Babae, ang lugar mo ay sa pambansa demokratikong rebolusyon! Sumapi sa NPA!
Pinakamainit na pagbati at pulang saludo ang ipinapaabot ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan sa probinsya ng Laguna (MAKIBAKA Laguna) para sa ika-55 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan.
Sa loob ng higit limang dekada ng pagsusulong ng armadong pakikibaka sa kanayunan, nakatatak na sa kasaysayan ang kontribusyon ng Hukbo sa dakilang kilusang mapagpalaya. Humarap man sa mga kamalian at kabiguan sa mga nagdaang panahon, hindi ito naging hadlang para huminto ngunit nagsisilbing inspirasyon at paalala upang tanggapin ang mga naging pagkukulang at sumulong para sa sambayanan.
Binubuo ng mga magsasaka at manggagawa ang mayorya ng populasyon sa bansa at kabilang dito ang masang kababaihan. Ayon nga sa dakilang guro at rebolusyonaryong si Mao Zedong, “Angkin ng kababaihan ang kalahati ng kalawakan”. Ngunit sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino, maging ang abuso at pagsasamantala ay bitbit din ng kababaihan. Dobleng pagdurusa ang hinaharap ng isang babae; una ay dahil sa kanyang uring kinabibilangan at ikalawa ay dulot ng pyudal-patriyarkal na sistema—lahat ng ito ay dulot at pinapalala ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo.
Kalakhan ng kababaihan sa bansa ay biktima ng lumalalang krisis at bahagi ng mga naghihikahos at marhinalisadong sektor. Ayon sa ulat ng mga grupong pangkababaihan, umabot sa 17.3 milyong kababaihan ang hindi kabilang sa pwersa ng paggawa mula Nobyembre 2022 hanggang Nobyembre 2023. Ang mga kababaihan naman sa kanayunan ay humaharap sa kawalan ng kabuhayan, matinding gutom, at nalulubog sa malaking utang. Sa dalawang taon ni Marcos Jr sa pwesto, pumalo na sa 23 ang mga kababaihang bilanggong pulitikal habang 8 naman ang kababaihang bitkima ng extrajudicial killing. Sa usapin naman ng karahasan sa kababaihan at bata o Violence Against Women and Children (VAWC), umabot sa 19, 635 o 92 n biktima kada araw ang kaso ng abuso sa kababaihan mula Enero hanggang Agosto 2023. Lahat ng ito ay nananatiling hindi sinosolusyunan habang niraratsada ng rehimeng US-Marcos II ang Charter Change na magbubukas sa bansa hindi lamang sa mga dayuhang negosyo kundi sa mas matinding presensya ng dayuhang militar sa ating teritoryo.
Dahil sa krisis sa ekonomiya, pulitika, at kultura, hindi kataka-taka kung bakit marami sa kababaihang namumulat sa tunay at nabubulok na kalagayan ng bansa ay nagpapasyang iwan ang buhay na kinagisnan at tahakin ang landas ng armadong pakikibaka. Batid ng bawat babaeng tumutungo sa kanayunan na walang kahit na anong pakialam at solusyon ang reaksyunaryong gubyerno sa mga panawagan ng mamamayan—ito man ay hinggil sa pagwawakas ng abuso sa kababaihan o sa samu’t saring isyu na nagpapahirap sa sambayanan. Alam ng mga kababaihang mulat at nakikidigma na tanging sa pagkakaroon ng demokratikong gubyernong bayan lamang tunay na mapakikinggan at matutugunan ang hinaing ng mamamayan.
Tulad ng mga nagdaang rehimen, bitbit ng rehimeng US-Marcos II ang huwad na pangako ng kaunlaran at kapayapaan. Gamit ang mga patakaran tulad ng Executive Order 70 at sa pamamagitan ng kasangkapan nitong National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC, patuloy nitong nilalapastangan ang dakilang adhikain ng rebolusyonaryong kilusan para sa isang ganap na malayang lipunan at ipinagmamalaki ang umano’y paggapi sa armadong pwersa sa kanayunan habang desperadong pinapatahimik ang tinig ng mamamayan sa kalunsuran. Ngunit ang pag-abante ng Bagong Hukbong Bayan sa iba’t ibang parte ng bansa ay indikasyon na walang katotohanan sa mga ibinabalandrang kasinungalingan ni Marcos II at kanyang mga kasapakat.
Binibigyang pagpupugay din ng MAKIBAKA Laguna ang mga kababaihang martir sa probinsya at buong rehiyon ng Timog Katagalugan na hindi nagpatangay sa agos ng sistemang mababa ang tingin sa kababaihan bagkus ay buong paninindigang tumungo sa kanayunan at nagsilbi sa sambayanan bilang mga pulang mandirigma. Pinakamataas na pagpupugay ang aming inaalay kina Abigael “Ka Laura” Bartolome, Allyssa “Ka Ilaya” Lemoncito, Queenie “Ka Kira” Daraman, Precious Alyssa “Ka Komi” Anacta, Baby Jane “Ka Binhi” Orbe, Cristina “Ka Billy” Estocado, Charity “Ka Rise” Diño, Josephine “Ka Sandy” Mendoza, at marami pang iba. Sila ay buong tapang na nakibaka at nag-alay ng buhay para sa isang lipunan na malaya mula sa lahat ng pang-aapi—sa kasarian man o sa uri.
Habang ginagawang parausan ng kapangyarihan ni Marcos Jr. at ng kanyang pinagsilbihang imperyalistang Amerika ang Pilipinas, makakaasa ang estado na mas marami pang kababaihan ang mamumulat at tiyak na mas pipiliing tumangan ng armas upang ipaglaban ang kanilang karapatan bilang babae at Pilipino na hindi kailanman gagawin ng reaksyunaryong gubyerno. Sa pagdiriwang ng Bagong Hukbong Bayan ng ika-55 na anibersaryo nito, hinihikayat ng MAKIBAKA Laguna ang lahat ng kababaihang inaapi at pinagsamahan na mag-ambag sa pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan bilang mga pulang mandirigma sa kanayunan. Ngayon higit kailanman, kinakailangan ng rebolusyon ang tapang, talino, at paninindigan ng mga kababaihan para sa pagtatagumpay nito tungo sa isang lipunan na mayroong tunay na pagkakapantay-pantay, katarungan, pambansang kalayaan, at demokrasya.
Kababaihan, itakwil, labanan, at ibagsak ang teroristang rehimeng US-Marcos II! Lumahok sa digmang bayan!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang pambansa demokratikong rebolusyon!