Iwasto ang mga pagkakamali at palakasin ang Partido! Buklurin at pamunuan ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino sa paglaban sa rehimeng US-Marcos! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishIlocoHiligaynonBisaya

Puspos ng walang pagsidlang rebolusyonaryong kasigasigan, optimismo at galak, ipinaaabot ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pinakamaalab na militanteng pagbati sa buong kasapian ng Partido sa okasyon ng ika-55 anibersaryo nito. Ipagdiwang natin sa araw na ito ang mga nakamit ng Partido at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa nagdaang taon sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa sambayanan sa mga pakikibakang anti-imperyalista, antipyudal at antipasista at sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Kasabay nito, kritikal-sa-sarili nating tukuyin ang ating mga kahinaan, pagkukulang at mga pagkakamali upang iwasto at pangibabawan ang mga ito, at humakbang nang mas malaki sa susunod na taon.

Magbigay-pugay tayo kay Ka Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Komite Sentral ng PKP, na ang unang taon ng pagpanaw ay ginunita natin noong nakaraang Disyembre 16. Magbigay-pugay rin tayo kina Benito Tiamzon, Wilma Austria, Julius Giron, Mariano Adlao, Jorge Madlos, Menandro Villanueva, Antonio Cabanatan, Dionisio Micabalo, Eugenia Magpantay, Alfredo Merilos, Dennis Rodina, Agaton Topacio, Randall Echanis, Rosalino Canubas, Sandra Reyes, Ezequiel Daguman, Emmanuel Fernandez, Rolando Leyson Jr, Helenita Pardalis, Rogelio Posadas, Jude Fernandez, Josephine Mendoza at lahat ng bayani at martir ng rebolusyong Pilipino. Sa kanilang panaho’y gumawa sila ng malalaking sakripisyo at napakahahalagang ambag sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya.

Habampanahong pahahalagahan ng Partido ang pamana ni Ka Joma. Sa loob ng limang dekada, si Ka Joma ay walang kapagurang manggagawa ng rebolusyong Pilipino at nagsilbing walang maliw na liwanag nito. Pinagyaman niya ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa pamamagitan ng paglapat nito sa kongkretong kalagayan ng lipunang Pilipino at sa paglatag ng estratehiya, mga taktika at tungkulin ng rebolusyong Pilipino. Sa mahaba pang panahon, mananatiling napakahalagang gabay ang mga sulatin ni Ka Joma sa mga rebolusyonaryo at demokratikong pwersa sa pagsusulong ng pambansang demokratikong rebolusyon hanggang ganap na tagumpay.

Kinikilala ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang mga sakripisyo ng lahat ng proletaryong kadre at kasapi ng Partido na patuloy sa walang-pag-iimbot na paglilingkod sa sambayanang Pilipino at layunin para sa pambansa-demokrasya at sosyalistang perspektiba nito. Taglay ang komunistang diwa ng pagbibigay ng lahat ng makakaya para sa uring manggagawa at masang anakpawis, binabalikat nila ang gabundok na mga tungkulin para sa pagsusulong ng rebolusyon sa kani-kanilang larangan ng responsibilidad.

Ipinararating namin ang aming rebolusyonaryong pagbati sa libu-libong nakababatang kadre na sumanib sa Partido nitong nagdaang mga taon, at ngayo’y nag-aambag ng napakalaking enerhiya sa ating matagalang pakikibaka. Marami sa inyo ngayo’y bumabalikat ng mga tungkulin ng pamumuno bilang mga kagawad ng mga sentral na organo ng Partido, bilang mga kumand at upisyal sa pulitika ng Bagong Hukbong Bayan, at mga lider ng rebolusyonaryong kilusang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Ang bagong henerasyon ng mga komunistang Pilipino, na malalim na nakaugat sa malawak na masa ng mga manggagawa at magsasaka, ay nagpapakita ng walang-kaubusang determinasyong dalhin ang rebolusyong Pilipino sa pagsulong sa hinaharap.

Sa okasyon ng paggunita sa ating anibersaryo ng pagkatatag, ipinararating ng Komite Sentral ang pakikiisa sa lahat ng anti-imperyalista, progresibo at demokratikong mga pwersa sa buong mundo na nagsusulong ng militanteng paglaban sa pambansang pang-aapi at mga gerang agresyon. Ipinaaabot namin ang pagbati ng pakikipagkapatiran sa mga kapwa proletaryo sa buong mundo na nagtataguyod at naglalapat ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong kalagayan ng kani-kanilang bansa at namumuno sa mga manggagawa at masang anakpawis sa pakikibaka para sa kalayaan at sosyalismo.

Sa gitna ng nagpapatuloy na krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, patuloy ang paglala ng mga anyo ng pang-aapi at pagsasamantala ng monopolyo kapitalismo o imperyalismo laban sa milyun-milyong manggagawa at masang anakpawis, at sa pagdambong sa kalikasan para sagarin ang kinakamkam na tubo. Nagluluwal ito ng palalang kundisyong sosyo-ekonomiko para sa mayorya ng mga manggagawa at masang anakpawis kapwa sa mga bansang sentro ng industriyal kapitalismo, at sa mga bansang atrasado, malakolonyal at malapyudal. Nag-uudyok ng mga gera at armadong sigalot ang mga monopolyong kapitalista. Patuloy nilang itinataguyod ang pasismo para sagkaan o kontrahin ang paglakas ng mga rebolusyonaryong paglabang pinamumunuan ng proletaryado. Kinatampukan ang nagdaang mga taon ng lumalawak na panlipunang ligalig at tumataas na antas ng paglaban ng mga manggagawa at masang anakpawis.

Habang patuloy na lugmok sa krisis ang pandaigdigang sistemang kapitalista, patuloy din ang paglala ng bulok na kalagayan ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas. Hatid ng lokal na krisis sa ekonomya at pulitika ang hindi masayod na pagdurusa sa sambayanang Pilipino, laluna sa mga manggagawa, magsasaka at iba pang anakpawis na lalong bumubulusok ang antas ng buhay, sa ilalim ng tumitinding imperyalistang pang-aapi at pandarambong. Lalong tumitindi ang terorismo ng estado at pampulitikang panunupil na tuwirang sinusuportahan ng imperyalismong US. Parami nang parami ang itinutulak ng lumulubhang kalagayan na militante at sama-samang ipaglaban ang kanilang mga karapatang pampulitika at pang-ekonomya, at isulong ang rebolusyonaryong paglaban para kamtin ang kanilang pambansa-demokratikong mga hangarin.

Determinado ang Partido Komunista ng Pilipinas na pamunuan ang mga manggagawa at malawak na masa ng sambayanang Pilipino. Habang nagpapalakas batay sa mga rebolusyonaryong naipundar sa nagdaang 55 taon, kinikilala rin nito kung paanong ang suhetibismo, pangunahin sa anyo ng empirisismo, ay nagresulta sa kritikal na mga pagkakamali at tendensya, kahinaan at pagkukulang sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon, na sumagka sa paglakas nito at ibayong pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa nagdaang ilang mga taon. Upang pangibabawan at iwaksi ang mga pagkakamaling ito, nananawagan ang Komite Sentral sa buong Partido na isulong ang isang kilusang pagwawasto sa batayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at mga saligang prinsipyo ng Partido na inilatag ni Ka Joma.

Layunin ng kilusang pagwawasto na ibayong palakasin ang Partido sa pamamagitan ng pagtataas ng antas sa teorya at rebolusyonaryong praktika ng mga kadre ng Partido; pahigpitin ang kanilang gagap sa Marxismo-Leninismo-Maoismo upang kritikal na lagumin ang nagdaang mga karanasan at humalaw ng mga aral at lalong payamanin ang teorya ng digmang bayan sa Pilipinas; itakwil ang suhetibismo at maling mga patakaran at praktika; isagawa ang pagpuna-sa-sarili upang itaas ang determinasyon ng mga kadre ng Partido at mga rebolusyonaryo na lumaban at magsakripisyo para sa rebolusyonaryong layunin.

Patuloy na pinalalalim at pinalalawak ng Partido ang ugat nito sa masa. Buo ang pasya nitong ilang ulit na palawakin ang hanay nito sa mga susunod na taon upang maisabalikat ang dakilang tungkuling pamunuan ang milyun-milyong mamamayan sa landas ng pagsusulong ng digmang bayan at ng pambansa-demokratikong rebolusyon tungong ganap na tagumpay.

I. Humahantong ang krisis ng imperyalismo sa lumulubhang kalagayan at mga gera

Saklot ng kaguluhan ang kapitalistang sistema sa buong mundo. Pinalalala nito ang apat na mayor na kontradiksyon sa mundo—ang sa pagitan ng monopolyong kapital at proletaryado sa mga bansang kapitalista; sa pagitan ng magkakaribal na kapangyarihang imperyalista; sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at aping mamamayan at mga bansa; at sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga bansang naggigiit ng pambansang kasarinlan at sosyalistang mga hangarin. Patuloy ang pagsubsob nito mula sa pandaigdigang lockdown noong 2020.

Sa kabila ng paputa-putak na paglago noong nakaraang taon, bumalik ito sa landas ng matagalang istagnasyon at paghina habang ang buong mundo’y lugmok sa utang at kagipitang pang-ekonomya. Ang mga kundisyon ng pang-ekonomyang krisis ay nagluluwal ng mga krisis sa pulitika at mga gera. Sa pangunguna ng US, patuloy na naggegera ang mga imperyalistang kapangyarihan sa Eastern Europe at Middle East, habang nagbabantang magsindi ng dagdag na mga gera sa iba pang panig ng mundo. Sa iba’t ibang bansa may malawak na panlipunang pagkaligalig sa mga uring api at pinagsasamantalahan na humahantong sa pagsiklab ng mga armado at hindi armadong paglaban ng bayan sa lumalalang kalagayan ng imperyalistang pagsasamantala at pang-aapi.

Tuluy-tuloy ang pabulusok na pag-ikid sa krisis ng pandaigdigang monoplyo kapitalistang sistema. Sa mahigit isa’t kalahati nang dekada, ang ekonomya ng buong mundo’y nasa pangkalahatan at pangmatagalang istagnasyon.

Ang krisis sa pinansya at ekonomya noong 2008-2009, na kinakitaan ng pagbagsak ng dambuhalang mga bangko at buu-buong ekonomya, ay tanda ng pagkasaid ng pagsisikap ng mga monopolyo kapitalista noong sinundan nitong panahon (mula pagbukas ng dating Soviet Union kasunod ng pagbagsak nito noong 1991 at lubos na integrasyon ng China sa pandaigdigang sistemang kapitalista noong 2001) na tuluy-tuloy na palakihin ang tubo sa pamamagitan ng pagsasamantala sa lakas-paggawa at pagdambong sa likas na yaman, walang-awat na ispekulasyon sa pinansya (dotcom, real estate, pabahay) at dambuhalang pangungutang. Ang napakalaking halaga ng pera (na tinaguriang pondo sa quantitative easing na umabot ng ilang trilyong dolyar) na ininiksyon ng nangungunang mga gubyernong kapitalista ay nabigong tuluy-tuloy na palakihin ang monopolyo-kapitalistang tubo. Ang mga ekonomya ng US at iba pang nangungunang industriyal kapitalistang bansa ay nabigong makabalik sa dating mga antas ng paglago.

Kinatampukan ang ekonomikong lockdown sa pandemya noong 2020 ng malawak na pagkaputol ng kadena ng suplay, produksyon at komersyo ng mga korporasyong transnasyunal, na nagresulta sa pagkahulog ng daan-daang milyong manggagawa at masang anakpawis sa kagipitang sosyo-ekonomiko. Sinamantala ang sitwasyon upang bigyang-matwid ang paggamit ng napakalaking halaga ng pondo ng estado para pasiglahin ang pagkokonsumo, suportahan ang tubo ng mga korporasyon at langisan ang mga pamilihang pampinansya. Pinalutang nito ang mga ekonomya noong 2020, at nagresulta sa pagtalbog na paglago noong 2021-2022, subalit nagresulta rin sa labis na paglaki ng utang at mataas na implasyon na naging pabigat sa pandaigdigang ekonomya ng nagdaang taon. Noong unang kwarto ng 2023, ang pandaigdigang utang ay nasa $397 trilyon, 349% mas malaki kaysa pandaigdigang gross domestic product (GDP o kabuuang halaga ng produksyon).

Gumigiwang-giwang ang ekonomya ng US sa nagdaang 15 taon ng mabagal na paglago. Mula 3.62% karaniwang tantos noong 1961-1990, ang taunang paglago ng ekonomya ng US ay bumagsak sa 2.99% noong 1991-2008, at mula noo’y bumagsak pa tungong 1.69%. Matapos umatras ng 2.3% noong 2020, nakabalik nang 5.8% ang ekonomya ng US noong 2021, subalit bumagsak pabalik tungong 2.1% noong nakaraang taon. Nasa $33 trilyon ang utang ng gubyernong pederal ng US at inaasahang sisirit pa matapos suspindehin ng gubyernong Biden ang batas na nagtatakda ng hangganan ng pwedeng uutangin hanggang 2025.

Sumadsad sa resesyon ang ekonomya ng Germany (pinakamalaki sa Europe) noong huling kwarto ng 2022 hanggang unang kwarto ng 2023 (pagliit nang 0.3%). Bumalik ito sa resesyon noong Mayo, at inaasahang nasa resesyon ulit sa susunod na taon. Ang UK at France ay nasa bingit ng resesyon at kapwa inaasahang lumago lamang ng 0.6% ngayong taon. Nasa matagalang istagnasyon pa rin ang Japan. Mula 2008, 0.27% ang karaniwang paglago ng Japan, mula 7.29% noong 1961-1979, 2.91% noong 1980-2000, at 1.45% noong 2001-2007. Lumago lamang ito nang 2.14% at 1.03% noong 2021 at 2022, matapos bumagsak nang 4.28% noong 2020. Inaasahang lalago ito nang 0.4% ngayong taon.

