US at Europe, tiba-tiba sa pagbenta ng armas noong 2022
Lalupang lumaki ang kita ng US, ang numero unong tagapagmanupaktura ng armas, sa unang taon ng proxy war nito sa Ukraine laban sa Russia. Kasabay na lumaki ang kita ng mga kumpanya ng armas ng kaalyado nitong bansa sa Europe, na nagbuhos din ng mga armas sa Ukraine para patagalin at pasidhiin ang gera doon.
Sa datos na isinapubliko noong Marso 11 ng Stockholm International Peace Research Institute o SIPRI ng Sweden, lumobo ang kita ng US at Europe sa kabila ng 5.1% pagbaba ng pandaigdigang bentahan ng armas sa nakaraang limang taon (2018-22). Ang SIPRI ang solong institusyon sa mundo na nagmomonitor sa bilang at halaga ng bentahan ng armas sa pagitan ng mga estado.
Di kataka-taka, sumirit tungong pangatlong pwesto ng pinakamaraming inangkat na armas ang Ukraine, kasunod sa Qatar at India. Bago nito, mula 1991 hanggang 2021, napakaliit lamang ang inangkat ng Ukraine na mayor na mga armas.
Ayon sa SIPRI, tumaas nang 47% ang benta ng mga kumpanyang gumagawa ng armas sa Europe sa 2018-2022, partikular ang France at Germany.
Nananatiling ang US ang pinakamalaking tagabenta ng armas sa buong mundo. Hawak nito ang 40% ng bentahan ng gayong armas sa nakaraang limang taon, 14% na mas mataas kumpara sa unang limang taon bago nito (2013-2017). Mas marami nang 148% ang nabenta nitong armas kumpara sa dalawang bansang kasunod nito sa pinakamalaking benta—ang Russia at France.
Sa nakaraang limang taon, halos kalahati ng mga armas ng US ay ibinenta nito sa Middle East, kasunod sa Asia. Ang 23% ng mga armas nito ay napunta sa Europe, partikular sa tatlong alyado nito sa North Atlantic Treaty Organization (UK, The Netherlands at Norway.) Sa Asia, tanging ang Pilipinas ang nagdagdag ng binili nitong mga armas. Tumaas nang 64% ang pagbili nito ng mga armas sa nakaraang limang taon, kalakhan mula sa US.
Lumaki ang bolyum ng armas ng US na ineksport ng US sa Ukraine sa 2022, pero kalakhan nito ay mga relatibong atrasado at segunda manong materyal pandigma. Sa usapin ng halaga, di pa nito naabot ang halaga nang ibinenta ng US na mga abanteng armas at gamit militar sa Kuwait, Saudi Arabia, Qatar at Japan. (Bumili ang naturang mga bansa ng mga combat aircraft at air missile defense system.)
Marami pang armas ang hindi naideliber ng US, kabilang ang mahigit 1,300 combat aircraft, limang malalaking barkong pandigma, 40 sistema ng misayl, mga tangke at armoured vehicle at artileri.