Panunutok ng “military-grade laser” ng China sa barkong Pilipino, kinundena

,

Binatikos ng mga demokratiko at progresibong grupo ang agresyon at panunutok ng “military-grade” na laser ng Chinese Coast Guard (CCG) sa isang sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea noong Pebrero 6. Kaugnay nito, naghain ng isang resolusyon ang blokeng Makabayan sa House of Representatives para kundenahin ang naturang insidente at tuligsain ang malamyang tugon dito ng gubyernong Marcos.

Ayon sa mga ulat, tinutukan ng laser ng CCG ang sasakyang pandagat ng Pilipinas habang nag-iikot ito at naghahatid ng suplay para sa Philippine Navy na naka-istasyon sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

Sa House Resolution No. 781 na inihain ng blokeng Makabayan, iginiit nila sa Committee on Foreign Affairs (komite sa usaping panlabas) na magsagawa ng isang imbestigasyon sa naturang insidente. Pinuna nila na hanggang ngayon ay wala pang malinaw na hakbang kung paanong matutugunan ang isyu kahit pa nakipagpulong na si Marcos Jr kay Chinese Ambassador Huang Xilian.

Nilaman din ng resolusyon ang pagbatikos sa pangangatwiran ng China sa “lantarang agresyon” nito sa West Philippine Sea. Ayon pa sa mga mambabatas ng blokeng Makabayan, isa itong “gaslighting” o sinisisi pa ang Pilipinas para baluktutin ang mga katotohanan sa pangyayari.

“Tayo pa raw ang nanghimasok sa kanilang teritoryo nang walang pahintulot gayong bahagi ang Ayungin Shoal ng ating exclusive economic zone. Hindi rin katanggap-tanggap ang military action ng Chinese vessel sa counterpart nito sa Pilipinas,” pahayag ni Gabriela Womens Party Representative Arlene Brosas.

Maliban dito, ipinananawagan din nito sa administrasyong Marcos na maglabas ng “mas matikas na kontra-hakbang” at igiit ang soberanong karapatan ng Pilipinas sa Ayungin Shoal, at itulak ang pagpapaatras ng mga barkong pandigma ng China sa sakop na karagatan ng Pilipinas.

Ayon pa kay Rep. Brosas, dapat umanong kagyat na umaksyon at magrekomenda ang bansa pareho ng mga bilateral at antas rehiyon na pakikipag-usapan para tugunan ang agresyong ito ng China.

Para naman sa grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), mistula itong ‘flashback’ o pag-uulit sa ginawang paninindak at panggigipit ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Pilipino sa nagdaang mga taon. “Kung kayang takutin ng Chinese Coast Guard ang mga awtoridad ng Pilipinas, paano na lang ang mga walang kadepe-depensa at mas bulnerableng sektor ng mga mangingisda?” pahayag ni Fernando Hicap, pambansang pangulo ng Pamalakaya.

Hamon pa ni Hicap, “dapat pagtibayin ng AFP ang mandato nito sa konstitusyon…na pangalagaan ang pambansang soberanya. Hindi ito pag-uudyok ng gera, kundi panawagan para sa aktibong pagtatanggol sa ating teritoryo mula sa ating mga awtoridad na nakasaad sa konstitusyon.”

AB: Panunutok ng "military-grade laser" ng China sa barkong Pilipino, kinundena