Lumago lamang nang 2.99% ang China noong nakaraang taon, malayo sa dating tantos na 9% paglago noong 2000-2019. Kasalukuyang pinababagal ito ng mga banta ng pagputok ng lobo ng real estate. Ang Evergrande Group, isa sa pinakamalaking property developer sa China ay nagdeklara ng pagkabangkarote matapos hindi makapagbayad sa $300 bilyong utang, na sinundan ng katulad na pagkabangkarote ng iba pang mayor na kumpanya tulad ng Kasia, Fantasia at Shimao Group. Kinakaharap din ng China ang mga banta na hindi mabayaran ng mga bansang may bilyun-bilyong utang sa kanya.

Sa US at iba pang kapitalistang bansa, dumaranas ang mga manggagawa at masang anakpawis ng malawak na disempleyo at mababang sahod, pati na ang samutsaring mga problemang panlipunan tulad ng kawalan ng bahay, gutom, napakataas na gastos sa kalusugan, pagkalubog sa utang ng mga estudyante at iba pa. Milyun-milyong mamamayang hindi puti at mga manggagawang migrante ang dumaranas ng rasismo, gayundin ng panatisismo sa relihiyon at pasismo. Araw-araw, ang mga maramihang pamamaril ay banta sa buhay ng mga tao.

Mga bansang atrasado at malakolonyal at malapyudal ang bumubuo ng mayorya ng mga bansa sa mundo, laluna sa Asia-Pacific, Latin America, Middle East at Africa. Patuloy na tumataas ang pampublikong utang ng mga ito sa pagtatangka ng mga gubyerno dito na itawid ang mga depisito sa kalakalang bunga ng lumalaking gastos sa pag-aangkat. Sa tinaguriang umuunlad na mga bansa, nasa 20% ng kita ng mga gubyerno ang napupunta sa pagbabayad-utang. Nasa 60% ng mga bansang ito ang namemeligrong hindi makapagbayad ng utang, katulad ng krisis sa Sri Lanka noong 2022.

Ang mga manggagawa, magsasaka at iba pang anakpawis sa mga bansang atrasado ay pare-parehong humaharap sa mga panlipunang problema tulad ng pamalagiang malawakang disempleyo, mala-aliping sahod, kawalan ng lupa, kawalan ng tirahan, mataas na gastos sa kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan, pati na pampulitikang panunupil.

Lumalala ang panlipunang hindi pagkakapantay-pantay habang lalong nakokonsentra ang yaman sa kamay ng iilang multi-bilyunaryo. Mayroong 2,640 bilyunaryo na may hawak ang kabuuang $12.2 trilyon, na 75% ay nasa lilimang bansa (US, Chian, India, Germany at Russia). Mayroong 724 bilyunaryo sa US, na ang 400 pinakamalaki’y may hawak sa $4.5 trilyon. Ang nangungunang 20 ay lalupang lumaki ang yaman nang 20-30% noong nakaraang taon.

Patuloy na hinihila ang kapitalistang sistema ng mundo ng hindi malutas-lutas na krisis ng sobrang produksyon at bumabagsak na tantos ng tubo. May sarplas na produksyon sa mayor na mga kalakal tulad ng langis, elektroniks (semikonduktor), mga butil at iba pa. Ang kapitalistang kumpetisyon at anarkiya sa produksyon ay patuloy na humahantong sa walang pigil na pagdambong sa yaman ng mundo, kapitalistang polusyon, pagwasak sa kalikasan, krisis sa klima at pagkawala ng biodiversity, na kinatampukan ng lalong dumadalas na sakuna sa klima (mga sunog at baha) na sumalanta sa malalaking bahagi ng mundo. Ang monopolyong kapitalismo ay katumbas na mas maigting na kumpetisyon sa ekonomya at sigalot sa pulitika ng mga kapitalistang kapangyarihan. Habang ipinapataw ang liberalisasyon sa ibang mga bansa, ipinatutupad naman ng US sa sarili nitong bansa ang mga proteksyunistang patakaran sa kalakalan at industriya pabor sa mga kumpanyang US, at ang pamumuhunan ng estado sa industriyang semikonduktor, green energy at iba pa.

Patuloy na lumalakas ang mga banta ng gera sa pagitan ng mga mayor na imperyalistang kapangyarihan bunga ng agresibong paggigiit ng US ng pandaigdigang paghahari sa harap ng mga paghamon sa hegemonya nito. Napakalaking rekurso ang iniimbudo sa gastusing militar. Noong nakaraang taon, umabot sa bagong rekord na $2.24 trilyon (3.37% mas mataas sa nagdaang taon). Mahigit 56% ng lahat ng gastos sa militar, at 61% ng lahat ng eksport ng mga sandata ay hawak ng US, China at Russia.

Mahigit 20 buwan na ang proxy war ng US at Russia sa Ukraine na ginagamit na tau-tauhan ng alyansang militar na US-NATO. Gumastos ang Russia ng $81.7 bilyon noong 2022, at gagastos ng kabuuang $120 bilyon itong 2023 at $132 bilyon sa 2024 na nagpalakas ng produksyon sa mga pabrikang pangmilitar. Umabot na sa $75 bilyon ang ibinigay na ayuda ng US sa Ukraine, kabilang ang $44.2 bilyong ayudang militar, na lalong nakapagpapatagal sa armadong sigalot. Pinakamalaking kumita sa gera sa Ukraine ang mga kumpanyang Amerikanong gumagawa ng sandata tulad ng Lockheed Martin, Raytheon, Northrop at Boeing.

Kasabay nito, balak ng US na ibigay ang $14.5 bilyong paketeng ayudang militar sa Israel para suportahan ang Zionistang pambobomba at okupasyon sa Gaza, na pumatay na sa halos 19,000 mula Oktubre 7. Ang pinalakas na suporta ng US sa Israel ay bahagi ng tulak nitong kontrolin ang mga yamang langis laban sa Iran at iba pang bansa sa Middle East na naggigiit ng kanilang kasarinlan. Dahil sa pagtanggi ng US na suportahan ang pandaigdigang sigaw para sa tigil-putukan sa Gaza bilang pagsuporta sa pambobomba ng Israel, lalo itong nahiwalay sa buong mundo.

Patuloy ding pinalalakas ng US ang paggigiit nito ng hegemonya sa rehiyong Asia-Pacific, alinsunod sa estratehiya nitong pigilan ang paglawak ng imperyalistang karibal na China. Nagpakat ang US ng dalawang carrier strike group, isa (USS Nimitz) sa South China Sea, at isa pa (USS Ronald Reagan) sa Japan. Sinusulsulan nito ang paghihiwalay ng Taiwan sa China, ang pagtulak ng karapatan ng Pilipinas sa karagatan sa ilalim ng United Nations Convention on the Laws of the Seas (UNCLOS), at mga sigalot sa Korean peninsula, upang udyukin ang China na gumawa ng mga aksyong agresibo na maaaring humantong sa tuwirang kumprontasyong militar.

Ang paggigiit ng US ng hegemonya ay tinugunan ng pagsasama-sama ng mga karibal nito sa mga alyansang militar. Patuloy na pinalalakas ng China at Russia ang Shanghai Cooperation Organization, ang alyansang panseguridad na kinabibilangan ng India, Kazakhstan, Kyrgyzstan, Pakistan, Tajikistan at Uzbekistan. Pinamumunuan din ng China at Russia ang mga pagsisikap na bumuo ng mga ugnayang pang-ekonomya, pangkalakalan at pampinansya na hindi nakatali sa dolyar ng US. Patuloy ding pinalalakas ng North Korea ang ugnayang pang-militar at pang-ekonomya nito sa Russia at China.

Nagluluwal ang imperyalistang krisis at sigalot ng kundisyong pabor sa tuluy-tuloy na paglakas at pagsulong ng mga pakikibakang manggagawa at kilusang anti-imperyalista sa mga kapitalistang bansa, at mga demokratikong pakikibakang masa at rebolusyonaryong paglaban para sa pambansa at panlipunang paglaya mula sa imperyalistang kontrol at dominasyon sa mga malakolonya, at para sa sosyalistang rebolusyon.

Sumiklab ang mga mayor na welgang manggagawa sa United States kabilang ang welga ng United Auto Workers at ng Hollywood Writers and Actors. Sa Europe, nagwelga ang mga manggagawa sa transportasyon sa Italy, Spain at UK. Mayor na mga welga rin ang inilunsad ng mga manggagawang pangkalusugan sa UK, mga manggagawa sa riles at mga kawaning pampubliko sa Germany, at iba pa. Pangkasaysayang mga pangmasang demonstrasyon at martsa ng milyun-milyong mamamayan ang inilunsad sa iba’t ibang panig ng mundo laban sa henosidyo ng US-Israel laban sa Palestine.

Patuloy na lumalagablab ang mga rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa kasalukuyan, puspusang isinusulong ng mga rebolusyonaryong pwersang Palestino ang armadong paglaban sa kanilang bayang-tinubuan laban sa malupit na pambobomba at henosidyo ng Zionistang Israel na may suporta ng US. Sa Myanmar, nilalabanan ng mga etnikong hukbo ang pasistang huntang Tatmadaw at nagpaigting ng mga opensibang gerilya sa nagdaang mga buwan. Mayroon ding mga rebolusyonaryong armadong pakikibakang pinamumunuan ng mga partido komunista sa India, Turkey, Kurdistan, Colombia, Pilipinas at iba pang bansa.

II. Ang matalas na krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal ay nagluluwal ng paglaban

Lalo pang sumisidhi ang krisis ng naghaharing malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas na nagreresulta sa lalong mabigat na pasanin sa bayan. Kinatatampukan ang krisis ng patuloy na pagbagsak ng ekonomya na tuwirang nakatali sa krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, at ng mabilis na pagtalim ng krisis sa pulitika na kinatatampukan ng internal na labanan sa loob ng naghaharing pangkating, pagkahiwalay ng rehimeng US-Marcos matapos lamang ang isang taon sa poder, at ang tuluy-tuloy na pag-ipon ng lakas ng mga pwersang demokratiko at patriyotiko.

Malawakan ang pagkawasak ng mga lokal na pwersa sa produksyon na humahantong sa pagbagsak ng produksyon (kapwa manupaktura at agrikultura). Nagreresulta ito sa malawak na kawalan ng trabaho, lalong pagkasalalay sa mga imported na kalakal para sa konsumo, at pagsirit ng mga presyo.

Wala pa ring nagsasariling mga pambansang industriya at kapasidad ang bansa na lumikha ng mga saligang pangangailan ng mamamayan. Ang lokal na produksyon ay nakasalalay pa rin sa pag-aangkat, at nakatuon pa rin sa pag-eeksport ng mga produktong semiprocessed na bahagi ng internasyunal na assembly line, tinatawag na “global value chain” ng mga monopolyo kapitalista, mga hilaw na produktong pang-agrikultura at mga batong mineral. Nagsisilbi ang mga export processing zone pangunahin bilang sentro ng semiprocessing (asembliya at manwal na pag-iinspeksyon) ng naunang inangkat na mga pyesa na muling ieeksport na napakaliit ng dagdag na halaga.

Dahil sa pagbagsak ng pandaigdigang ekonomya, tiyak na masidhing tatamaan itong sistemang nakasalalay sa pag-aangkat at nakatuon sa pag-eeksport na sistemang itinataguyod ng nagdaang mga rehimen at kasalukuyang rehimeng Marcos. Lalong mabilis na lalala at lalalim ang krisis sa ekonomya sa Pilipinas sa darating na taon. Tuluy-tuloy na lumiliit ang kabuuang bolyum ng kalakalan sa nagdaang dalawang taon na salamin ng pandaigdigang kalakalan bunsod ng sobrang suplay at pagbagal ng manupaktura. Tuluy-tuloy na lumiliit ang eksport ng mga pyesang elektroniko, na bumubuo ng bulto ng semiprocessing sa Pilipinas, mula simula ng taon.

Hindi mapagtatakpan ng mga engrandeng deklarasyon ni Marcos at kanyang mga economic manager na multi-bilyong dolyar na mga “pangakong dayuhang pamumuhunan” ang katotohanang tuluy-tuloy ang pagliit ng tuwirang pamumuhunan ng mga dayuhan sa Pilipinas mula $11.9 bilyon noong 2021 tungong $9.2 bilyon noong 2022, na patuloy na bumagsak nang 15.3% sa unang tatlong kwarto ng 2023. May ilang mga dayuhang kumpanya ang naglipat ng kanilang operasyon mula Pilipinas tungo sa ibang bansa na mas mababa ang gastos sa paggawa.

Dahil walang tunay na reporma sa lupa, nananatiling maliitan at atrasado ang lokal na produksyong pang-agrikultura para sa lokal na suplay ng pagkain. Pataas nang pataas ang gastos sa produksyon dahil sa mataas na presyo ng mga pataba, pestisidyo at gasolina. Ang mataas na upa sa lupa at iba pang anyo ng pyudal at malapyudal na pang-aapi ay kumakaltas sa kita ng mga magsasaka na nagreresulta sa malawak na kahirapan at kagutuman sa kanayunan. Ang walang-awat na pag-aangkat at ismagling ng bigas, sibuyas, bawang at iba pang produktong pang-agrikultura ay dumadagdag sa pasanin ng masang magsasaka, at sa lahat ng mamamayang Pilipino.

Malala pa, malalawak na lupang pang-agrikultura ang isinasailalim sa pagpapalit-gamit ng malalaking burgesyang kumprador gamit ang dayuhang kapital para sa real estate at iba pang gamit. Sa konserbatibong pagtataya ng gubyerno, hindi bababa sa 620 libong ektarya ng irigadong lupa ang nagpalit-gamit sa nagdaang dekada (2012-2022). Nagresulta ito sa dislokasyon ng milyun-milyong pamilyang magsasaka at paglala ng pagdarahop sa kanayunan.

