Magtulungan ang mamamayan sa panahon ng sakuna! Igiit sa gubyerno ang pananagutan sa pagharap sa sakuna at rehabilitasyon!

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Hinihikayat ng NDF-Bikol ang masang Bikolano na tulungan ang isa’t isa sa harap ng pananalasa ng superbagyong Karding. Gaya ng iba pang mga kalamidad at suliraning kinaharap ng bansa gaya ng pandemyang Covid-19, tiyak na ang pinakamalaking pinsala ay mararamdaman ng pinakamahihirap na sektor ng lipunan. Sa gitna ng sala-salabat na krisis panlipunan, ang pananalasa ng bagyo ay panibago na namang krus na papasanin ng sambayanang Pilipino.

Gayundin, nananawagan ang NDF-Bikol sa lahat ng kasapi ng rebolusyonaryong kilusang makipagtulungan sa mga naapektuhan upang sabay-sabay na makabangon mula sa pinsalang dulot ng pinakamatinding bagyo ngayong taon. Pakilusin ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa kalunsuran at kanayunan upang kagyat na makatulong sa rehabilitasyon ng mga komunidad na winasak ng bagyong Karding. Habang nagsasagawa ng iba’t ibang antas ng relief operations at serbisyong panlipunan, dapat panatilihin din ng mga yunit ng New People’s Army sa Bikol ang mataas na alerto at kakayahang magtanggol mula sa anumang patraydor na hakbang ng AFP-PNP-CAFGU na samantalahin ang pagkakataong mang-abuso at daluhungin ang mga komunidad.

Kasabay ng kagyat na panawagang pagtutulungan sa pagitan ng mamamayan, hindi rin dapat bitiwan ng sambayanan ang paggigiit sa gubyernong magpatupad ng mga kongkretong hakbangin upang makabangon ang bansa mula sa bagyong Karding. Hindi dapat malimutang ang pagtindi ng pinsala ng natural na mga sakuna ay dulot ng matagal nang pagpapabaya ng gubyerno sa usapin ng kalikasan at ang pagprayoritisa sa mapangwasak na neoliberal na patakaran. Pananagutan nila sa mamamayan na magpatupad ng matagalang solusyon sa kalamidad at hindi lamang mga panandalian at paputa-putaking pakitang-tao.

Laging kulelat ang pondo para sa pagharap sa mga sakuna habang lumolobo naman ang pondo para sa pangungurakot. Kung anu-anong proyekto ang inuuna ngunit hindi namang binibigyang-pansin ang mga programa para sa sustenableng pagpapalakas ng depensa laban sa mga sakuna, maagap na pagharap at pangmatagalang rehabilitasyon. Taun-taon na lamang paulit-ulit na binabayo ang masa ng mga bagyo at unos, taun-taon ding nangangako ang gubyernong pauunlarin nito ang pagtugon. Lagi’t lagi, nakalista lamang sa tubig ang mga pangakong ito.

Sa huli, upang lubusang mapataas ang kakayahan ng bansa laban sa natural na mga kalamidad kinakailangan ng mga radikal na sosyoekonomikong pagbabago. Nariyan ang pangangailangang tuluyang itakwil ang neoliberalismong mapangwasak hindi lamang sa kalikasan kundi maging sa buhay at kabuhayan ng sambayanan. Kailangang resolbahin ang problema sa seguridad sa panahanan. Napakaraming Pilipino ang walang maayos na matitirhan. Inaabutan ng bagyo sa mga barung-barong, tagpi-tagping kubo, ilalim ng mga tulay at overpass. Kailangan ding pagtuunan ng pansin ang agrikultura na nananatiling isa sa pinakabulnerableng sektor sa harap ng mga kalamidad. Dapat ding ayusin ang balangkas ng disaster response. Hindi sapat na iilang latang sardinas at pakete ng noodles lamang ang tugon ng gubyerno tuwing may bagyo. Dapat mahusay na planuhin ang pagharap sa mga sakuna bago pa man ito manalasa hanggang sa panahon ng rehabilitasyon ng mga komunidad.

Magtulungan ang mamamayan sa panahon ng sakuna! Igiit sa gubyerno ang pananagutan sa pagharap sa sakuna at rehabilitasyon!