Pambobomba ng Israel sa Lebanon, malawakang kinundena
Kinundena ng maraming bansa at internasyunal na lider ang walang pakundangang pambobomba ng Israel sa katimugang bahagi at iba pang lugar sa Beirut, kabisera ng Lebanon, noong Setyembre 23-24. Tinarget nito ang mga residensyal na gusali at mga sibilyang komunidad. Binomba maging ang mga sasakyan sumasaklolo sa mga sibilyang tinamaan.
Ayon sa huling ulat, hindi bababa sa 558 na ang napatay, kabilang ang 50 bata, at higit sa 1,835 ang nasugatan dulot ng pambobomba. Napwersang magbakwit ang hindi bababa sa 110,000 sibilyan.
Ang naturang pagsalakay sa Lebanon ay lalong nagpapatindi at nagpapakalat ng armadong sigalot sa buong rehiyon ng Middle East. Ganting-salakay ito ng Israel sa matatag na pagsuporta ng Lebanon, partikular ng grupong Hezbollah, sa armadong pakikibaka ng Hamas at ng buong Palestine. Isinagawa ng Israel ang pagsalakay na may pagsuporta ng US.
Bago nito, isinagawa ng Israel ang pagpapasabog ng mga pager at walkie-talkie na nilagyan nito ng mga eksplosibo. Pumatay ang mga pagpapasabog na ito ng mahigit 20 tao at sumugat nang halos 3,000, karamihan mga sibilyan.
Mariing kinundena ng mga bansa sa Middle East ang pinakahuling pang-aatake ng Israel sa Lebanon. Ayon sa Iran, pinalalawak ng Israel ang henosidyo nito mula Gaza tungong Lebanon. Binalaan nito ang Israel at ang US laban sa pagpapasiklab ng mas malawak na digma sa rehiyon. Tinawag ng upisyal nito sa ugnayang panlabas ang mga pang-aatake bilang “kabaliwan” ng Israel.
Tinawag ng Jordan ang mga aksyon ng Israel bilang agresyon. Kasama ang iba pang mga bansa sa rehiyon, nananawagan ito ng kagyat na interbensyon ng United Nations para tiyakin ang kaligtasan ng mga sibilyang Lebanese.
Nagkunwari naman ang US na “naaalarma” ito sa mga hakbang ng Israel, habang patuloy na pinonpondohan at inaarmasan ang Zionistang rehimen sa Israel. Sa likod ng panawagan nito para sa “diplomasya,” nagpadala ito ng mga barkong pandigma at dagdag na tropa sa rehiyon para “ipagtanggol” ang Israel.
“Layunin ng mga pag-atake na parusahan ang mamamayan ng Lebanon at ang kanilang mga pwersang anti-Zionista at anti-imperyalista na sumusuporta sa pakikibaka ng mamamayang Palestino para sa pagpapalaya at pagpapasya-sa-sarili,” ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang mga ito ay bahagi ng planong Zionista na may pahintulot ng US na ikalat ang digmaan sa Middle East, matapos ang halos isang taon na walang lubay na pambobomba sa himpapawid at panganganyon sa Gaza, aniya. Mahigit sa 40,000 Palestino na ang pinatay ng Israel sa Gaza, kung saan higit sa 10,600 mga bata.
Ipinararating ng Partido ang pakikiisa nito sa mamamayan ng Lebanon at sinusuportahan ang kanilang makatarungang paglaban sa patuloy na pagsalakay at pag-atake ng Zionistang Israel. “Nasa mamamayan ng Lebanon at nakikibaka nilang mga pwersa ang lahat ng karapatan na gumanti, lumaban at ipagtanggol ang kanilang lupain,” ayon kay Valbuena.
Nananawagan ang PKP sa sambayanang Pilipino na magkaisa at tuligsain ang pananalakay ng Israel sa Lebanon, tutulan ang imperyalistang US sa pang-uupat ng gera, dayuhang panghihimasok at terorismo ng estado, at suportahan ang paglaban ng mamamayang Palestino, mamamayan ng Lebanon at lahat ng lumalaban para sa pambansang pagpapalaya.