Balita

Raling-iglap sa embahada ng US, isinagawa ng mga kabataan

,

Nagraling-iglap sa tapat mismo ng embahada ng US sa Roxas Boulevard, Pasay City ang mga grupo ng kabataan kahapon, Hulyo 31, para batikusin ang pagbisita ng mga kriminal sa digma na sina US State Secretary Antony Blinken at US Secretary of Defense Lloyd Austin sa Pilipinas. Dahil biglaan, hindi kaagad nakatugon ang mga pulis na bantay ng embahada sa protesta ng mga kabataan.

Sa pangunguna ng League of Filipino Students (LFS) at Filipino Youth for Palestine, isinagawa ng kabataan ang isang maiksing programa kung saan kinundena nila ang naganap na “2+2” meeting sa pagitan ng nina Austin at Blinken, at mga upisyal ng tutang gubyernong Marcos na sina Gibo Teodoro, kalihim ng Department of National Defense, at Enrico Manalo, kalihim ng Departmment of Foreign Affairs, noong Hulyo 30.

“Walang ibang layunin ang 2+2 meeting na ito kundi lalo pang pahigpitin ang kontrol ng US sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagtutulak ng mga di pantay na kasunduan tulad ng General Security of Military Information Agreement, at Philippines-Security Sector Assistance Roadmap, na siya ring sanhi ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea,” ayon sa LFS.

Binatikos rin nila sa protesta ang pagsuporta ng imperyalismong US sa kampayang henosidyo ng Zionistang Israel laban sa mga Palestino sa Gaza. Ngayong araw ang ika-300 araw ng panggegera ng Zionistang Israel sa Gaza Strip, simula pa Oktubre 7, 2023. Hindi bababa sa 39,445 katao na ang pinatay ng Israel sa Gaza, 91,073 ang nasugatan at nagpalayas sa 2.3 milyong Palestino.

Imbwelto rin ang imperyalismong US sa mga pag-atake at pambobomba ng Irael sa ibang bahagi ng Middle East tulad ng Lebanon, Syria, Yemen, Iran, at mga okupadong teritoryo nito sa Palestine. Sa datos ng Armed Conflict Location and Event Data Project (ACLED), umabot na sa kabuuang 17,081 pag-atake ang ginawa ng Israel mula Oktubre 7, 2023 sa mga bansang ito.

Para ipamalas ang kanilang labis na pagkamuhi sa imperyalistang US, sinunog ng kabataan ang bandila ng US sa harap ng embahada. Ayon kay Ysabelle Briones, tagapagsalita ng Youth for Justice and Peace na lumahok rin sa protesta, pagpapakita ito ng paglaban sa patuloy na pagyurak sa karapatang-tao sa pakitang taong mga patakaran at programa ng US.

Samantala, matapos ang raling-iglap ng mga kabataan, nagsabit ng isang malaking balatengga ang LFS sa Filipino-American “friendship” footbridge. Laman nito ang pagkundena kina Blinken at Austin na bumisita sa Pilipinas. “Walang lugar ang mga numero-unong terorista, utak-pulbura, at mga nanunulsol ng gera sa ating bansa,” anang LFS.

AB: Raling-iglap sa embahada ng US, isinagawa ng mga kabataan