Balita

Panawagang pagpasuspinde ng jeepney phaseout, tagumpay ng mga drayber at opereytor

,

Binati ng grupong Piston ang resolusyon sa Senado na nananawagan para sa suspensyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na nagtulak para sa jeepney phaseout ngayong linggo.

“Isa ito sa maraming bunga ng mahaba at matagal nang pakikipaglaban ng Piston at ng masang tsuper at opereytor para sa pagbabasura ng huwad at palpak na programa ng negosyong modernisasyon,” ayon sa grupo.

Ipinasa ang Senate Resolution No. 1096 na nananawagan sa gubyerno ni Ferdinand Marcos na supindehin ang implementasyon ng PUVMP, na ngayon ay tinatawag nang Public Transport Modernization Program (PTMP). Dahilan ng mga senador ang mataas na bilang ng mga hindi konsolidadong dyip, mataas na presyo ng mga pampalit na mini-bus, pagbura ng isang simbolo ng kulturang Pilipino at mababang antas ng aprubadong mga plano para sa lokal na mga ruta, laluna sa mga prubinsya. Pinirmahan ito ng lahat ng senador, liban kay Sen. Risa Hontiveros.

Ang mga dahilan na ito ay siya ring mga dahilan kung bakit pitong taon nang nilalabanan ng mga drayber at opereytor ang PUVMP at pwersahang konsolidasyon ng prangkisa.

“Ngunit hindi pa tapos ang laban,” ayon sa Piston. “Kailangang kalampagin natin ang rehimeng Marcos Jr. upang tuluyan nang mabasura ang programa, at masingil sa pinsalang naidulot nito sa kabuhayan ng mga tsuper at operator.”

Sa nakaraang halos walong buwan, walang tigil ang rehimen at ang LTFRB sa pambabanta sa mga drayber at opereytor na aarestuhin ang sinumang hindi nagpakonsolida at kukunin sa kanila ang kanyang sasakyan kung sila ay mamamasada.

Pero noong kalagitnaan ng Hulyo, napag-alaman ng Piston na naglabas ng resolusyon ang LTFRB na nagpahintulot sa mga hindi konsolidadong dyip na mamasada sa mga rutang wala o mababa ang konsolidadong prangkisa. Ipinasa ang resolusyon noon pang Abril 30, sa kasagsagan ng pagkilos ng mga tsuper laban sa PUVMP, pero hindi ito isinapubliko hanggang Hulyo. Sa pamamagitan ng pagtatago nito, pinwersa ng LTFRB at ng rehimeng Marcos ang maraming tsuper na pumasok sa konsolidadong mga prangkisa, sa takot na mawalan ng kita at hanapbuhay.

“Ipinapanawagan namin sa lahat ng mga nag-file ng aplikasyon sa konsolidasyon na MAG-WITHDRAW ng kanilang aplikasyon upang mailaban ang pagbabalik ng 5-taong indibidwal na prangkisa,” panawagan ng Piston. Bukas ang grupo sa mga samahan o mga indibidwal na gustong magpatulong sa kanilang withdrawal o pagbawi.

Dagdag na panawagan ng grupo sa lahat ng iba pang mga tsuper at operator, at sa mamamayang Pilipino na patindihin ang mga protesta, mula sa mga terminal, hanggang sa LTFRB, hanggang sa Malacañang. “(P)aghandaan (natin) ang mas malalaking welga, upang tuluyang mabasura ang makadayuhan at negosyong programa ng modernisasyon,” anito.

Sa Iloilo City, nagkaraban ang 100 dyip para ipagdiwang ang tulak para isuspendi ang PUVMP. Binatikos nila ang programa bilang pagpabor sa mga lokal na upisyal at ahensya, habang binabalewala ang mga hinaing ng mga drayber, opereytor at komyuter.

Ayon kay Elmer Forro, convenor ng No To PUV Phaseout Coalition Western Visayas (NTPPC-WV), naging pabigat ang PUVMP kahit sa umiiral na mga kooperatiba, dahil sa pagtutulak ng gubyerno na palitan ng mga ito ang tradisyunal na mga dyip ng mahal na mga imported na mini-bus at pagpataw ng lokal na gubyerno ng Local Public Transport Route Plan na naglimita sa pamamasada ng maraming dyip. Pabigat din ito sa maliliit na mga opereytor, na nagkanda-utang-utang dahil sa dami ng mga rekisito ng konsolidasyon. Sa Iloilo, maraming kaso ang nakasampa sa Cooperative Development Authority kaugnay sa pagmonopolyo ng illang dambuhalang “kooperatiba” sa mga ruta sa kapinsalaan ng maliliit na drayber at opereytor.

AB: Panawagang pagpasuspinde ng jeepney phaseout, tagumpay ng mga drayber at opereytor