Pangkalahatang welga, idineklara ng mga manggagawang Korean para patalsikin ang presidente ng bansa
Nagkasa ng walang taning na pangkalahatang welga ang mga manggagawa sa South Korea sa ilalim ng Korean Confederation of Trade Unions (KCTU) bilang tugon sa deklarasyon ng batas militar ng presidente ng bansa na si Yoon Suk-yeol kahapon ng gabi, Disyembre 3. Umaabot sa 1.2 milyong manggagaa ang kasapi ng KCTU, ang pinakamalaking pederasyon ng mga unyon sa bansa.
Ayon sa KCTU, ang pangkalahatang welga ay para ipagtanggol ang demokrasya laban sa labag sa konstitusyon at tiranikong hakbang ng estado. Panawagan nito sa lahat ng mga kasapi sa buong bansa na isagawa sa Disyembre 4 ang work stoppage o paghinto sa pagtatrabaho. Samantala, magtitipon ang mga myembrong unyon na nakabase sa Seoul, kabisera ng bansa, sa Gwanhwamun Square. Kasama sa pagkakasa ng welga ang mga unyon sa pampublikong transportasyon at pampublikong upisyal sa edukasyon.
Ang pagpataw ng batas militar ay taktika lamang ni Yoon para supilin ang mamamayan at manatili sa pwesto sa gitna ng rumaragasang krisis sa pulitika, ayon sa KCTU. Anang mga manggagawa, “unimaginable” o wala sa hinagap ng kanilang isip ang deklarasyon lalupat’t 44 taon na ang nakalilipas mula nang huling ipinataw ang batas militar sa bansa.
“Habang ang deklarado nitong dahilan ay ang paggapi ng mga pwersang maka-North Korea at pagpapanatili ng kaayusang konstitusyunal, batid ng lahat ng mamamayan liban lamang kay Yoon ang tunay na dahilan ng deklarasyon ng batas militar. Pinili ni Yoon Suk-yeol ang hindi rasyunal at anti-demokratikong paraan ng batas militar para palawigin ang sarili sa poder dahil sukol na ito sa pulitika,” ayon sa KCTU.
Pinaalala ng pederasyon ang mga diktadura nina Park Chung-hee at Chun Doo-wan na kapwa “nagwasak sa demokrasya at mga karapatang-tao para makapanatili sa poder.” Ilang buwan nang binabayo ng krisis ang pamumuno ni Yoon, na nahaharap sa 22 impeachment complaint, at dagdag na 10 na hindi pa naisampa. Kontrolado ng kanyang partido, ang People Power Party, ang 108 pwesto sa 300-kataong parlamento.
“Hindi ito patatawarin ng mamamayan. Naaalala pa nila ang kapalaran ng mga rehimeng nagdeklara ng batas militar,” ayon sa KCTU. Ang rehimeng Yoon Suk-yeol na mismo ang nagdeklara ng katapusan ng kapangyarihan nito, ayon sa pederasyon.
Itutuloy ng mga manggagawa ang welga kahit matapos ipinawalambisa ng parlamento ng bansa ang batas militar pagka-umaga, o anim na oras matapos ito idineklara. Anito, ilulunsad ng mga manggagagaaw ang “hakbang pang-emerhensiya” na welga para sa pagtatakwil ng batas militar, pagbibitiw ni Yoon Suk-yeol, at para sa mga repormang panlipunan at soberanya ng mamamayan.”