Matagal nang nasa state of calamity ang Bikol sa ilalim ng sistemang malakolonyal at malapyudal

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Hindi pa nga nakababangon mula sa danyos na dala ng mga nagdaang bagyo, muli na namang binayo ang bansa ng Bagyong Paeng. Tulad nang dati, walang anumang makabuluhang paghahanda at depensa ang bansa mula sa mga bagyo. Daan-daang milyong halaga ng mga ari-arian ang nawasak at nawala. Dahil isa sa mga pinakamalubhang tinamaan ang Bikol, idineklara itong nasa state of calamity sa loob ng anim na buwan. Ngunit matagal nang nasa state of calamity ang Bikol. Matagal na itong sinasalanta ng walang lubay na mga mapagsamantalang patakaran at pasismo ng estadong nagdulot ng walang kapantay na danyos at kahirapan sa masang Bikolano.

Sa ilalim ni Marcos Jr., lalong naging garapalan ang kawalan ng malasakit ng reaksyunaryong estado sa sambayanan. Habang nagkakandamatayan ang taumbayan at nagkakandawasak ang kanilang mga kabuhayan, kumportableng-kumportable lamang sa kanyang trono ang anak ng diktador. Liban sa pamumudmod ng ilang pakitang-taong relief goods at pagsarbey sa inabot na pinsala ng bagyo, wala nang ibang ginawa si Marcos Jr. Wala siyang inalok na sapat na suportang agrikultural liban sa mga pautang at dagdag palugit sa utang. Wala siyang itinulak na mga batas na maaari sanang kagyat na nagpahinto sa mga aktibidad na mapanglustay sa kalikasan tulad ng malawakang pagmimina at pagtotroso. Wala siyang malinaw na hakbang upang tiyaking may makatarungang kumpensasyon para sa mga nasirang pag-aari ng masa at ayuda para sa rekoberi ng mga komunidad.

Mas malupit kaysa anumang bagyo ang danyos na araw-araw na idinudulot ng bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal na kinakatawan ngayon ni Marcos Jr. Mas malalim na ibinabaon ang masang anakpawis sa pagkakapako sa mala-aliping kalagayan. Ipinagkakait sa taumbayan ang kanilang mga demokratikong interes at karapatang sibil. Nagbibingi-bingihan ang rehimen ni Marcos Jr. sa hinaing ng masa at kanilang mga panawagan.

Sa huli, hindi sapat ang anim na buwang pagpapailalim sa Bikol at iba pang bahagi ng bansa sa state of calamity para mabura ang ilang dekada ng mga pinsalang dulot ng pag-iral ng sistemang bumayo sa masa at kanilang kabuhayan. Tanging sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan tunay na makapagsisimula ang pagrekober ng buong bayan mula sa malalalim na sugat ng malapyudalismo at malakolonyalismo.

Matagal nang nasa state of calamity ang Bikol sa ilalim ng sistemang malakolonyal at malapyudal