Lalong nakasalalay sa utang ang bansa para tawirin ang kalakalan at gastos ng gubyerno. Nasa ₱14.48 trilyon na ang utang pampubliko noong Oktubre, at inaasahang lolobo pa sa ₱15.84 sa darating na taon. Tuluy-tuloy na lumalaki ang pondo sa pagbabayad sa pampublikong utang. Sa 2024, aabot ito sa ₱1.91 trilyon, na binubuo ng ₱1.24 trilyong bayad sa prinsipal; at ₱670.5 bilyong awtomatikong nakalaan na bayad sa interes na bumubuo ng 11.6% ng pambansang badyet (mas mataas sa 9.7% noong 2020).

Dahil walang saligang mga industriya, dinaranas ng mamamayang Pilipino ang pamalagiang malawakang disempleyo. Laging pinaliliit ng datos ng gubyerno ang tunay na lagay ng malawakang kawalan ng trabaho sa pamamagitan ng salamangka sa estadistika. Ang sinasabing 4.2% disempleyo noong Oktubre 2023, diumano’y pinakamababa sa nagdaang 18 taon, ay dapat kritikal na iwaksi. Katunayan, nasa 39.46 milyon (o 79.1% ng pwersang paggawa na 49.89 milyon) ang kundi man lubos na walang trabaho (2.1 milyon) ay halos walang trabaho bilang mga katulong (2 milyon), “self-employed” (13.3 milyon), may-ari ng sariling lupa (1.3 milyon), mga nagtatrabaho sa negosyo ng pamilya (3.1 milyon na walang sweldo, at 120,000 ang may bayad), at mga manggagawa sa mga empresang hindi pormal (17.6 milyon).

Dahil sa matalim na problema sa disempleyo, milyun-milyong Pilipino ang pumipila na makapagtrabaho sa ibang bansa bilang mga katulong, caregiver, nars, manggagawa sa konstruksyon, at mga tripulante sa mga internasyunal na kumpanya sa pagbabarko. Bulnerable silang mga target ng mga kriminal na ahensya sa rekrutment at mga burukrata sa gubyerno na sinusuba ang kanilang kita at impok. Marami ang dumaranas ng hindi makataong kundisyon at pabigat na mga bayarin ng gubyerno, liban pa sa matinding epekto ng pagkahiwalay sa kanilang mga pamilya.

Ang malaking hukbo ng mga walang hanapbuhay ay pabigat na humihila pababa sa sahod. Nagdurusa ang mga manggagawang Pilipino sa mala-aliping sahod. Ang arawang sahod sa bansa na mula ₱341 tungong ₱641 ay kulang na kulang para tustusang ang arawang pangangailangan ng lima-kataong pamilya na tinatayang nasa ₱1,188 (noong Nobyembre) na bunga ng pagsirit ng presyo ng langis, pagkain at iba pang saligang pangangailangan at mga serbisyo.

Hindi pa ganap na nakababawi ang mga manggagawang Pilipino at masang anakpawis sa pagsadsad ng kanilang pamumuhay mula sa lockdown noong pandemyang Covid-19. Lumulubha pang lalo ang kanilang kalagayang sosyo-ekonomiko sa gitna ng mababang sahod, disempleyo, kawalan ng kita o impok, at tumataas na presyo. Mayorya ng mga Pilipino ay nabubuhay sa ilalim ng hangganan ng kahirapan. Milyun-milyon ang inaagawan ng lupa at ng kabuhayan ng mga dayuhang kapitalista na nais kontrolin ang natitirang mga sulok ng ekonomya ng Pilipinas.

Sa harap ng malawakang kahirapan at kagutuman, lalong tumitindi ang pagkamuhi ng sambayanang Pilipino sa naghaharing pangkating Marcos-Duterte. Nahihiwalay si Marcos Jr sa malawak na masa ng sambayanan na napopoot sa minana niyang mahigit $10 bilyong dinambong na yaman ng kanyang diktador na amang si Marcos Sr sa panahon ng batas militar noong 1972-1986. Lalo niyang ginagalit ang taumbayan dahil sa kaliwa’t kanang pagbiyahe sa labas ng bansa at karangyaan, at garapalang korapsyon. Sa pamamagitan ng Maharlika Fund, hanggang ₱550 bilyon sa pondong pampubliko ang hahawakan ni Marcos at ililipat sa pribadong pamumuhunan, na magdadala ng kroniyismo sa bagong antas ng kasamaan. Lalong kinamumuhian ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino si Marcos dahil sa maya’t mayang mga pinapa-cater na piging sa Malacañang at ang planong maglustay ng ₱1.1 bilyon sa mga biyahe sa 2024.

Lalo ring nahihiwalay ang rehimeng Marcos sa sambayanang Pilipino dahil sa pangangayupapa nito sa imperyalismong US at pagyuko sa China. Ipinagagamit ni Marcos ang kanyang gubyerno bilang piyesa sa agresibong pagtutulak ng US na konsolidahin ang hegemonya nito sa Pilipinas at rehiyong Asia-Pacific, upang kontrahin ang pangmilitar at pang-ekonomyang paglakas ng imperyalistang karibal nitong China.

Sa ilalim ni Marcos, lalong nahihila ang Pilipinas sa lumalakas na alimpuyo ng mga sigalot sa militar ng US at China. Sa mahigit iisang taong nakaupo sa poder, pinaburan na ni Marcos ang US na magtayo ng apat pang mga pasilidad militar (dagdag sa dating lima) sa mga “pinagkaisahang lokasyon” sa loob ng mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) gaya ng nakasaad sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Ang mga pasilidad na ito ay magagamit para magtayo ng mga lunsaran ng misayl ng US at para mag-imbak at magpwesto ng mga sandata, alinsunod sa estratehiya ng US na palibutan ang China ng mga pwersang militar mula sa tinatawag na “first island chain.”

Lalong tumindi ang panghihimasok militar ng US sa Pilipinas sa nagdaang taon sa harap ng sunud-sunod na mga pangmilitar na aktibidad at mga war exercises ng US. Sa susunod na taon, sobra sa 500 mga wargames at ehersisyong militar ang isasagawa ng US sa bansa. Sa tulak ng US, planong magbuo ng mga “visiting forces agreement” sa Japan at France, upang payagan ang mga alyadong ito ng US na palakasin ang presensyang militar sa bansa at sa rehiyon.

Sa tulak ng mga tagapayong militar ng US, nagsasagawa ang AFP at Philippine Coast Guard ng paulit-ulit na “supply mission” sa mga bantayan ng Pilipinas sa Kalayaan Group of Islands, na may suporta ng mga eroplano at drone na pangsurbeylans ng US. Lalong nagiging agresibo ang China sa pambobomba ng tubig at pagbangga sa maliliit na bangka ng mga Pilipino sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas, na tahasang paglabag sa kasarinlan at karapatan sa karagatan ng Pilipinas.

Sa dikta ng US, kinansela ng gubyernong Marcos ang mga utang at kontrata ng gubyerno na pinopondohan ng China para sa mga proyektong Philippine National Railways South Long Haul, Subic-Clark Railway at Mindanao Railway, pabor sa mga pautang mula sa World Bank at Asian Development Bank. Tinutulak din ang pagkansela sa iba pang proyektong pinopondohan ng China tulad ng Samal Island-Davao City Connector Project, Chico River Pump Irrigation Project, New Centennial Water Source (Kaliwa Dam Project), at mga proyektong CCTV (closed-circuit television) sa Marikina, Parañaque, Pasig, San Juan at Valenzuela, na karamiha’y kinontrata sa panahon ng nagdaang rehimeng Duterte.

Ang tulak ng US na bagbagin ang China ay pag-atras mula sa matagal na panahon ng sabwatan ng dalawang imperyalistang kapangyarihan sa pagpapataw ng mga patakarang neoliberal sa Pilipinas mula dekada 1990, na nagamit ng oligarkiya sa pinansya ng China para palawakin ang operasyong komersyal at pampinansya sa Pilipinas, kasama ng mga bangkong US at Japanese, at magpundar ng sarili nitong base sa hanay ng mga burgesyang kumprador at burukratang kapitalista. Sa panggigipit ng akses sa kapital ng China, pinaliliit ng imperyalismong US ang pinaghahatiang pinansya ng mga naghaharing uri, na nagbubunsod ng tumitinding agawan ng magkakaribal na pangkatin.

Mahigit lamang isang taon mula nang ipinagmalaki ng mga Marcos at Duterte ang “unity team” na nakagawa ng “landslide victory” sa pamamagitan ng “automated” na dayaan sa eleksyong 2022, lumitaw na kaagad at nagiging masidhi ang ribalan ng mga naghaharing paksyon. Kinokonsolida ng mga Marcos ang kapangyarihang pang-ekonomya at pampulitika, habang mabilis na nauubusan ng kapangyarihang pang-ekonomya at pampulitika ang mga Duterte (pati na ang pangkating Arroyo). Ang kanselasyon ng malalaking kontrata sa imprastruktura na pinasok ni Duterte sa China ay nagkakait ng ilambilyong pisong kikbak. Ang negosyo ng pinakamalaking kroni ni Duterte na si Dennis Uy ay mabilis ngayong binebenta, pabor sa mga kroni ni Marcos. Bagaman may malaki-laki pang impluwensya si Duterte sa AFP at PNP, dumarami na ang mga heneral na hinirang ni Duterte na nagretiro na. Sa nagdaang mga buwan, pinatindi ng pangkating Marcos-Romualdez ang mga pag-atakeng nakatarget sa mga Duterte, sa pamamagitan ng pagkuha sa ₱550 milyong “confidential and intelligence funds” ni Vice President Sara Duterte, at pagtulak na alisan ng prangkisa ang maka-Duterte na istasyong SMNI, at pagbukas ng pinto para pahintulutan ang International Criminal Court na ituloy ang imbestigasyon laban kay Rodrigo Duterte sa mga kaso ng krimen laban sa sangkatauhan noong panahon ng kanyang huwad na gera kontra-droga.

Ang mapait na sigalot sa pagitan ng mga pangkating Marcos at Duterte ay palapit nang palapit sa marahas na komprontasyon. Hayagang pinupuna ng mga Duterte si Marcos sa planong buhaying muli ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines. Ang ilang bagong-retirong heneral ng militar na tapat kay Duterte ay umiikot sa upisyal militar at mga negosyante upang mang-upat ng kudeta para ibagsak si Marcos at magtatag ng huntang sibil-militar. May alam ang chief-of-staff subalit nananatiling tahimik sa aktibidad ng mga nagpaplano ng kudeta.

Upang konsolidahin ang kapangyarihang pampulitika, pinahihigpit ng rehimeng Marcos ang kontrol sa militar na may suporta ng US. Ipinagpapatuloy at pinaiigting nito ang patakaran ni Duterte ng terorismo ng estado at isinasagawa ang pasistang paninibasib laban sa pambansa-demokratikong pwersa sa kalunsuran at kanayunan, laluna ang mga kasapi at organisador ng mga unyon at samahan sa mga komunidad. Umiiral ang de facto na batas militar sa buong bansa. Ilang mga komunidad ng mga maralitang lungsod ang nakapailalim sa makapal na presensya at pagmomonitor ng mga sundalo. Ipinaiilalim ng AFP ang mga komunidad sa kanayunan sa kontrol ng militar, ginigipit ang mga aktibidad pang-ekonomya at panlipunan ng komunidad sa pamamagitan ng karpyu at paghihigpit, at kinokontrol ang galaw ng populasyon sa ngalan ng “kontra-insurhensya.”

Walang awat ang mga ekstrahudisyal na pamamaslang at iba pang paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas sa kanayunan na gawa ng mga reaksyunaryong armadong pwersa, pulis at paramilitar. Ipinaiilalim ang mga tao sa pinatinding sarbeylans at mga pagdukot, tortyur, interogasyon at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso gamit ang tinawag na Anti-Terrorism Law. Maya’t maya sa pagmasaker ang mga nag-ooperasyong tropa ng mga batalyong pangkombat ng AFP. Sa kanilang mga operasyong pangkombat, pinupuntirya ang mga komunidad ng pambobomba mula sa ere at panganganyon.

Sa suporta ng US, umigting pa ang mga pag-atakeng ito sa nagdaang taon alinsunod sa deklarasyon ng AFP ng “final push” laban sa tinagurian nitong mga “natitirang” pwersa ng Bagong Hukbong Bayan. Humigit-kumulang 150 batalyon ng mga pwersang pangkombat ng militar, pulis at paramilitar ang nakapakat laban sa mga larangang gerilya ng BHB sa buong bansa. Nais ng imperyalismong US na tapusin na ng gubyernong Marcos ang rebolusyonaryong armadong kilusan upang lubos nitong magamit ang AFP sa pang-uudyok ng gera sa China. Batid na batid ng US na nasa katayuan ang rebolusyonaryong kilusan na samantalahin ang posibilidad ng isang inter-imperyalistang gera para matatag na isulong ang digmang bayan.

Habang isinasagawa ang brutal na gera ng panunupil laban sa bayan at kanilang mga rebolusyonaryong pwersa, ginagamit ngayon ng rehimeng US-Marcos ang “proklamasyong amnestiya” nito at panimulang pagsisikap na buhaying muli ang usapang pangkapayapaan upang bitagin ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan na sumuko. Habang nalulugod ang Partido at mga rebolusyonaryong pwersa, sa pamamagitan ng National Democratic Front of the Philippines, sa oportunidad na makipag-usapang pangkapayapaan bilang dagdag na larangan ng pakikibaka upang isulong ang mga hangaring pambansa-demokratiko bilang batayan ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan, mahigpit din nilang itinatakwil ang mga reaksyunaryong pakana na gamitin ang usapan para mapasuko ang rebolusyonaryong kilusan. Patuloy na magpupunyagi ang NDFP Negotiating Panel na itulak ang pagsisimulang muli ng usapang pangkapayapaan sa batayan ng naunang mga kasunduan.

