Balita

Pagsasara sa imperyalistang mga institusyong IMF-World Bank, ipinanawagan

,

Ginunita ng iba’t ibang organisasyon sa maraming bansa sa pamamagitan ng koordinadong protesta ang ika-80 taon ng pagkakatatag ng International Monetary Fund (IMF) at ng grupong World Bank (WB) noong Hulyo 22. Iba’t ibang mga porma at aktibidad ang inilunsad ng mga ito sa Pakistan, Pilipinas, Sri Langka, Indonesia, Kenya, at Nepal sa araw na iyon. Pinangunahan ang kampanya ng Reclaim our Future Network kung saan kabilang ang Ibon International, International League of Peoples’ Struggles at iba pang demokratikong organisasyon.

Sa pinag-isang pahayag ng mga organisasyon, nanawagan silang ipasara ang IMF-WB at bawiin ang kinabukasan ng mga mamamayan mula sa neoliberal na mga dikta at pekeng mga solusyon nito. “Nababahala kami sa dominanteng impluwensya ng internasyunal na mga institusyong pampinansya sa aming mga ekonomya at pag-unlad,” ayon sa pahayag.

Idiniin ng mga grupo na dapat papanagutin ang IMF-WB sa pagtutulak at pagpapatindi sa naparaming krisis sa buong mundo. Anito, ang mga interbensyon ng IMF-WB sa “global south,” mula sa tinatawag na mga structural adjustment programs hanggang sa pagpapatupad ng mga patakarang de-kundisyon, ay higit na nagbuyangyang at nag-deregularisa sa kani-kanilang mga ekonomya para sa dayuhang pandarambong ng mga korporasyon at dumurog sa pampublikong imprastruktura at serbisyo.

Ang IMF at WB ang nanguna sa pagtutulak ng mga hakbangin sa paghihigpit-ng-sinturon tulad ng pagkakaltas ng badyet sa edukasyon, kalusugan, proteksyong panlipunan, pampublikong transportasyon, mga reporma sa panlipunang seguridad at paggawa, pribatisasyon ng mga pampublikong serbisyo. Ipinapasa nito ang pabigat at krisis sa masang anakpawis, laluna sa kababaihan, manggagawa, magsasaka at katutubong mamamamyan.

“Ang lahat ng pagdurusang ito ng mamamamyan ay hindi kinakailangan, dahil maraming alternatibong paraan ng pagpipinansya ang mga gubyerno para suportahan ang pampublikong serbisyo, seguridad panlipunan at pagsasakatuparan sa karapatang-tao,” ayon pa sa pinag-isang pahayag.

Anang grupo, kabilang sa lantad na pagkubabaw ng IMF-WB sa “global south” ay ang pagsuporta nito sa panggegera ng Zionistang Israel sa mamamayang Palestino at kampanyang henosidyo sa Gaza Strip. Giit nila, “dapat iatras ang lahat ng porma ng pagpopondo na kumukubabaw sa Palestine at iba pang bayang bahagi ng global south.”

Panata ng mga grupo na ipagpapatuloy nito, kasama ang marami pang mga organisasyon sa buong mundo, ang pagpapalakas sa kanilang mga kahingian laban sa IMF-WB para wakasan ang hindi makatarungang mga interbensyon nito. “Papanagutin natin sila sa malawakang utang, liberalisadong ekonomya, karahasan, pagwasak sa ating planeta, at paglabag sa karapatang-tao,” anang pahayag. “Dapat silang maipasara,” ayon dito.

AB: Pagsasara sa imperyalistang mga institusyong IMF-World Bank, ipinanawagan