Dakilain ang Bagong Hukbong Bayan, hukbo ng magsasaka!
Nagpapaabot ng Pulang saludo ang Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Timog Katagalugan o PKM-TK sa mahigit sa limang dekadang paggunita sa lipos na buhay at kamatayang pagtatag, pagpupundar at sa ganap na pagkalatag at pag-ugat sa rehiyon ng armadong pakikibaka sa pamamagitan ng pinakamamahal nating BHB! Sa tala ng rebolusyonaryong pakikibaka sa rehiyon at buong kapuluan, bukod tanging BHB na nasa pamumuno ng PKP-MLM, ang walang pagdadalawang-isip at pag-iimbot na palagiang ipinauuna ang interes ng masang api’t pinagsasamantalahan, at ang paglaban para sa paglaya ng bayan.
Syempre pa, sa mga martir na mga kadre, kumander at mandirigma na hanggang sa kanilang huling hininga ay hindi bumitiw sa landas at pagtataguyod ng armadong pakikibaka. Ang inyong mga paninindigan, katatagan, sakripisyo at pagbubuwis ng buhay ay di masasayang, at magsisilbing inspirasyon hanggang tagumpay.
Walang sinuman ang makakapagpasubali na ang digmang bayan ay Digmang Magsasaka, ang BHB bilang hukbong magsasaka ay siyang pangunahing organisasyong masa na nangunguna at nagpapatupad ng anti-pyudal na pakikibaka, paglulunsad ng taktikal na opensiba at pagtatayo ng base sa kanayunan na nagsisilbing moog at di masasaid na bukal na suporta at kadluan ng Pulang mandirigma para sa BHB. Mahigpit itong katuwang ng mga organisasyong masa, partikular ang PKM, milisyang bayan, yunit pananggol sa sarili at para sa pagpapahina ng kaaway, pagpapabagsak ng Imperyalismo at paghahasik ng binhi ng sosyalistang hinaharap.
Ispesyal at may partikular na kabuluhan ang ika-56 na taong pagdiriwang ng anibersaryo ng mahal nating BHB, liban sa kasagsagan ng walang kaparis na krisis sa ekonomiya at pulitika, panahon din ng kampanyahan para sa mid-term na burges at reaksyonaryong eleksyon. Sa panahon ding ito, nagaganap ang rurok ng banggaan ng pinakamasahol na paksyon ng naghaharing uri: Marcos at Duterte. Parehas na mandarambong, parehas mamamatay tao, at parehas tuta ng imperyalista. Ipinagdiriwang din natin ang ika-56 anibersaryo sa panahon ng kilusang pagwawastong itinataguyod ng ating mahal na Partido.
Tinatalunton pa rin ni Marcos Jr ang patakarang iniwan ni Duterte, neoliberal na patakaran sa agrikultura at pagpatay sa lokal na produksyon. Gayundin ang paghahari ng militar sa pamamagitan ng NTF-Elcac at ATL. Nakatali rin ang kamay, sunod-sunuran sa dikta ng Imperyalistang US. Walang habas na importasyon ng bigas, sibuyas, asukal at pati na sa karne ng baboy at manok. Bumabaha na rin ang importasyon ng isda, at pinakahuli ay ang pagpapahintulot ng DA/BFAR na pumasok ang mga komersyal fishing sa mga municipal water. Sa mga pambansang minorya ay malawakang mga palit gamit ng lupa, pagtatayo ng dam, Tamaraw Reservation Projects, Enhanced/National Greening Program, panloloko ng NCIP at iba pang ‘proyektong-pangkaunlaran’ para sa kapakinabangan at pagkakamal ng dambuhalang tubo para sa malalaking burges-kumprador at kasosyong monopolyo-kapital. Kinitil na ni Marcos Jr ang lokal na produksyon at mga magsasaka, mangisngisda, katutubo at maliit na negosyante. Nakaraan lang, sa burges na midya, nagtatambak na naman at tinatapon ng mga magkakamatis ang kanilang ani dahil sa sagad sa lupang presyuhan sa pamilihan. Walang plano sa reporma sa lupa at industrialisasyon ang rehimen ni Marcos Jr.
