putukan sa Gaza. “Para mapalaya ang Palestine, dapat nating labanan ang pagpapalawak ng presensyang militar ng NATO na pumuprotekta at nagtitiyak sa Zionismo at imperyalismo sa Middle East at North Africa,” pagdidiin ng koalisyon.

Ang bansang Jordan ang may pinakamahabang hangganan sa okupadong Palestine, kung saan itinayo ang Zionistang estado ng Israel. Kadikit din nito ang bansang Syria, Iraq at Saudi Arabia.

AB: Paggamit ng NATO sa Jordan bilang pinakabagong base militar, kinundena