Sa gitna ng pang-ekonomya at pampulitikang krisis ng naghaharing sistema, lalong sumisidhi ang paghahangad ng sambayanang Pilipino na ilunsad ang mga pakikibakang masa upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatang sosyo-ekonomiko at demokratiko laban sa anti-mamamayan at mapang-aping mga programang pang-ekonomya, korapsyon at pampulitikang panunupil sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Higit lang lumilinaw na—sa pagsisilbi sa maka-uring interes ng malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa, sa pangangayupapa sa dayuhang interes pang-ekonomya, sa malakihang korapsyon sa anyo ng mga kikbak at kroniyismo, at sa marangyang pamumuhay—ang rehimeng Marcos ang responsable sa malawakang paghihirap at kaapihan ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino.

Ang naghaharing pangkating Marcos-Duterte ay mabilis na nahihiwalay sa sambayanang Pilipino. Ang malawak na nagkakaisang prente na binubuo ng mga saligang uri, panggitnang pwersa at mga taktikal na alyado ay patuloy na lumalakas laban sa naghaharing rehimen dahil sa mga patakaran nitong anti-mamamayan at anti-nasyunal, korapsyon at krisis sa ekonomya. Kinakaharap ngayon ang naghaharing rehimen ng malawak na paglaban.

Umiipon nang umiipon ang galit ng mga manggagawa sa pagtanggi ng rehimeng Marcos na pakinggan ang hinihingi nilang makabuluhang pagtaas sa sahod. Labis silang naiinsulto ng kakarampot na umentong ipinag-utos ni Marcos sa pamamagitan ng mga regional wage board. May ilang welgang pumutok na malamang na pasimula ng mas malawak na kilusang masa ng mga manggagawa para mag-unyon at isulong ang sama-samang pakikibaka sa darating na panahon. Ang mga drayber at opereytor ng dyip at iba pang pampublikong transportasyon ay nag-aklas sa sunud-sunod na tigil-pasada para magprotesta laban sa anti-mahirap at anti-mamamayan na “franchise consolidation” para i-“phase out” ang mga dyip alinsunod sa proyektong “transport modernization” ng World Bank at Asian Development Bank.

Nagpuprotesta rin ang mga guro sa pampublikong paaralan, mga manggagawang pangkalusugan at mga kawani ng pamalahaan para hingin ang dagdag na sweldo at labanan ang pampulitikang panunupil. Lumalahok ang mga estudyante sa mga aksyong masa upang labanan ang ibayong komersyalisasyon ng edukasyon, pag-abandona ng estado sa edukasyon at panunupil sa kampus. Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, sumisiklab ang mga protestang masa sa mga komunidad sa kanayunan para labanan ang pagpasok ng mapanirang mga dayuhang operasyon sa pagmimina, pang-aagaw at pagpapalit-gamit ng lupa, at para ipaglaban ang mga kahingiang antipyudal ng masang magsasaka.

May mga aksyong protesta rin laban sa planong pagtatayo ng dagdag na mga base militar at pasilidad ng US, at laban sa mga wargames at lumalaking presensyang militar ng US sa bansa. Ang mga ito’y iniuugnay sa internasyunal na pakikibaka laban sa imperyalismo at imperyalistang gera. May makabuluhang bilang na lumahok sa mga protesta ng pakikiisa sa mamamayang Palestino sa pagbatikos sa henosidyo ng Zionistang Israel sa Gaza.

Sa kanayunan, patuloy na nagsusulong ang BHB ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa mga larangang gerilya sa 14 na rehiyon sa Luzon, Visayas at Mindanao. Patuloy silang nagpupunyagi sa landas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, at determinadong biguin ang estratehikong opensiba ng kaaway. Bilang tugon sa panawagan ng Komite Sentral na “palagablabin at ikalat ang apoy ng digmang bayan,” patuloy na pinalalawak ng BHB ang baseng masa sa pamamagitan ng pagsusulong at pagkokombina ng gawaing masa at gawaing militar.

Naitaas ng maraming yunit ng BHB ang kanilang kakayahang panatilihing bulag at bingi ang kaaway, habang isinasagawa ang panlipunang pagsisiyasat, pagtatayo ng mga asosasyong magsasaka, at iba pang mga rebolusyonaryong organisasyon, pagtatayo ng mga milisyang bayan, pagtulong sa masang magsasaka na isulong ang mga pakikibakang antipyudal para igiit ang pagpapababa ng upa sa lupa, mas mababang interes sa pautang, makatwirang presyo sa mga produktong bukid, mas mababang presyo ng mga kasangkapan sa produksyong pang-agrikultura, at iba pa. Patuloy na ginagampanan ng BHB ang mga tungkulin nito na tulungan ang masa sa produksyon, at isagawa ang mga kampanyang sa literasi, edukasyon at kultura. Naglulunsad sila ng malalaki’t maliliit na taktikal na opensiba, upang kunin ang mga sandata at gupuin ang mga yunit ng kaaway, upang palakasin ang sarili bilang pangunahing sandata ng Partido sa paglaban sa kaaway.

III. Ang mga nakamit ng Partido at kasalukuyang kritikal-sa-sariling pagtatasa

Ipinagdidiwang ng Partido ang ika-55 anibersaryo nito na puno ng kasigasigan ng kabataan, at tibay ng batikang mandirigma. Puspos ng malalim na sapol sa pangkasaysayang misyon ng proletaryado na isulong ang maka-uring pakikibaka hanggang komunismo, nananatiling walang kapaguran at laging handa ang Partido na harapin ang lahat ng sakripisyo para isulong pambansa-demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino hanggang ganap na tagumpay, bilang paghahanda sa susunod na yugto ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon.

Ang pagtalas ng krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa ilalim ng rehimeng US-Marcos ay nagluluwal ng higit na paborableng kundisyon para sa pagrerebolusyon. Para sa milyun-milyong mga manggagawang Pilipino at masang anakpawis na ilang henerasyon nang dumaranas ng panlipunang inhustisya at maka-uring tiraniya, ang Partido at rebolusyon ay kumakatawan sa kanilang hindi natatapos na pag-asa para sa maliwanag na kinabukasan. Tunay nga na saan man ihasik, ang mga binhi ng Partido ay mabilis na umuusbong at lumalaganap, patunay ng walang kaubusang determinasyon ng malawak na masa ng mga api at pinagsasamantalahan na magrebolusyon.

Nananatiling matatag at buo ang Partido. Ang pamunuan at buong kasapian ng Partido ay mahigpit na nagkakaisa sa ilalim ng Pulang bandila ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, ng Konstitusyon ng Partido at Programa para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan nito. Mahigpit ang pagkakaisa ng Partido sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan alinsunod sa estratehikong linya ng pagkukubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan.

Dakila ang mga nagawa ng Partido sa nagdaang 55 taon ng mahigpit na pagtataguyod sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at masugid na paglalapat nito sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas. Nagtagumpay ito sa pagsusuri at paglalantad sa bulok na malakolonyal at malapyudal na sistema at sa mga batayang suliranin ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo na sumasadlak sa sambayanang Pilipino. Binuo nito ang programa para sa demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan, na pinatunayang wasto ng patuloy na pagyakap dito ng mamamayan.

Itinatag ng Partido ang sarili bilang organisasyong pangkadre at pangmasa. Nakatayo ito sa pundasyon ng mga Leninistang prinsipyo ng Partidong Bolshevik. Lubos itong konsolidado sa ilalim ng mga prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Binubuo ito ng ilampung libong tapat na kadre at mga mandirigma na malawak at malalim na naka-ugat sa api at pinagsasamantalahang masang manggagawa, magsasaka, malaproletaryado at petiburgesya.

Upang biguin ang naghaharing uri at ibagsak ang reaksyunaryong estado, mahigpit na hawak ng Partido ang dalawang sandata ng armadong pakikibaka at pambansang nagkakaisang prente. Isinusulong ng Partido ang armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka na naglalayong tuparin ang pangunahing tungkulin ng pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika. Ang mga ligal na anyo ng pakikibaka ay sekundaryo ngunit hindi pwedeng bitiwan sa pagsulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon upang pukawin, organisahin at pakilusin ang milyun-milyong mamamayan, at magluwal ng malawak na suportang pampulitika para sa armadong pakikibaka. Binubuo ng Partido ang lihim na gulugod ng kilusang masa.

Muling sinimulan ng Partido ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa pamamagitan ng pagtatatag ng Bagong Hukbong Bayan noong Marso 29, 1969 mula sa halos wala. Tinukoy nito ang partikular na mga katangian ng pagsusulong ng digmang bayan sa Pilipinas, na humahalaw ng mga aral mula sa matatagumpay na rebolusyonaryong digma sa ibang bansa, pati na mula sa sarili nitong praktikal na karanasan sa pagrerebolusyon sa isang bansang pulu-pulo at mabundok.

Nalagpasan ng BHB ang mga rebolusyonaryong hukbo ng Katipunan noong huling bahagi ng ika-19 na siglo at ng Hukbalahap (1942-1945). Subalit nananatili pa ring maliit at mahina ang BHB kumpara sa malaki at makapangyarihang AFP na armado at pinopondohan ng imperyalismong US. Gayunman, buo ang pasya ng BHB na isulong ang pakikidigmang gerilya upang baha-bahaging gupuin ang kaaway, hanggang makapag-ipon ito ng sapat na lakas para sumulong mula sa kasalukuyang panggitnang bahagi ng estratehikong depensiba tungo sa susunod na bahagi, at tungo sa susunod pang estratehikong yugto hanggang sa ganap na tagumpay.

Itinatag ng Partido ang NDFP bilang pinakakonsolidadong lihim na nagkakaisang prente ng mga organisasyong binubuo ng mg batayang rebolusyonaryong pwersang nagkakaisa sa ilalim ng pamumuno ng Partido, at sumusuporta sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka at pambansa-demokratikong rebolusyon. Ang NDFP ang pinaka-ubod ng buong saklaw ng pambansang nagkakaisang prente. Tumutulong ito sa pagbubuo ng pambansang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino laban sa imperyalismo. Hanggang maiproklama ang demokratikong gubyernong bayan sa bisperas ng pambansang tagumpay, kakatawanin ng NDFP ang kabuuan ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika na itinatayo sa mga sonag gerilya at baseng erya.

Humahalaw ang Partido ng lakas at inspirasyon mula sa nagdaang mga tagumpay na nakamit sa pamamagitan ng armadong pakikibaka, rebolusyonaryong kilusang masa, at nagkakaisang prente. Kasabay nito, mapagkumbaba itong natututo sa nagdaang mga pagkakamali at pagkukulang, nagsasagawa ng pagpuna at pagpuna sa sarili, at nagwawasto bilang paraan upang panatilihin ang katapatan sa Marxismo-Leninismo-Maoismo. Ang muling pagtatayo mismo ng Partido noong 1968 ay positibong ibinunga ng kilusang pagwawasto laban sa rebisyunismong Lava at gangsterismong Taruc-Sumulong. Noong 1992, isinulong ng Partido ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto upang ibalik ito sa wastong linya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa pagwawaksi sa modernong rebisyunismo at sa maling linya ng insureksyunismo at adbenturismong militar na labis na puminsala sa mamamayan at kanilang rebolusyon.

Habang ipinagdiriwang natin ang ating mga nagawa, kritikal tayong mulat sa mga pagkakamali, kahinaan at kakulangan sa larangang pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon na ilang taon nang umiiral. Dapat nating tukuyin ang mga ito upang mahigpit natin itong maiwasto at upang mabunot ang suhetibistang mga ugat nito.

Mula nang ilabas natin ang panawagan noong nakaraang taon na konsolidahin at ibayong palakasin ang Partido at kumprehensibong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan, ang mga namumunong komite ng Partido at mga kadre ay nagsagawa ng mga rebolusyonaryong pag-aaral, pagtatasa, mga paglalagom at pagpuna sa sarili, upang tukuyin, iwasto at pangibabawan ang iba’t ibang anyo ng suhetibismo, Kanan at “Kaliwang” pagkakamali, at oportunistang tendensya.

Natukoy sa mga pag-aaral at talakayan ang mababang antas ng kaalamang teoretikal at kahinaan sa ideolohiya sa marami sa ating namumuno at nakabababang komite na kinatatangian ng maluwag na paggagap sa proletaryong rebolusyonaryong teorya, sa pangkalahatan, at sa partikular, sa teorya ng rebolusyong Pilipino, sa mga batas ng pag-unlad nito, at sa praktikal na aplikasyon nito sa kongkretong kalagayan sa saklaw ng kanilang mga gawain.

Tinamaan ng suhetibismo ang malaking bahagi ng Partido na dahilan na makapanuot at kumalat ang mga burges at petiburges na pananaw at mentalidad sa iba’t ibang antas ng pamunuan ng Partido, na nagresulta sa iba’t ibang Kanan at “Kaliwang” pagkakamali at tendensya sa pulitika, at burukratismo at ultrademokrasya sa organisasyon. Ang empirisismo at dogmatismo ay mga suhetibistang pagkakamali na lumilitaw mula sa kabiguang wastong ikombina ang teorya at praktika na humahantong sa maling mga ideya at praktika. Ang empirisismo ay praktikang walang teorya, na dumudulo sa bulag na pagrerebolusyon; habang ang dogmatismo ay teoryang nakahiwalay sa praktika, na dumudulo sa pagsesermon na walang rebolusyon. Ang empirisismo ang pangunahing suhetibistang pagkakamali sa Partido na nagresulta pangunahin sa mga Kanang pagkakamali at tendensya.