Kaya ang krisis mula sa taong 2022 nang maupo sa kapangyarihan si Marcos Jr, ang bilang ng pamilyang nakakaranas ng pagkagutom ay 7.2 milyon mula sa 4.2 milyon. Ang ipinangalandakan na 72% opisyal na may hanapbuhay ay sa totoo ay part-time, pansamantalang/temporaryong may hanapbuhay o kontraktwal. Ang krisis ng kawalang hanapbuhay para sa disenteng pamumuhay ay larawan ng patuloy na pangingibang bansa ng may 2.5 milyong kababayan natin ng nakaraang taon. Ang badyet ng taong 2025 ay nakaayon sa nalalapit na halalan mid-term, ayudang AKAP ang may malaking tipak ₱26.159 bilyon, malalaking kaltasin sa serbisyong panglipunan, tulad ng sa edukasyon, kalusugan, agrikultura at ang mismong Philhealth ay walang inilaan. May deficit o kulang sa taunang badyet na ₱1.54 trilyon. Kaya tuloy ang pangungutang ni Marcos Jr na ₱187.7 bilyon kada buwan, lampas pa sa rekord ni Duterte na ₱137 bilyon kada buwan. Bukod pa sa pag ka-abswelto sa mga kinakaharap na kaso ng malawakang pandadambong ng pamilya ni Marcos Jr, kapamilya at malalpit na kroni at desipulo na nagkakahalaga na ng ₱200 bilyon. Nilimas na rin ang pondo ng gobyerno sa pamamagitan ng Maharlika Investment Fund.
Sa agrikultura, sa bigas, ngayong unang 3 buwan ng 2025 ay may 641,000MT na aangkatin, ang sibuyas ay mismong sa panahon ng anihan ng lokal na magsisibuyas ay nag-importa pa rin ng 4,000MT (3000 Pula at 1000MT Puti), sa asukal ay may Sugar Order No. 5 (SO5) 240,000MT ng repinado para sa 2024-2025, na may 5% taripa lamang. Ang importasyon ng karneng baboy, baka, manok, itik ay may 1.45 milyong MT ng nakaraang taon 2024 lagpas sa dami ng taon ng 2023 na 1.204 milyon MT. Ngayong taon ng 2025 ay may inaprubahan ng 25,000 MT ng isda at iba pang lamang dagat. Ang Hepe ng DA na may monopolyo sa bansa at Asya Pasipiko ng negosyo sa pangisdaan na Frabelle Corporation. Sa produksyon ng gatas, ng taong 2023, may 18,000MT na halos 0.8% ng konsamsyun ng bansa na 1.937 milyon MT. Ilang datos sa agrikultura ng pagiging pala-asa ng bansa sa importasyon, bunga ng RCEP, GATT-WTO. Bukod pa rito ang kaliwa at kanang konbersyon ng lupa at pananim. Reklamasyon at pagpapalayas sa mga naninirahan at umaasa sa kabuhayan mula sa dagat, partikular sa mga baybayin ng Manila Bay at Tayabas Bay. Para sa ekuturismo at mga pook pahingahan, mga enklabo o pook industrial, agro-industrial, agro-korporasyon, subdidbisyon at iba pang katulad nito.
