Pandaigdigang protesta laban sa panibagong bugso ng pananalakay ng Israel sa Gaza, sumiklab
Milyon-milyong mamamayan sa buong mundo ang nagkaisang magprotesta laban sa panibagong bugso ng henosidyo sa Gaza na nagkitil sa buhay ng halos 600 Palestino sa loob lamang ng apat araw nitong Mayo. Panawagan nila ang agaran at permanenteng tigil putukan sa Gaza at ang pagtigil ng brutal na pang-aatake at pambobomba ng Zionistang Israel. Nakataon din ang mga protesta sa paggunita sa ika-77 anibersaryo ng Nakba o Ang Sakuna, ang unang pagkakataong marahas na pinalayas ng mga Zionista ang mga Palestino mula sa kanilang mga lupa para itatag ang estado ng Israel.
Sa Middle East, sumiklab ang pagkilos sa mga mayor na syudad sa Arabo kabilang sa Amman, Cairo, at Beirut. Libu-libo ang nagprotesta sa labas ng mga emabahada ng Israel at upisina ng United Nations.
Sa Europe, daan-daang libo ang nagmartsa sa gitna ng mga syudad sa London, Paris, Berlin at Madrid. Nagsagawa rin ng vigil sa labas ng mga embahada ng Israel ang mga aktibista habang binabasa ang pangalan ng mga pinatay nito sa Palestine. Nananawagan sila na itigil ng kanilang gubyerno ang pagbebenta ng armas sa Israel.
Sa US, naglunsad ng malawakang protesta sa Washington DC, New York, Dallas at Los Angeles. Nanawagan ang mga aktibista sa administrasyon ni Trump na pigilan ang opensiba ng Israel at pahintulutan pumasok ang ayuda sa Palestine. Maraming kabataang estudyante ang naglunsad rin ng mga sit-in at teach-in sa mga unibersidad.
Sa Asia at Africa, nagkaroon rin ng mga demonstrasyon sa Jakarta, Kuala Lumpur, Cape Town, at Buenos Aires. Nagpahayag ng pakikiisa sa Gaza ang mga nagprotesta at pinuna ang double standard na pagtugon ng ibang mga bansa hinggil sa paglabag sa karapatang tao ng Israel.
Ang panibagong serye ng pambobomba ay resulta ng Operation Gideon’s Chariots, isang planong militar ng Israel na may layunin ay pangmatagalang okupahin ang buong Gaza at ikulong ang mga sibilyang Palestino sa iilang “sentro ng ebakwasyon” sa bahaging timog ng engklabo.
Sa Pilipinas, nakiisa ang Moro-Chiristian Peoples Alliance (MCPA) sa pandaigdigang panawagan ng agaran at permanenteng tigil putukan sa Gaza.
Ayon kay Amirah Lidasan, pangkalahatang kalihim ng MCPA, “mula nang naputol ang tigil-putukan, ang Zionistang Israel at ang numero uno nitong taga pondo ay walang pinakitang awa sa mga kapatid na Palestino. Nagbibingi-bingihan sila sa humahabang listahan ng mga martir at biktima, at ang mga nabubuhay ay walang mapupuntahan.”
Nananawagan si Lidasan sa internasyunal na komunidad na patuloy na himukin ang kanilang mga lider na gumawa ng aksyon laban sa walang patid na pag-aatake sa mga mamamayan na Palestino. “Ang paglaya ng isa ay paglaya ng lahat, lalo na ngayon sa harap ng matinding paglabag sa karapatang tao, hindi dapat tayo tumigil hangga’t hindi nakakalaya ang Palestine” dagdag ni Lidasan.
“Sa pagharang ng Israel sa pagpasok ng ayuda sa Gaza, ginamit nila ang gutom bilang armas laban sa mga Palestino. Ginugutom sila habang inuulan nila ng bomba ang mga refugee camps at ospital. Paano yun naging makatao?” ayon kay Lidasan.
Tinawag ni United Nations Secretary-General António Guterres ang sitwasyon ng mga Palestino bilang “hindi mailarawan, labis na malupit, at hindi makatao.” Mula nang sinimulan ng Israel ang pananakop sa Gaza noong Oktubre 2023 ay mahigit 53,000 ang pinaslang at tinatayang 121,000 ang nasugatan na mga Palestino.