Bumibigwas ang mga Albayano laban sa garapalang kasakiman ng APEC

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pinagpupugayan ng NDF-Bikol ang mga Albayano sa kanilang pagtindig laban sa halos isang dekadang lantarang paghuthot ng tubo ng Albay Power and Electric Corporation ng San Miguel Electric Corporation sa prubinsya. Matapos ang walong taon ng walang silbing serbisyo, walang patid at nakalululang mga pagsirit ng presyo, nagpasya na ang mamamayan: babawiin nila ang marapat sa kanila at hindi na hahayaang mapayukod ng APEC. Sa ngayon, pinakamataas ang singil sa kuryente sa Albay na pumapalo sa P18.66 kilowatt kada oras. Doble itong pasakit laluna’t ang Pilipinas ay isa rin sa mga bansa sa daigdig na mayroong pinakamahal na presyo ng kuryente.

Totoo sa pagiging halimaw na kapitalista nito, nagkukumahog ngayon ang APEC na panatilihin ang target nitong kita at bawiin ang kapital. Nagkakandaugaga ang mga upisyal na baliin ang kapasyahan ng mga Albayano sa pamamagitan ng pambabanta na ipagkakait nito ang guarantee service habang pinagpipilitan pa rin ang kanilang kontrol sa distribusyon. Sa puntong umabot na ngang magpahayag silang, “damay-damay na” – na animo’y wala nang sinasanto sa kanilang lantaran at nag-uulol na paghahambog ng lakas. Nagsisikap ang APEC na buhusan ng malamig na tubig ang inisyatiba ng mamamayan sa pamamagitan ng pangungumbinsi sa kanilang magiging tiyak ang pagputol sa kuryente ng buong prubinsya kapag binitiwan nila ang kanilang kontrol dito.

Ngunit hindi dapat magpasindak ang mga Albayano sa mga banta ng ganid na APEC at ng punong kumpanya nitong SMEC. Una sa lahat, walang karapatan ang APEC na ipagpilitang bawiin ang ipinuhunan nito. Ang kuryente ay isa sa mga batayang serbisyo na karapatang matamasa ng mamamayan at hindi isang pasaning dapat pagdusahan. Umpisa pa lamang, ipinahayag na ng mga Albayano ang kanilang pagtutol sa pribatisasyon ng Albay Electric Cooperative (ALECO). Hindi na kasalanan ng mamamayan kung nagpumilit ang APEC na sunggaban pa rin ang suplay at distribusyon ng kuryente sa prubinsya at gawin itong isang enggrandeng negosyo at palagatasan ng tubo.

Malinaw na ipinakikita ng tigas-mukhang paggigiit ng APEC na tapusin ang kanilang 25-taong konsesyon sa kabila ng malawak na pagtatakwil ng mamamayan na ang tanging iniisip nito ay kung gaano kalaking yaman ang mahuhuthot nito mula sa masa sa pinakamahabang panahong maaari.

Ikalawa, ang SMEC ni Ramon Ang ang isa sa pinakadambuhala at matatatag na negosyo sa bansa. Kahit sa rurok ng pandemya, umabot pa rin ang kabuuhang kita nito sa P17.2 bilyon para sa unang kwarto ng 2021. Ito ay higit sa isanlibong ulit na mas malaki kaysa sa kinita nito noong 2020 sa parehas na panahong saklaw. Noong 2020, lampas sangkapat ng suplay ng enerhiya sa buong bansa na ang kontrolado ng SMEC. Isa rin si Ang sa sampung pinakamayayamang tao sa bansa sa kasalukuyan. Kaya, ang palabasing ‘malulugi’ ang SMEC o si Ang sa pag-alis ng APEC sa Albay ay napakalaking kalokohan.

Nagsimula na ang mga Albayano sa kanilang laban upang tuluyan nang tuldukan ang kasakiman ng APEC. Upang magtagumpay ito, dapat silang manatiling matatag sa paggiit ng kanilang mga kahingian at pinagkakaisahan. Dapat nilang ipatuloy ang pagpanawagan at hamigin ang suporta ng buong rehiyon at mga kapwa konsyumer sa buong bansa. Ang mga pampublikong upisyal ay marapat ding patuloy na sumuporta sa kanilang mga nasasakupan at tumindig kasama nila hanggang sa huli. Matagal nang napatunayan ng mga Albayanos ang tayog ng kayang abutin ng kanilang hindi nababaling pagkakaisa – mula sa pagpapasara ng pagmimina ng Lafayette noong 2005 hanggang sa mahigpit na pagtutol sa Balikatan Exercises noong 2009. Marapat itong maging aral sa sinumang magtatangkang pagsamantalahan ang mga Albayano at Bikolano: huwag salingin ang mga Uragon dahil tiyak na sila ay bibigwas.

Bumibigwas ang mga Albayano laban sa garapalang kasakiman ng APEC