Ang pundasyon ng pagkakaisa ng Unity Team na para sa pagkopo ng Burukratikong Korapsyon, pag-papakatuta sa Imperyalismong US at pagpapanatili ng lipunang mala-kolonyal at pyudal ay tuluyan nang nawasak at sumambulat, at nagresulta ng pagkaaresto ng matandang Duterte ng ICC/Interpol dahil sa pekeng gyera sa droga na kumitil ng may 30,000 buhay ng mahihirap na mamamayang Pilipino. Ang anak naman na kasalukuyang bise presidente na si Sara Duterte ay nahaharap sa impeachment bunga ng mga kaso ng pandarambong. Si Marcos Jr at mga alipures ay sinasamantala ang mid-term eleksyon para mapatatag pa ang impluwensya at kontrol sa estado, makapagpanatili sa pwesto lagpas sa kanyang termino. Sa saligan, banggaan ng magkaribal na kampo ng Marcos Jr at Duterte ay para sa pagkopo ng kapangyarihan, at para sa pangungulimbat ng patuloy na numinipis na yaman sa bansa. Nangayupapa sa among Imperyalista. Dehado, talo at walang mahihita ang sambayanang Pilipino sa bangayang ito, kundi ibayo pang pagkakait ng serbisyong panlipunan, walang disenteng hanapbuhay, at walang tunay na reporma sa lupa.
Ang burges at reaksyonaryong halalan na dinodomina ng iilang pamilyang oligarkiya, malaking kumprador-burges at panginoong maylupa ay di maitago ang pagiging bulok at pagkabangkarote. Mula sa kwestyonableng elektronikong halalan at Miru System, talamak ang bilihan ng posisyon sa Comelec na puro mga itinilaga ni Marcos Jr. Paggamit ng pondo ng rehimen pabor sa kanyang mga manok diumano para sa tim ng Bagong Pilipinas. Party list na kinubabawan na ng mga kampon ni Marcos Jr, at malalaking oligarkiya at negosyo. Ang mga ahente ng estado, pulis at militar ay laban sa mga patriotiko at makabayang kandidato at partylist. Kaliwa at kanan sa rehiyon at buong bansa ang red-tagging, paninira ng mga kampeyn parapernalia, sarbeylans, pagbuntot sa mga kampanyador ng mga nakasibilyang ahente ng estado, pagmaman-man sa mga pagtitipon ng mga progresibo at ang mga lokal na lider sa mga komunidad ay ‘binibisita’ ng mga ahente ng PNP-Army at NTF Elcac. Kaduweto rin sa paninirang puri ang mga nag-aastang progresibo at sosyalista, na lumalabusaw at nanlilito ng mamamayan. Sa kabila nito, patuloy na lumahok ang mga progresibo at patriotiko para ipalaganap ang alternatibong pambansa demokrasya bilang tunay na solusyon sa krisis panlipunan.
Kaya dapat ituon ang dambuhalang lakas ng sambayanan para sa pagpapabagsak ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo sa pamamagitan ng armadong pakikibaka. Nahaharap ang ating mahal na Hukbo, Partido at lahat ng rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan at lunsod ng isang hamon at misyon para harapin, labanan at pangibabawan ang suhetibismo, burukratismo, NGOismo, pasibidad at de-kahon/de-numero na gawaing pag-oorganisa. Sa nakaraang taon ay nagawa na ninyo ang wastong timpla ng pagharap sa bata-batalyong kaaway, mga depensibang labanan na nagagawang kunin ang inisyatiba at pinsalain ang mga upahang AFP-PNP-Cafgu. Bagama’t may pag-abante, pero nanatiling makipot at kinakailangan na magpalapad at magpalalim ng lahatang panig ng pagoorganisa. Ganito rin ang larawan o kalagayan sa mga ligal na pakikibaka sa mga sentrong lungsod ay nagsisikap at nag-uutay na kumawala sa mabigat na dagan sa balikat ng mga naturang bagahe. Nananalig at buo ang kumpyansa ng PKM-TK, at ng buong rebolusyonaryong kilusan na ang mahinay nating pag-abante, para sa kilusang pagwawasto ay katiyakan ng mga kantitaibo at masisigabong paglakas ng BHB, pagsigla ng matutunog na taktikal na opensiba, paglulunsad ng mga anti-pyudal na pakikibaka, sa ultimo ay paglakas at paglawak ng pulang kapangyarihang pampulitika sa kanayunan. Magsisilbing Moog at Angklahan para sa hinahangad na tagumpay.
Mabuhay ang ika-56 na taon ng BHB!
Mabuhay ng PKP-MLM!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!