May malawak na pagkakampante sa pag-aaral at paglalapat ng rebolusyonaryong teorya upang magsilbing gabay sa praktika, at kulang sa sigasig sa paghalaw ng teorya mula sa praktika. Kung walang mahigpit na pagsapol sa Marxista-Leninista-Maoistang teorya upang gabayan ang ating praktika, at kung walang paghalaw ng teorya mula sa praktika, hindi makasusulong ang rebolusyonaryong praktika tungo sa mas mataas na antas, magsisimulang maging tigil at aatras sa mas mababang antas. Lalo pang lalala ang ganitong sitwasyong sa petiburges na pagkakasya sa dating kaalaman, mga paraan, praktika at plano, o katamaran na mag-aral at maglagom ng karanasan. Dumudulo ito sa kabiguang magpaunlad ng teorya at bumuo ng bagong mga paraan at plano na tumutugma sa nagbagong kundisyon, at sa kabuuang kabiguang dalhin ang praktika sa mas mataas na antas.

Sa gawaing pang-ideolohiya, nakikita natin ang problema ng hindi sustenidong pagsisikap sa gawaing edukasyon, sa kabila ng bagong nakamit sa paglulunsad ng Abanteng Kurso ng Partido mula 2017. Maraming kadre sa mga namumunong pusisyon ang kulang sa pagsisikap sa pagbabasa at pag-aaral sa mga klasikong sulating Marxista-Leninista-Maoista at mga dokumento ng Partido para magsilbing sanggunian sa paglutas ng mga praktikal na problema. May ilang kadre ng Partido na nagpapakasapat sa sarili at nagmamalaki sa dating mga kaalaman at kulang sa mapagkumbabang pagsisikap na itaas ang kanilang kaalamang teoretikal at sa paggamit sa teorya upang lagumin ang kanilang karanasan at rebolusyonaryong praktika sa iba’t ibang antas at larangan ng gawain.

Mayroon ding kakulangan sa sistematikong pagsisikap na isagawa ang panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri upang panatilihing magkatugma ang ating mga pagsusuri at patakaran sa tuluy-tuloy na pagbabago sa obhetibong kundisyon. Kulang ang plano o pagsisikap ng mga responsableng namumunong komite sa pagsasaliksik o pagsagawa ng mga sarbey para tipunin ang impormasyon at humalaw ng teorya mula sa kaalamang perseptwal hinggil sa mga kundisyon sa saklaw ng kanilang gawain, na sa ilang pagkakatao’y humahantong sa mababaw na pagsusuri sa mga isyu, o mahinang gagap sa kongkretong kundisyon ng masa at sa mga susing isyu at usapin para sa pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos sa kanila.

Kung walang mahigpit na pagkapit sa diyalektikal at istorikal na materyalistang pananaw at paraan, ang mga kasamang tinamaan ng empirisismo ay may tendensyang makita lamang ang mga bagay na nasa kanilang harapan, at hindi nakikita ang proseso ng pag-unlad. Sa panahon ng tagumpay at pagsulong, nagiging kampante at hambog sila, at nabibigong makita ang landas para isulong pa ang rebolusyonaryong praktika para kamtin ang mas malalaking tagumpay, na hahantong sa istagnasyon at mga pag-atras. Sa panahon ng kahirapan at mga kabiguan, nilalamon sila ng mga problema at nagsisimulang humina ang loob, at dumulas sa pesimismo at pasibidad. Marami ang bigong pangibabawan ang kanilang takot sa sakripisyo at madalas ay hinihila ng kanilang paghahangad para sa magaan at madaling buhay, at sa harap ng kagipitan, ay mauuwi sa pagtakbo.

Ang pagbaling mula sa kahambugan at pagkakampante, tungong pesimismo at pasibidad, tungong takot at pagtakbo ay tatak ng mentalidad ng burges at petiburges o panggitnang magsasaka na ganap na kabaligtaran ng proletaryong sipag, pagpapakumbaba, pagtitiyaga, militansya, optimismo at tapang.

Kinalawang ng petiburges na mentalidad ang maraming bahagi ng ating rebolusyonaryong makina, dahilan na hindi maganda ang takbo nito. May ilan na ngang sirang bahagi ang nalaglag, sa harap ng malaking kagipitan sa paglaban sa estratehikong opensiba ng kaaway sa nagdaang limang taon. Tulad ng anumang makina, dapat bakbakin natin ang kalawang at palitan ang mga sirang bahagi ng bagong mga pyesa, upang sumagitsit ang rebolusyon at sumulong nang mabilis.

Sa nagdaang mga taon, ang suhetibismo ay nagresulta pangunahin sa mga Kanan, at sekundaryo sa mga “Kaliwang” pagkakamali, kakulangan, kahinaan at mga tendensya, sa lahat ng larangan ng mga rebolusyonaryong gawain.

Nakikita natin ang masaklaw na mga problema sa larangang ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka bunga ng suhetibismo sa ideolohiya. Sa kabiguang gagapin ang landas ng pag-unlad ng digmang bayan, partikular mula sa unang bahagi tungo sa panggitnang bahagi, at mula sa panggitna tungo sa susunod na bahagi, hindi iilang larangang gerilya ng BHB ang naging tigil at nabahura sa matagal na panahon sa lumang antas. May mga lider ng Partido na umaasa lamang sa dati nilang antas ng karanasan at hindi malinaw na nakikita ang landas para tuluy-tuloy na isulong nang paalon ang rebolusyon, o mula sa isang antas tungo sa susunod na antas, ng pangangailangang abutin ang buong saklaw ng mga larangang gerilya, mula sa kalupaang mabundok, tungo sa mga burol, patag, tabing-ilog, tabing-dagat hanggang sa mga sentrong bayan.

Pinakitid nila ang saklaw ng BHB sa maaasahan nitong mga baseng gerilya at mga kuta sa bundok, at nilimitahan ang sakop at saklaw ng inisyatibang pang-militar at pampulitika ng Partido at BHB. Ang sariling pagpapakitid ay taliwas sa pangangailangan ng mga yunit gerilya na tuluy-tuloy na gumalaw at sumulong, at laging manatiling nasa opensibo. Ang maaasahang mga baseng gerilya malao’y naging ilang “paborito” o “comfort zone” na mga baryo, komunidad o kampo sa bundok na malapit sa suportang masa, linya ng suplay at pasilidad sa komunikasyon.

Ang pagpapakitid ng sarili at pagkawala ng inisyatiba ay humantong sa konserbatismong militar, matapos na nalimitahan o hindi na maabot ang mga lugar mula saan pwedeng bumira ang BHB sa kaaway. Lumitaw ang mga kaakibat na problema kasama ang pagtipon ng impormasyong paniktik, pagkukunan ng suplay, komunikasyon, at iba pa. Hindi madaling makapag-ambus ang BHB sa haywey dahil ang pangunahing pwersa nito ay nakakampo sa interyor. Naging pahirapan at makain sa oras ang paglulunsad ng mga reyd, ambus o iba pang mga batayang taktikal na opensiba. Nagkasya na lamang sa mga atritibong taktikal na opensiba (harassment, parusa, at iba pa) at nawala sa plano ang pangangailangang sustenidong maglunsad ng mga anihilatibo o batayang taktikal na opensiba bilang pangunahing bahagi ng ating estratehiya na baha-bahaging pahinain ang kaaway at antas-antas na palakasin ang hukbong bayan.

Sa makabuluhang bilang ng mga larangang gerilya na lakas-kumpanya o may ilang platung pwersa, nagpakasapat at nagpakakampante ang ilang lider ng Partido. May mga kaso ng sobrang konsentrasyon ng pwersa sa ilang rehiyon o subrehiyon, kung saan dalawa o higit pang mga pwersang gerilya ang tinitipon sa mga kampo sa kabundukan na nagtatagal nang ilang buwan, para isagawa ang mga pagsasanay, pag-aaralan, matagalang pulong o para maghintay ng hindi maayos na naplanong opensiba, na sanhi na ilang pwersa at ilang panahon na lamang ang natitira sa gawaing masa. Ang matagalang pagkakampong ito ay naging mabigat sa organisadong masa at mga pwersang milisya na kailangang magdoble-kayod para tuluy-tuloy na padaluyin ang suplay. Nagresulta ito sa pagluwag ng disiplinang gerilya at “sibilyanisasyon” ng mga pwersang gerilya. May ilang yunit ng BHB na kumaharap sa problema ng pag-inom ng ilang mga mandirigmang gerilya.

Sa panahon ng pagsulong ng armadong pakikibaka, ang may pagkakamaling suhetibista ay may tendensyang maliitin ang kakayahan ng kaaway at nakikita lamang ang kanilang mga taktikal na tagumpay. Nawawala sa kanilang isip na ang nasa estratehikong opensiba ang kaaway, nananatiling superyor sa estratehikong antas, at pinatataas ang kakayahan na isagawa ang intelidyens at magplano ng mga kampanya sa estratehikong opensiba. Kabiguan sa balangkas ng pag-iisip na hindi hatiin ang isa sa dalawa—nakikita lamang ang positibo, at hindi ang negatibo, ipinagdiriwang ang tagumpay subalit hindi naghahanda sa mas malalaking laban. Nagsisimulang lumuwag ang kapit sa saligang mga prinsipyo sa operasyong gerilya ng konsentrasyon, dispersal at paglilipat, na humahantong sa mga problema sa matagalang sobrang konsentrasyon ng mga bertikal na yunit gerilya at labis na dispersal ng mga horisontal na yunit panggawaing masa, at kawalan ng paglilihim na mga kilos at maniobra, tulad ng pagkilos nang araw sa mga lantad na lugar, na nagbibigay sa kaaway ng malinaw na sipat para sa sarbeylans at pagmonitor. Hindi iilan ang naging mapagmalaki at arogante, at ang iba’y naging militarista at dominante, hindi lamang sa pagharap sa kaaway, kundi malala pa, sa pagharap sa masa.

Sa maraming bahagi ng bansa, nabigo ang mga komite ng Partido at kumand ng BHB na panatiliin ang mahigpit na kapit sa tungkuling isulong ang rebolusyong agraryo bilang susi sa pagpapakilos sa masa, pagtatatag ng baseng masa at pagpupundar ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Sa mga lugar na ito, nabigo tayong isagawa ang krusyal na tungkulin ng panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri upang mabuo ang plano para sa pagbubuklod sa masa at pangunguna sa kanilang mga pakikibaka. May ilang mga yunit na naging mabigat ang paa at bigong tumungo sa masa sa kanilang mga baryo para magsagawa ng gawaing pampulitika. May ilang mga kadre ng Partido na nagkasaya sa “pagtext” sa mga lokal na sangay ng Partido sa halip ng pakikipagpulong sa kanila.

Huli na nang tumimo sa ilang komite na ang baseng masa ay hindi maitatatag at makokonsolida sa pagsalalay lamang sa ilang tradisyunal na lider sa baryo o sa simpleng pagbigay sa masa ng materyal na serbisyo na hindi itinataas ang kanilang makauring kamulatan, binubuo at pinalalakas ang kanilang mga organisasyong masa, at itinataas ang kanilang militansya sa pamamagitan ng mga pakikibaka sa rebolusyong agraryo. Sinamantala ng kaaway ang mahinang pundasyon ng baseng masa sa pamamagitan ng paggamit ng malupit na terorismo laban sa masa at paglinlang sa masa ng mga pangakong malaking halaga ng salapi sa tangkang paghiwalayin ang masa sa kanilang mga rebolusyonaryong mandirigma, at ang mga lider ng baryo o angkan sa isa’t isa. Dahil walang kolektibong paglaban, inaagaw ngayon ng mga pasista ang kanilang lupa at iniaabot sa mga dayuhang minahan at mga plantasyon.

Sa panahon ng pag-atras, ang may suhetibistang pagkakamali ay may tendensyang labis na magtaya sa lakas at laki ng kaaway. Nawala ang kanilang diyalektikal na tindig para mag-isip nang maigi, masugid na magmasid at kilalanin ang mga pwersa, layunin, at mga plano ng kaaway at tuklasin ang mga punto ng kahinaan nito, at planuhin ang mga pamamaraan para hatiin ang mga pwersa ng kaaway at magbukas ng mga oportunidad para patamaan ang mga nakahiwalay o nahihiwalay na yunit nito. Napangibabawan sila ng burgis na pagkatakot. Kabiguan rin ito sa balangkas ng pag-iisip. Humantong sila sa pagtalilis. Ang depensa ay naging makaisang-panig na pagtakbo at purong pasibong pagtatanggol, sa porma ng pag-atras sa inaakalang muog sa bundok at hindi nakaplanong paglilipat sa bagong mga erya nang walang suportang masa. Mas malubha, inabandona nila ang baseng masa at iniwan silang walang kakayahang magtanggol at nang walang planong lumaban. Sa ganito, inihiwalay nila ang kanilang mga sarili at nalagay sa purong militaristang sitwasyon na pumabor sa plano ng kaaway.

Sa nagdaang mga taon, ang mga pagkakamali at pagkukulang na ito ay nagresulta sa kabiguan ng maraming yunit ng BHB na matatag na paalun-along palawakin ang mga larangang gerilya alinsunod sa linya ng masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan na papalawak at papalalim na baseng masa. Ang suliranin ng pagpapakitid ng sarili at ang kabiguang tuluy-tuloy na palawakin at itaas ang antas ng rebolusyonaryong praktika, ay humantong sa kawalang-kakayahan ng BHB na pwersahin ang kaaway na batakin ang pwersa, at sa halip ay hinayaan ang kaaway na maglunsad ng mga kampanya ng gradual constriction at mga focused military operation. Inilagay nito ang mga pwersang gerilya sa sitwasyong lantay-militar at pasibidad militar, na hiwalay sa pampulitikang suporta ng baseng masa nito, habang ang baseng masa ay ipinailalim sa brutal na armadong panunupil. Makabuluhan ang dinanas na kabiguan ng BHB at rebolusyonaryong masa bunga ng mga internal na kamaliang ito.

