Pahayag

Nagpupunyagi sa landas ng digmang bayan ang sambayanan at ang New People's Army sa Quezon!

Paulit-ulit na kuwento ang pinapalabas ng Armed Forces of the Philippines para bigyang katwiran at papaniwalain ang sarili nila sa kanilang bigong kampanya laban sa rebolusyonaryong kilusan at sa mamamayan. Taun-taon na lamang ay nagdedeklara sila ng pagsugpo at malapit nang pagkadurog ng mga yunit ng NPA at sonang gerilya. Parehong mga litanya sa panahon ng rehimeng US-Duterte na bitbit hanggang rehimeng US-Marcos Jr.

Noong nakaraang taon pa pinapangalandakan ng AFP na mayroon na lamang isa at mahina pang larangang gerilya ang New People’s Army. Ngunit, taun-taon din ay maglalabas sila ng datos at balitang gabundok na mga pekeng pinasuko, hinuli, pinatay, binomba at iba pang nilabag ang karapatang pantao. Ngayon sinasabi naman nilang may dagdag na 254 na miyembro ng New People’s Army ang nanyutralisa. Alam naman na ng lahat na mga karaniwan at sibilyang mamamayan ang kanilang mga biktima.

Hungkag ang pagkukumahog ng rehimeng Marcos Jr na pagmukhaing natatalo na nito ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng pagdeklara ng insurgency-free status ng iba’t ibang probinsya sa bansa. Paulit-ulit nang napasubalian ng NPA-Quezon ang deklarasyong ito. Taliwas rin ito sa patuloy na nararanasang militarisasyon ng mamamayan at operasyong pangkombat ng mga armadong pwersa ng AFP, PNP at CAFGU tulad sa probinsya ng Quezon.

Kung wala na talaga ang mga yunit ng NPA, bakit nananatili at tuloy-tuloy ang operasyong militar ng 85th IBPA sa lalawigan na idinagdag pa ang 16th IBPA mula sa Camarines Norte?

Tulad ng dating amo nilang si Rodrigo Duterte na haling na haling sa karahasan at si Bongbong Marcos Jr na diumano’y patay malisya sa mga kaganapan sa bansa, hindi katakataka ang mga pagsisinungaling, pandarahas at pagsasamantala ng mga ahente ng estado. Humihiyaw ang estado na labanan ang terorismo, ngunit ang tunay na terorismo ng estado na maysala ay nananatiling namamayagpag sa buong bansa.

Nakakatiyak ang sambayanan na tulad ng dating kriminal na si Rodrigo Duterte ay kasunod si Bongbong Marcos Jr na malalantad sa kaniyang mga karumaldumal na krimen laban sa sambayanan. Papanagutin sila ng sambayanan sa kanilang mga paglalapastangan at pagtataksil sa bayan.

Sa paggunita ng ika-56 na anibersaryo ng New People’s Army sa darating na Marso 29, pinatunayan ng kasaysayan ang kawastuhan ng rebolusyon. Kailanman, hindi ito magagapi.

Nananatiling nagkakaisa, nakatayo at gumagampan sa kanyang rebolusyonaryong gawain ang New People’s Army sa lalawigan ng Quezon. Muling nababalikan at napapalakas ang mga baseng gerilya at maghuhudyat ito ng kasabay na paglakas ng armadong pakikibaka. Napapatunayan ng mga pulang mandirigma ang hindi nagmamaliw na pagtanggap at pagmamahal ng mamamayan sa kanilang tunay na hukbo, deka-dekada man ang makaliRead in:pas.

Hibang ang AFP na isiping kayang talunin ang lakas ng mamamayang nakikibaka. Maaring paantalahin, humina at umatras ngunit hangga’t hindi nalulutas ang tunay na ugat ng armadong paglaban, makakabawi at makakapagpanibagong-sigla ang rebolusyonaryong kilusan. Iyan ang batas ng pagsulong ng lipunan.

Sa lahat ng pulang mandirigma, mahigpit na tanganan ang armas at ang mulat na disiplinang bakal. Malalim na umugat sa mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan. Magpunyagi sa pagpapalakas ng armadong pakikibaka at tahakin ang landas ng digmang bayan.

Makakamit lamang ang tunay na katarungan, kalayaan at kaginhawaan sa pagtatayo ng tunay na gobyerno at lipunan ng mamamayan. Punong-puno ng determinasyon at pagsisikap ang buong rebolusyonaryong kilusan sa pagsasakatuparan nito sa tanglaw ng kasalukuyang kilusang pagwawasto at tuloy na pagtahak sa landas ng armadong paglaban.

Mangahas makibaka! Mangahas magtagumpay!
Rebolusyon hindi eleksyon!
Sumapi sa New People’s Army!
Mabuhay ang ika-56 na Anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan!

Nagpupunyagi sa landas ng digmang bayan ang sambayanan at ang New People's Army sa Quezon!