Habang wasto para sa mga namumunong komite na bigyan ng prinsipal na atensyon para sa tungkulin ng paglulunsad ng armadong pakikibaka bilang pangunahing porma ng pakikibaka, napansin natin ang pagkakamali ng ilang panrehiyong komite sa Partido na kaligtaan at bigong epektibong pamunuan ang rebolusyonaryong kilusang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Sa maraming kaso, nasasalamin ito sa paglimita sa istruktura, pagpapalakas at mga operasyon ng Partido sa istruktura sa komand at saklaw ng BHB, kung kaya, nalilimitahan ang inisyatiba ng Partido sa balangkas ng BHB. Ang pagkakamaling ito ay pinuna na noong 2015 ngunit nagpapatuloy sa maraming rehiyon.

Sa larangan ng rebolusyonaryong kilusang masa, mapapansin natin pangunahin ang mga Kanang oportunistang tendensya ng konserbatismo, buntotismo, ligalismo, ekonomismo, repormiso at NGOismo. Mapupuna ang mga suliranin sa diyalektikal na pagkukumbina sa mga ligal at iligal na porma ng pakikibaka, at ang tendensya na ibuslo ang lahat ng mga itlog sa ligal na basket, kung saan pangunahin o ekslusibong pinadadaloy ang gawain sa pulitika sa pormang ligal habang isinasaisantabi ang pagpapaunlad sa rebolusyonaryong gawaing lihim. Mapapansin ang tendensya na isang-panig na bigyang-diin sa pakikibaka para sa reporma sa ilalim ng naghaharing reaksyunaryong gubyerno, habang napababayaan ang tungkuling ilantad ang makauring katangian ng naghaharing estado, kumprehensibong pagpapaunlad sa kilusang lihim sa mga syudad at sa kanayunan, at ang pag-ugnay at pagsuporta sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka bilang pangunahing porma ng pakikibaka. May tendensya itong pagsilbihin ang mga aksyong masa sa tinatawag na burges na “pressure politics” (para lamang magtulak ng mga batas o patakaran sa gubyerno) sa halip na magsilbi ito bilang paraan ng paghahayag ng kolektibong galit ng masa laban sa anti-mamamayang patakaran ng reaksyunaryong estado, at bilang mga sandata na hahasain at tatanganan ng masa para sa kanilang militanteng pampulitikang pakikibaka, kaakibat ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Mayroon itong naging kontra-epekto ng pagpapahina sa demokratikong kilusang masa.

Mapapansin natin ang tendensyang magsuri o tumugon sa mga isyu mula sa makitid na pananaw ng petiburgesya at maling ilarawan ito bilang interes ng uring manggagawa. Sa ilang mga pagkakataon, inilulunsad ang mga aksyong masa sa balangkas ng limitasyon ng mga panggitnang uri na mayroong epekto na hilahin ang antas ng militansya ng mamamayan.

Mas malubha, mayroon ding tendensya ang mga pwersang ligal demokratiko na labis-labis na ihiwalay ang kanilang mga sarili sa armadong pakikibaka bilang sagot sa propaganda ng kaaway, sa halip na igiit ang pagkamakatarungan ng paglulunsad ng armadong paglaban sa tiranya. Nagkaroon ito ng epekto ng pagpapahina sa pampulitikang suporta para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Mayroon ding Kanang oportunistang tendensya ng konserbatismo sa usapin ng pagpapaunlad ng suporta ng nagkakaisang prente sa armadong pakikibaka. Kulang o hindi binibigyang-pansin ang pagpapalakas sa mga lihim na sektoral na organisasyong masa. Hindi masigla, sistematiko at sustenido ang pagpapakilos sa mga kadre, aktibista at suportang materyal mula sa hanay ng mga petiburgesyang intelektwal at propesyunal para sa Bagong Hukbong Bayan. Kulang ang pagsisikap na magbuo ng mga alyansa sa pambansang burgesya para umani ng suporta para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Sa larangan ng organisasyon, humahantong sa liberalismo, ultra-demokrasya at burukratismo ang empirisistang suhetibismo. Nagresulta ito sa paghina ng mga sistemang komite at kolektibong pamumuno.

Maraming kaso kung saan ang mga kagawad ng kalihiman o nakatayong komite ay kalat-kalat at walang komunikasyon, at hindi kolektibong makapagdesisyon sa kagyat na mga usapin, kung kaya’t naiiwan sa kalihim ang pagdedesisyon. Mayroong mga kaso na ang mga kadre sa komiteng larangan ay matagal na humihiwalay sa platun, at naglalabas ng mga atas na walang kolektibong desisyon.

Kulang sa militansya at propesyunalismo sa mga pamamaraan ng paggawa sa hanay ng ilang kadre ng Partido. Tumatagal ang mga pulong dahil sa kakulangan sa paghahanda, o dahil sa hindi resolbadong mga tunggalian sa loob ng mga komite. Ang nakabababang mga komite ay bigong regular na magsumite ng mga ulat sa kanilang nakatataas na komite, habang ang namumunong mga komite ay bigong maglabas ng napapanahon mga panuto at patakaran, na nagreresulta sa kawalan ng kaisahan at koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang mga organo. May mga komiteng hindi nakapagdaos ng regular o espesyal na pagpupulong at kumperensya sa gawain para humalaw ng mga aral mula sa karanasan at magbuo ng mga patakaran. Ang lahat nang ito’y manipestasyon ng empirisismo sa larangan ng organisasyon.

Dapat nating bigyan ng espesyal na atensyon ang suliranin sa burukratisasyon sa hanay ng namumunong mga komite ng Partido sa kilusang masa sa kalunsuran. Marami ang nabulid sa kanilang mga upisina at nahihiwalay sa malawak na masa, at hindi ubos-kayang naggagawaing masa sa mga pabrika at komunidad, o kulang sa pagpupunyagi. Mayroon ding tendensyang kumiling sa liberalismo sa hanay ng mga susing kadre ng Partido at mga pultaym na organisador na maging “sibilyanisado” at “domesticated” o tali sa mga usapin sa bahay, o magkaroon ng kaisipang “empleyado” (9-5 oras sa upisina). Sa ilang bahagi ng organisasyon, ang mga patakaran sa disiplina ng Partido ay walang-habas na nalalabag. Ang mga pagkwestyong bumabagbag sa mga patakarang ito ay hindi mapagpasyang hinarap at pinabayaan lamang.

Bigo ang ilang susing kadre ng Partido na magpaunlad ng sistema ng lihim na operasyon para panatalihing bingi at bulag ang kaaway. Hinayaan nilang maging bulnerable sila sa paulit-ulit na atake at pambibitag ng kaaway. Suhetibista ang pagnanais nilang isiping malaya sila sa sarbeylans ng kaaway sa simpleng batayan ng nakikita nila sa kanilang harap, kahit katunaya’y hindi sila nagpuputol ng ugnay sa kanilang mga “fixed points” o pirming mga inuugnayan. Bigo silang makita ang pagkakaugnay-ugnay ng mga insidente sa seguridad at itinuturing ang mga ito bilang nahihiwalay na mga kaso, bigong unawain ang layunin ng kaaway at ang pangmatagalang plano nitong sistematikong buwagin ang lihim na lambat ng Partido.

Inilahad natin sa itaas ang ilan sa mga susing suliranin sa ideolohiya, pulitika at organisasyon na natukoy ng namumunong mga komite ng Partido sa kanilang saklaw na gawain. Ang mga kadre at komite ng Partido ay kasalukuyang kinokonsolida para pangibabawan ang iba’t ibang porma ng suhetibismo at matagal nang umiiral na Kanang kamalian, tendensya, o mga kakulangan, para palakasin ang rebolusyonaryong mga pwersa at isulong ang rebolusyon nang may ibayong lakas.

Patuloy nating pinalalakas ang kolektibong pamumuno ng Komite Sentral, katuwang ang mga nasa ikalawa at ikatlong hanay ng liderato, para pamunuan ang tuluy-tuloy na pag-unlad ng rebolusyonaryong mga pwersa sa bansa. Ang pagpanaw ni Ka Joma at pagkamatay ng ilan nating mga susing lider ay napakalaking kawalan sa sentral na pamunuan ng Partido. Gayunman, lubos na mulat ang Partido na itinatag ito nang may malaking tungkulin na pamunuan ang demokratikong rebolusyong bayan ng mamamayang Pilipino at ang sosyalistang rebolusyon sa hinaharap, bagay na lampas sa buhay ng sinuman, at higit sa kakayahang gampanan ng iilang tao lamang.

Sa kasalukuyan, tumatangan ng higit na mga responsibilidad ang nakababatang mga kadre ng Partido sa lahat ng antas, at pinupuspos nila ang iba’t ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain ng sigasig at sigla. Pinalalakas natin ngayon ang tulungan ng mga beterano at bagong mga kadre at mandirigma para pamunuan ang Partido, ang BHB at ang mamamayang Pilipino tungo sa mas mataas na antas ng armado at lahat ng iba pang porma ng paglaban.

Handa ang mga namumunong kadre at komite na militanteng harapin ang hamon na ibayong palakasin ang Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Higit kailanman determinado ang Partido na itaguyod ang Marxismo-Leninismo-Maoismo at ang mga turo ni Ka Joma, pagtibayin ang pamumuno ng Komite Sentral, iwasto ang lahat ng pagkakamali at pagkukulang, pangibabawan ang lahat ng mga balakid at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan tungo sa hinaharap nitong tagumpay.

IV. Kagyat at kritikal na mga tungkulin sa pagpapalakas ng Partido at pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan

Sa gitna ng lumalalang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa ilalim ng rehimeng US-Marcos at mabilis na paglubha ng kalagayan ng mamamayang Pilipino, kagyat ang pangangailangan na gawin ng buong Partido ang ubos-kaya para pukawin, organisahin at pakilusin ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino para sa rebolusyonaryong pagkilos. Ito ay pagsunggab sa paborableng mga kundisyon para kumprehensibo at masiglang maisulong ang bagong tipo ng demokratikong rebolusyong bayan.

Sang-ayon sa ganitong pangkabuuang layunin, dapat nating lahatang-panig na palakasin ang Partido bilang abanteng destakamento ng proletaryadong Pilipino at pinuno ng demokratikong rebolusyon bayan, palakasin ang Bagong Hukbong Bayan at isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka, iabante ang rebolusyonaryong kilusang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan, ibayong palaparin at palakasin ang nagkakaisang prente, at pamunuan ang masang Pilipino sa anti-pasista, anti-imperyalista at anti-pyudal na mga pakikibaka laban sa rehimeng US-Marcos.

Ilunsad ang kilusang pagwawasto para palakasin ang Partido

Sa lahat ng tungkuling ito, ang pinakamahalaga at pinakakagyat ay ang ibayong pagpapalakas sa Partido. Para magawa ito, tinatawagan ng Komite Sentral ang lahat ng mga kadre at komite ng Partido, na mapagpasya at masigasig na isulong ang isang kumprehensibong kilusang pagwawasto para sa mahalagang pakikibaka para itakwil ang mapaminsalang mga epekto at impluwensya ng iba’t ibang hibo ng burgis at petiburgis na suhetibismo na nakapagpahina sa Partido at nagdulot ng malubhang mga pag-atras sa rebolusyonaryong kilusan sa nagdaang ilang taon. Tanging sa paglulunsad ng kilusang pagwawastong ito natin mapangingibabawan ang ating mga pag-atras at kabiguan, muling maibubwelo ang paglago ng Partido, at matatag na maisusulong ang mga gawain sa lahat ng larangan ng rebolusyonaryong pagsisikap.

Ilulunsad ng pamunuan at buong kasapian ng Partido ang kilusang pagwawastong ito na mahigpit na nagkakaisa sa ilalim ng gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, gayundin alinsunod sa linya at pagsusuri ng Partido sa lipunang Pilipino, at programa para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan alinsunod sa estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan. Sa paglulunsad ng kilusang pagwawasto, layunin nating palalimin ang ating pag-unawa at pahigpitin ang ating gagap sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at sa linya at programa ng Partido nang may estratehikong pagtanaw sa ibayong pagtataas ng antas ng ating rebolusyonaryong praktika sa batayan ng ating nakamit nang mga tagumpay at nilagom na mga karanasan.

Ang kilusang pagwawasto ay pangunahing isang kilusan para pag-aralan at muling pagtibayin ang ating paninindigang para sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at para sa batayang mga prinsipyo, linya, konstitusyon at programa ng Partido, upang lagumin ang nagdaang mga karanasan at para magpuna at magpuna-sa-sarili. Ang prinsipal na layunin ay itaas ang ating pag-unawa at pahigpitin ang ating gagap sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at sa mga prinsipyo at linya ng Partido sa pamamagitan ng pag-uugnay nito sa ating rebolusyonaryong praktika sa nagdaang ilang taon at kritikal-sa-sariling tasahin ang ating gawain at ang ating mga kadre, para kalitatibong itaas at patalasin ang ating militanteng estilo sa paggawa.

Sa paglulunsad ng kilusang pagwawasto, layunin nating harapin at resolbahin ang matagal nang umiiral na mga kahinaan at kamalian sa pagbubuo ng Partido, sa paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sang-ayon sa linya ng masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa, at sa pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran at kanayunan.

Ang desisyon na ilunsad ang isang kilusang pagwawasto ay kasunod ng mga pagsisikap ng iba’t ibang komite sa rehiyon ng Partido at ibang namumunong mga komite sa nagdaang isa o dalawang taon sa pagwawasto ng nagdaang mga pagkakamali at kahinaan na nakasagka at nakabansot sa kanilang pag-unlad. Nilalayon ng kilusang pagwawasto na konsolidahin at itaas ang mga pagsisikap na ito sa antas ng buong Partido, mula sa sentrong pamunuan hanggang sa lahat ng namumunong komite at sangay ng Partido sa Luzon, Visayas at Mindanao at sa ibayong dagat.

Matatandaan na noong kalagitnaan ng 2016, ipinanawagan ng Kawanihan sa Pulitika sa lahat ng mga pwersa ng Partido na iwasto ang kritikal na mga suliranin sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Ito ay pagtugon sa napunang pababang tunguhin sa nagdaang mga taon sa usapin ng rebolusyonaryong kilusang masa at sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Ang panawagan ay ibayong itinulak sa paglulunsad ng ika-2 Kongreso sa taong iyon.

Nagkaroon ito ng kagyat na epekto sa pagbaligtad sa negatibong tunguhin. Kagyat na napansin ang makabuluhang pag-usad sa armadong pakikibaka at pagbubuo ng baseng masa mula 2017 hanggang 2019. Gayunpaman, nabigo tayong mapagpasya at puspusang isulong ang kilusang pagwawasto. Hindi nasustine ang paunang mga nakamit habang ang mga saligang suliranin ay lumitaw sa harap ng pinaigting na kontra-rebolusyonaryong gera at brutal na panunupil ng kaaway.

Sa nagdaang (una at ikalawang) kilusang pagwawasto, kinaharap ng Partido at nilabanan ang sistematikong pagsisikap ng ilang rebisyunistang taksil na bumagbag sa batayang mga prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, at inatake ang pagsusuri ng Partido sa malakolonyal at malapyudal na sistema, at ang linya nito sa demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan, ang estratehiya nito ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan, at ang anti-rebisyunistang linya nito.

Nilalabanan natin sa kasalukuyan ang laganap na empirisismo at ang iba’t ibang hibo ng burgis at petiburgis na suhetibismo na humahantong sa Kanan at “Kaliwang” oportunistang tendensya. Para ilunsad ang pakikibakang ito, dapat nating ilunsad sa militanteng pamamaraan ang ating kilusang pag-aaral. Ang pagiging militante ay ang pagiging kritikal-sa-sarili sa pag-aaral, pagtatasa at paglalagom ng ating nagdaang mga rebolusyonaryong praktika, para matukoy at maitakwil ang mga kamalian at kahinaan na hindi man litaw na litaw, ay kasing mapaminsala, nakapanghihina at nakapang-uuk-ok, ng lantarang rebisyunismo.

Nilalayon ng kilusang pagwawasto na bigyan ng konsentradong anyo ang laging umiiral na tunggalian sa loob ng Partido sa pagitan ng proletaryadong rebolusyonaryong linya at ng burgis at petiburgis na linya at moda ng pag-iisip. Dapat nating itaas ang kakayahan ng mga kadre ng Partido sa paggamit ng diyalektikal at istorikong materyalismo upang puspusang ilantad at labanan ang burgis at petiburgis na mga ideya na umuk-ok sa Partido, itakwil ang suhetibismo, at iwasto at pangibabawan ang matagal nang umiiral na mga kamalian at kahinaan tulad ng konserbatismo, buntotismo, kumandismo, liberalismo, ultrademokrasya at burukratismo. Dapat nating iwaksi ang lahat ng petiburges na bagahe, pangibabawan ang pesimismo, palalimin ang ating tiwala sa Partido at sa masa, ihanda ang ating mga sarili para sa lahat ng kinakailangang sakripisyo at magsumikap na kamtin ang mas malalaking tagumpay kaysa dati.

Bubuuin ang kilusang pagwawasto ng sumusunod na bahagi:

a) Isang kampanyang pag-aaral para puspusang aralin at balik-aralin ang batayang mga prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo gamit ang Praymer sa Marxismo-Leninismo-Maoismo ni Ka Joma at balik-aralin ang mga klasikong sulatin ng mga dakilang lider komunista sa pamamagitan ng kolektibong mga talakayan at indibidwal na pagbabasa.

b) Isang kampanyang pag-aaral para puspusang balik-aralin ang Konstitusyon ng Partido at ang Programa para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan.

c) Isang kampanyang pag-aaral para balik-aralin ang mga dokumento ng Una at Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, Ang Mahigpit Nating mga Tungkulin at Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan, at mga dokumento ng kasaysayan ng Partido.

d) Isang kampanya para lagumin ang ating mga karanasan at balik-aralin ang dating mga paglalagom para tukuyin ang Kanan at “Kaliwang” oportunistang mga tendensya at kamalian na nagdulot ng malubhang pinsala sa Partido at armadong rebolusyonaryong kilusan. Ang mga paglalagom na ito ay dapat nakasulat at isumite sa Komite Sentral. Ang ilang piling artikulo ay ilalathala sa Ang Rebolusyon, ang teoretikal na dyurnal ng Partido.

e) Isang kampanya sa panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri sa lahat ng antas para palalimin ang ating gagap sa kongkretong kalagayan ng masa sa ilalim ng tumitinding krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema, na may layuning paunlarin ang ating mga plano at pamamaraan ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa.

f) Dapat ilunsad ang isang kampanya sa pagpuna at pagpuna-sa-sarili sa lahat ng antas para pagkaisahin ang Partido, at lahat ng mga pwersang rebolusyonaryo at ang masa.

g) Isang kampanya para tasahin ang pagtupad ng lahat ng mga kadre ng Partido para tukuyin ang mga kalakasan at kahinaan, at magbuo ng mga resolusyon para ibayong palakasin ang kanilang proletaryong disiplina, rebolusyonaryong pananaw at paninindigan.

h) Isang nagpapatuloy na kampanya para tiyakin ang lubos na pagpapatupad ng Tatlong Antas na Kurso ng Partido para tiyakin na mapatapos ang mga hindi pa.

Para tulungang itulak ang kilusang pag-aaral para sa pagwawasto, lahat ng mga sanggunian ay dapat magkaroon ng kopyang nakalimbag o digital, kabilang ang mga klasikong Marxista-Leninista-Maoistang mga sulatin, lahat ng batayang mga dokumento ng Partido, mga libro at susing mga artikulo ni Ka Joma, at iba pa. Dapat tiyakin ang popularisasyon sa pamamagitan ng mga pagsasalin at iba pang paraan.

Ang kilusang pagwawasto ay pang-ideolohiyang apoy ng pagsubok. Sa susunod na isa o dalawang taon, dapat itong puspusang isulong at lubusin sa lahat ng antas mula sa Komite Sentral ng Partido hanggang sa lahat ng mga sangay ng Partido. Tiwala tayo na ikalulugod ng malaking mayorya ng kasapian ng Partido ang kilusang pagwawasto at handang mapangahas na sumulong, katulad ng malalaking pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan matapos ng una at ikalawang kilusang pagwawasto.

Habang isinasagawa natin ang kilusang pagwawasto, dapat patuloy na palakasin ng Partido ang kanyang sarili sa malalim at malapad na pag-ugat sa masa. Dapat kunin ng mga panrehiyong komite ng Partido ang inisyatiba sa pagbubuo ng mga panteritoryong komite ng Partido para saklawin ang mga prubinsya, distrito, syudad at mga bayan na nasa labas ng saklaw o erya ng operasyon ng mga larangang gerilya ng BHB.

Ilang ulit na palawakin ang kasapian ng Partido nang tumatalima sa prinsipyo ng mapangahas na pagpapalawak ng Partido na hindi nagpapapasok ng kahit isang hindi kanais-nais, pangunahin sa pamamagitan ng pagrerekrut ng pinakaabanteng mga elemento na napatunayan ang kanilang katapatan bilang mga aktibistang masa sa rebolusyonaryong kilusang masa at bilang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.

Palakasin ang demokratikong sentralismo at ang sistemang komite ng Partido. Dapat nating tiyakin ang balanse ng nakatatanda, panggitnang-edad at nakababatang mga kadre sa namumunong mga komite ng Partido sa pamamagitan ng mapangahas na pagtatalaga sa mas mataas na pusisyon sa nakababatang mga kadre mula sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka at petiburgesya sa kalunsuran. Dapat nating palawakin at palakasin ang lihim na lambat ng Partido at rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran at kanayunan para panatilihing bingi at bulag ang kaaway.

Tiyakin ang paglilimbag at malawakang pamamahagi ng Ang Bayan sa lahat ng kasapi ng Partido at mga pwersang rebolusyonaryo.

Lahatang-panig na isulong ang rebolusyon

Habang pinalalakas natin ang Partido sa pamamagitan ng kilusang pagwawasto, dapat nating isulong nang lahatang-panig ang demokratikong rebolusyong bayan bilang pagsasakongkreto ng kilusang pagwawasto at sukatan ng mga tagumpay nito. Isagawa natin ang sumusunod na tungkulin alinsunod sa pangkabuuang layunin ng lahatang-panig na pagsusulong ng rebolusyon:

a) Pamunuan ang antipasista, anti-imperyalista at antipyudal na mga pakikibaka ng malawak na masa ng mamamayang Pilipino laban sa rehimeng US-Marcos.

Ang rehimeng US-Marcos ang kasalukuyang pinakakonsentradong anyo ng reaksyunaryong pasistang paghahari sa bansa. Dapat nating ilantad ang lahat ng anti-mamamayang patakaran nito na nagsisilbi sa interes ng monopolyo kapitalistang mga bangko at kumpanya, sa geopulitikal na interes ng imperyalismong US, sa makauring mga interes ng malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa, at sa pagpapayaman ng mga kurakot na burukrata. Sa kasalukuyan, ang pinakakonsentradong anyo ng pambansa at demokratikong pakikibaka ng mamamayang Pilipino ay ang paglaban sa mapang-api, pasista at papet-ng-US na rehimeng Marcos.

Dapat nating iugnay at itaas ang araw-araw na buhay-at-kamatayang pakikibaka ng iba’t ibang demokratikong uri at sektor sa pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Dapat nating ilantad, ihiwalay at labanan ang rehimeng Marcos at ituon dito ang galit ng mamamayan. Habang pinamumunuan natin ang mamamayan sa kanilang pakikibaka para sa kagyat na mga hakbangin (dagdag-sahod, mababang presyo, mababang upa sa lupa, subdisyo para sa edukasyon at kalusugan, at iba pa), dapat nating ilantad ang reaksyunaryong katangiang maka-uri ng naghaharing estado, at iugnay ang pakikibaka para sa reporma sa pangkabuuang rebolusyonaryong pakikibaka, pangunahin sa armadong pakikibaka, para ibagsak ang naghaharing sistema.

Sa susunod na taon, dapat tayong magtuon sa paglalantad at paglaban sa mga patakaran at programa sa ekonomya na itinataguyod ng imperyalismong US sa pamamagitan ng World Bank at ng International Monetary Fund at kanilang alyadong mga institusyon sa pinansya katulad ng Asian Development Bank ng Japan, na walang-paltos na yumuyurak sa sosyo-ekonomikong mga karapatan, nagdudulot ng malawakang pangangamkam, pagkawala ng kita at kabuhayan, at dislokasyong pang-ekonomya.
Dapat nating ilantad at labanan ang panghihimasok militar ng US at ang lumalaking presensyang militar ng US sa Pilipinas, pagtatayo ng dagdag na mga pasilidad militar ng US na ginagamit ng US bilang lunsaran ng itinutulak na pagpapalakas ng hegemonya ng US sa rehiyon sa pamamagitan ng pagpigil sa lumalagong lakas sa ekonomya at militar ng China, at ang papatinding pang-uupat laban sa mga imperyalistang karibal nito, na humahantong sa lumalaking panganib na makaladkad ang Pilipinas sa isang inter-imperyalistang gera.

b) Palakasin ang Bagong Hukbong Bayan, magpanibagong lakas mula sa mga kabiguan, at muling itatag ang baseng masa.

Dapat palakasin ng Partido ang pamumuno nito sa BHB sa paglulunsad ng masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan na papalawak at papalalim na baseng masa. Dapat nitong ikumbina ang tungkulin sa pagsusulong ng armadong pakikibaka sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo at paglulunsad ng mga kampanyang masang anti-pyudal bilang paraan ng pagbubuo ng baseng masa at pagtatatag ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika ng mamamayan para sa rebolusyonaryong pakikibaka at pamamahala-sa-sarili.

Dapat ilunsad ng Partido ang maigting na pagsasanay sa mga Pulang kumander at mandirigma para itaas ang kanilang kakayahang lumaban, kaalaman sa syensyang militar at mga taktika, pampulitikang kamulatan, disiplina, pisikal na lakas at katatagan ng isip at determinasyong lumaban at balikatin ang kinakailangang mga sakripisyo para sa pagsulong ng digmang bayan. Patuloy na palakasin ang kakayahan at bakal na displina ng BHB sa paglulunsad ng mga labanang mabilisang tinatapos, matalinong paggamit sa mga taktikang gerilya ng paglilipat, konsentrasyon at dispersal gayundin ang mabilis na mga maniobra at pagkilos kakumbina ang mataas na antas ng paglilihim at pamamaraan sa paggawa para panatilihing bingi at bulag ang kaaway. Wasakin ang lambat sa paniktik ng kaaway at ipawalang-saysay ang mga gamit nito sa sarbeylans, o gamitin ang mga iyon laban sa kanya.

Buuin ang laking-kumpanyang mga larangang gerilya at paalun-alon na sumulong, sa pagtatayo ng mga larangang gerilya at baseng erya sa mga kabundukan, mga burol, kapatagan, tabing-ilog, sa mga baybayin at tungo sa pangunahing mga linya ng transportasyon at komunikasyon. Walang kapagurang isulong ang gawain sa ekonomya, kultura, edukasyon, medikal at produksyon para abutin ang pinakamalaking bilang ng mamamayan. Pwersahin ang kaaway na batakin ang mga tropa nito at tanggalan ito ng kakayahang maglunsad ng mga nakapokus na opensibang militar.

Bumawi mula sa mga kabiguan at muling itatag ang baseng masa. Ilunsad ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka kakumbina ang paglulunsad ng malawakang antipyudal at antipasistang kilusang masa ng masang magsasaka. Kung saan kinakailangan, magsagawa ng mga asembleya para sa malayang paghahayag sa pagitan ng masa at ng BHB para tukuyin at magpuna-sa-sarili sa mga kahinaan at kakulangan sa nagdaan at muling pahigpitin ang kanilang pagkakabigkis at itaas ang kanilang determinasyong magkasamang lumaban.

Maglunsad ng batayan o anihilatibong taktikal na mga opensiba na kaya nating ipanalo sa batayan ng ating kasalukuyang lakas sa malapad na erya ng maniobrang nilikha ng pagpapalawak ng mga larangang gerilya. Patamaan ang nahihiwalay at nakahiwalay na mga yunit ng kaaway. Maglunsad ng mga pakikidigmang aktibong pagdepensa at kampanyang gerilya. Pakilusin ang regular na mga pwersang gerilya ng BHB at milisyang bayan. Magsagawa ng malawakang atritibong pakikidigma para idisbalanse ang kaaway at para ikubli ang tunay na pakay ng ating pangunahing pwersa. Maglunsad ng espesyal na mga operasyong partisano para patamaan ang kaaway sa likuran nito. Parusahan ang pinakapusakal sa pasistang mga kriminal at ang mga masugid na traydor na tigmak sa dugo ng mamamayan. Kamtin ang mga armas para sa mga Pulang mandirigma sa pagsamsam nito mula sa kaaway sa pamamagitan ng taktikal na mga opensiba o iba pang pamamaraan.

Patuloy na palakasin ang platun bilang batayang yunit ng BHB, at itayo ang istruktura sa kumand sa lahat ng antas, mula sa mga panrehiyong kumand sa operasyon hanggang sa larangan. Palakasin ang mga sangay at komite ng Partido sa hukbong bayan at ang pampulitikang organo sa loob ng BHB sa lahat ng antas para tuluy-tuloy na pataasin ang pampulitika at makauring kamulatan ng kanyang mga Pulang mandirigma.

Ibayong palakasin, sanayin at paganahin ang mga yunit ng milisyang bayan, kakumbina ang mga yunit pananggol-sa-sarili ng rebolusyonaryong mga organisasyong masa, at paigtingin ang pakikidigmang gerilya ng masa.

c) Palakasin at palawakin ang rebolusyonaryong kilusang masa sa kanayunan.

Dapat paunlarin ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa ang isang malawak na kilusang antipyudal at antipasista sa kanayunan. Dapat pakilusin ang malaking bilang ng masang magsasaka at basagin ang naghaharing puting lagim na ipinataw sa kanila ng pasistang AFP at NTF-Elcac.

Paunlarin at pamunuan ang malawak na kilusang masang antipyudal alinsunod sa minimum na programa ng Partido para sa reporma sa lupa. Dapat nating pamunuan at isulong ang mga pakikibakang masa sa buong bansa para sa mas mababang upa sa lupa, pagwawakas sa usura, umento sa sahod ng mga manggagawang-bukid, mas mababang presyo ng mga kagamitan at sangkap sa produksyon, at makatwirang presyo sa mga produktong-bukid. Isulong ang kampanya ng panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri upang tukuyin ang pinakakagyat na problema ng masang magsasaka at para paunlarin ang mga paraan natin sa pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kanila.

Pakilusin ang masa para labanan ang mga iskema sa pagpapalit-gamit ng lupa, pagwasak at pagkamkam sa kabuhayan ng mga magsasaka ng mga operasyon sa pagmimina, pagpapalawak ng mga plantasyon, ekoturismo, enerhiya at proyektong imprastruktura at ibang malalaking dayuhan at lokal na negosyo. Ipagtanggol ang pang-ekonomyang interes at mga karapatan ng mga magsasaka at pambansang minorya, na nakakumbina sa pakikibaka laban dayuhang mga burges at monopolyong kumpanya at sa pandarambong at pagsira sa kalikasan.

Sa loob at labas ng mga larangang gerilya ng BHB, dapat itayo natin ang pinakamalaking bilang ng mga samahang magsasaka na kasama hindi lamang ang mga lalaki, kundi maging ang kababaihan at kabataang magsasaka, habang itinatayo rin ang mga organisasyon ng mga kabataan at kababaihan, pati na ang mga pangkultura at iba pang tipo ng samahan. Palawakin at palakasin ang malawak na organisasyon ng mga pambansang minorya upang ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno at isulong ang kanilang pakikibaka para sa awtonomiya at sariling pagpapasya.

Paigtingin ang mga pakikibakang antipasista sa kanayunan. Ang antipasistang pakikibaka ay mahigpit na nakakawing sa kilusang antipyudal. Ilantad at labanan ang mga paglabag ng mga pasistang pwersa ng estado sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas. Pakilusin ang masa para labanan ang militarisasyon sa kanilang mga komunidad at ang “pagpapasurender” laban sa mamamayan sa tabing ng tinawag na Retooled Community Support Program (RCSP) at Enhanced Community Livelihood and Integration Program (E-CLIP).

Paigtingin ang propaganda para labanan ang saywar ng kaaway at itaas ang militansya ng sambayanan para labanan ang pasistang panunupil, at suportahan ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Ilantad at labanan ang huwad na programang amnestiya ng rehimeng Marcos na naglalayong manghati at pahinain ang rebolusyonaryong kapasyahan ng rebolusyonaryong armadong kilusan at masa na labanan ang papet na estado ng malalaking kumprador at uring panginoong maylupa. Sistematikong isagawa ang kampanya ng pagrerekrut sa hanay ng masang magsasaka, laluna sa mga kabataan, na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.

d) Palakasin ang rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran.

Dapat nating palakasin ang rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran, lutasin ang matagal nang mga problema at sikaping pakilusin ang papalaking bilang ng masa. Dapat pakilusin ang ating mga pwersa sa malawak at matiyagang pagpropaganda at pag-oorganisa upang milyun-milyong abutin ang malawak na masa. Sa lahat ng panahon, itaguyod ang linyang masa ng pagtiwala at pagsandig sa masa. Dapat mahigpit na makipagkaisa at pakilusin ang abanteng mga elemento ng masa, at sumandig sa kanila sa pagpapataas ng antas ng panggitnang mga elemento, at kabigin ang mga atrasadong elemento.

Dapat nating paunlarin sa pangunahin ang malakas, militante at malapad na kilusang unyon at kilusang welga sa hanay ng mga manggagawa, para makibaka para sa makatwirang sahod sa harap ng nagtataasang gastos sa pamumuhay, ipaglaban ang pagpapabuti ng kalagayan sa pagtatrabaho laban sa lumalalang anyo ng pagsasamantala at labanan ang pasistang panunupil. Kasabay nito, dapat itayo ang hukbo ng mulat-sa-uring mga manggagawa sa pamamagitan ng pagtataas ng kanilang kamulatang pampulitika at rebolusyonaryo, iugnay ang kanilang pakikibakang pang-ekonomya at pang-unyon sa pambansa at demokratikong mga kahingian ng sambayanang Pilipino, at sa kabuuang rebolusyonaryong pakikibaka.

Dapat ding palakasin ang rebolusyonaryong kilusang masa sa hanay ng malaproletaryado at maramihan silang pakilusin sa batayan ng kanilang mga tampok na isyu.

Dapat palakasin ang pambansa-demokratikong kilusan sa hanay ng mga estudyante upang maramihan silang pakilusin para militanteng ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kagalingan, isulong ang pambansa-demokratikong propaganda sa kanilang hanay, at iugnay sila sa pakikibaka ng malawak na masang manggagawa at magsasaka.

Palakasin at ibayong pasiglahin ang kilusang masa ng iba’t ibang demokratikong sektor.

Dapat palakasin natin ang rebolusyonaryong kilusang-lihim. Itaas ang kakayahan, disiplina at determinasyon ng mga kadre ng Partido at rebolusyonaryong organisador na harapin ang mga sakripisyo para tiyakin ang kanilang kaligtasan at ang kaligtasan ng kanilang mga kolektibo at ng organisadong masa laban sa sarbeylans at pasistang karahasan ng kaaway, sa pamamagitan ng pagputol sa kanilang fixed points at mahabang linya ng sarbeylans. Dapat itaas ang kanilang kamulatan sa pagpapatupad ng mga alituntunin at paraan ng kilusang lihim. Dapat itaas ang kanilang kamulatan sa mga patakaran at paraan ng marunong na paggamit ng modernong kagamitan sa komunikasyon, na laging mulat sa bulnerabilidad ng mga ito.

Isagawa ang malawak na propaganda para suportahan ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka para isulong ang demokratikong rebolusyong bayan. Tipunin ang lahat ng posibleng suportang materyal at pampinansya para sa mga Pulang mandirigma ng BHB. Isagawa ang mga kampanya sa pagrerekrut sa BHB laluna sa hanay ng mga manggagawa, kabataan at intelektwal.

e) Itatag ang pinakamalapad na antipasista, anti-imperyalista at antipyudal na nagkakaisang prente laban sa rehimeng US-Marcos.

Dapat patuloy nating palakasin at palawakin ang National Democratic Front of the Philippines at lahat ng alyadong organisasyon nito sa ilalim ng pamumuno ng Partido. Tipunin ang pinakamalapad na pampulitika at materyal na suporta ng bayan para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Dapat nating itatag ang pinakamalapad na nagkakaisang prente para ihiwalay at labanan ang rehimeng US-Marcos. Dapat patuloy nating ilantad ang automated na pandaraya sa eleksyong 2022 at ang huwad na “landslide victory” ng tambalang Marcos-Duterte. Dapat kunin ang suporta ng malawak na mga pwersang anti-Marcos-Duterte na lumaban kina Marcos noong eleksyong 2022 at milyun-milyong nagrali noon sa lansangan.

Dapat magtayo tayo ng iba’t ibang anyo at antas ng pangmatagalan o panandaliang alyansa laban sa charter change, Maharlika Investment Fund, nakalulumpong mga patakarang pang-ekonomyang neoliberal, mga pasilidad militar ng US, at iba pang susing isyu na naka-ugnay sa pambansa at demokratikong hangarin ng sambayanang Pilipino.

Patuloy na palakasin ang ugnayan sa mamamayang Moro at kanilang mga rebolusyonaryong pwersa para isulong ang kanilang pakikibaka para sa tunay na awtonomiya at pambansang pagpapasya-sa-sarili.

Dapat samantalahin ang hidwaan sa hanay ng naghaharing pangkating Marcos at Duterte, sa pamamagitan ng pagtulak na papanagutin at parusahan si Duterte at mga kapural sa mga krimen nila noong sila’y nasa poder. Dapat ihanda nating pakilusin ang sambayanan laban sa posibilidad na maging madugo ang tunggaliang Marcos-Duterte sa anyo ng kudeta o batas militar.

Palakasin ang pagkatawan ng NDFP sa demokratikong gubyernong bayan sa usapang pangkapayapaan alinsunod sa mga prinsipyo ng makatarungan at matagalang kapayapaan. Ilantad at labanan ang pakana ng rehimeng US-Marcos na ipataw ang balangkas ng pagpapasuko sa usapang pangkapayapaan. Itulak ang pagkilala sa lahat ng naunang kasunduan kabilang ang The Hague Joint Declaration, ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

f) Palakasin ang ating internasyunal na rebolusyonaryong gawain.

Dapat patuloy na ikawing ang rebolusyong Pilipino sa pandaigdigang kilusang anti-imperyalista at sa proletaryong rebolusyon sa buong mundo.

Dapat itaas natin ang antas ng kampanya para kabigin ang suportang internasyunal para sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas, habang nagbibigay ng lahat ng anyo ng suporta sa mga maka-uring pakikibaka ng mga manggagawa, at pakikibakang demokratiko at anti-imperyalista sa iba’t ibang panig ng mundo.

Dapat isagawa ang masiglang kilusang propaganda at pag-oorganisa upang abutin, pukawin, organisahin at pakilusin ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa at mga kababayan sa iba’t ibang bansa at mga rehiyon sa mundo, at iugnay ang kanilang pakikibaka para sa kanilang karapatan at kagalingan sa pakikibaka laban sa anti-mamamayang rehimeng US-Marcos at sa patakaran nitong “labor export.” Hikayatin ang ating mga kababayan na aktibong isulong ang kilusang propaganda para ilantad ang anti-mamamayan, papet at pasistang rehimeng Marcos. Itaas ang rebolusyonaryong kamulatan ng mga migranteng Pilipino at hikayatin silang lumahok sa rebolusyonaryong pakikibaka sa Pilipinas.

Dapat patuloy na palakasin ang relasyon ng pakikipagkapatiran sa mga partido at organisasyong Marxista-Leninista-Maoista, palakasin ang diyalogo at tulungang komunista. Isagawa ang aktibong pakikipagtunggali sa ideolohiya upang ilantad at iwaksi ang modernong rebisyunismo, Trotskyismo, Gonzaloismo at iba pang rebisyunistang agos na bumabaluktot sa Marxismo, Leninismo at Maoismo.

Magkaisa at labanan ang pahirap at pasistang rehimeng US-Marcos!

Pamunuan ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa imperyalismo,

pyudalismo at burukratang kapitalismo!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang ganap na tagumpay!

Mabuhay ang Marxismo-Leninismo-Maoismo!

Mabuhay ang pamana ni Ka Joma!

Mabuhay ang proletaryo at sambayanang Pilipino!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Iwasto ang mga pagkakamali at palakasin ang Partido! Buklurin at pamunuan ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino sa paglaban sa rehimeng US-Marcos! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!