Pagliyabin ang rebolusyonaryong pakikibaka ng masang Ilokano laban sa martial law! Durugin ang tiranya ng rehimeng US-Marcos II!

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishIloco

Ngayong araw, Setyembre 21 ang ika-50 taon ng pagdeklara ni Ferdinand Marcos Sr. sa madugong Martial Law noong 1972. Taliwas sa lahat ng pagsisikap ng rehimen Marcos Jr. na buhusan ang baga ng rebolusyonaryong pakikibaka at burahin sa isip at damdamin ng mamamayang Pilipino ang hapdi ng karahasan ng pasistang diktadura ng kanilang patriarko, lalong nagliliyab ang poot at pagnanais ng mamamayan na durugin ang tiranya at isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon.

Sa pagsapit ng ika-50 taon ng Martial Law, tayo’y magpugay sa lahat ng martir na nagbuwis ng buhay sa paglaban sa unang pasistang rehimeng US-Marcos, gayundin sa mga beteranong hanggang sa kasalukuyan ay nagsisilbing matibay na moog sa nagpapatuloy na rebolusyonaryo at demokratikong pakikibaka ng masang Pilipino.

Sa likod ng pighating hatid ng pasistang diktadura, ikinararangal nating sa mismong balwarte ng dinastiyang Marcos ay naglagablab ang paglaban ng mamamayang Ilokano. Ikinararangal natin na napaunlad ang mga rebolusyonaryo at militanteng mga Ilokano na naging bahagi ng Sigwa ng Unang Kwarto (First Quarter Storm/FQS) noong 1970-1972 na yumanig sa unang diktadurang US-Marcos. Ang mga beteranong ito ang naging instrumento ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) upang mailatag ng digmang bayan sa Ilocos at Hilagang Luzon.

Parangalan ang mga martir sa pakikibaka sa Ilocos laban sa diktadurang US-Marcos

Si Cesar “Tatang” Lacara na beterano ng kilusang manggagawa at isa sa mga nagpundar sa bagong PKP noong 1968 ay isa sa mga kauna-unahang nagbukas sa rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan ng Ilocos at Hilagang Luzon pagkatapos maitayo ang bagong Partido. Isinulat ni Tatang sa librong “Sa Tungki ng Ilong ng Kaaway” ang mga karanasan niya sa pagpupundar ng Partido at rebolusyonaryong kilusan sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa masalimuot na panahon ng diktadurang Marcos.

Ang magkapatid na Armando “Mandrake” at Romulo Palabay mula sa San Fernando, La Union ay namulat na mga aktibistang estudyante at naging bahagi ng FQS at tumugon sa panawagan ng Partido na pasaklawin ang rebolusyon sa kanayunan. Ang magkapatid ay naging organisador sa mga Tingguin sa Abra upang labanan ang mapanirang logging ng Cellophil Resources Corporation. Sila rin ang nagsimula sa pag-oorganisa ng kabataan-estudyante sa La Union. Noong maideklara ang Martial Law, ang magkapatid ay nakulong at na-tortyur. Nagmartir silang Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Si Danilo Ben na taga San Fernando, La Union ay isa sa mga pioneer ng BHB sa Hilagang Luzon na humamon sa rehimeng Marcos. Ang pamumuno ni Danilo Ben sa PKP at BHB sa Cagayan Valley hanggang sa pagyao niya noong 1997 ay naging salik sa paglakas ng armadong pakikibaka sa rehiyon.

Si Fr. Zacharias Agatep na taga Sto. Domingo, Ilocos Sur ay nag-organisa sa mga magsasaka sa prubinsiya upang ilaban ang pagpapababa sa upa sa lupa at usura noong maagang bahagi ng 1970s. Nakilala si Fr. Agatep sa buong bansa dahil sa pamumuno niya sa mga magsasaka sa paglulunsad ng rebolusyong agraryo at pagbubukas ng unang sonang gerilya at pagbubuo ng unang yunit ng BHB sa Ilocos. Ipinabilanggo ni Marcos at iprinoyekto ng rehimen na likidahin noong 1982 sa Salcedo, Ilocos Sur sa pamamagitan ng dalawang ahenteng impiltrador sa loob ng yunit ng BHB na pinamunuan niya.

Si Alfredo Cesar na taga-Pangasinan ay isang diakono ng simbahang Katoliko na kasama ni Fr. Agatep na nagpatupad sa panawagan ng Partido na ihanda at pamunuan ang pagbubukas ng sonang gerilya sa Ilocos Sur noong ikalawang hati ng dekada 70. Sa pamumuno niya, lumakas at lumawak ang PKP at BHB at armadong pakikibaka sa Ilocos. Kasama siya ni Fr. Agatep na pinatay ng mga ahente ng pasistang estado ni Marcos.

Si Fr. Nilo Valerio ay nag-organisa din ng mga Tingguian sa Abra upang tutulan ang operasyong logging ng Cellophil noong dekada 70. Nadestino sa Ilocos noong maagang bahagi ng dekada 80 upang tumulong sa pagpapalawak sa sonang gerilya ng rehiyon. Noong 1985, kinubkob sila ng mga pasistang militar sa Bakun, Benguet. Pagkatapos patayin ay pinugotan ng ulo si Fr. Valerio at ng dalawa pang kasama (Resteta Fernandez at Soledad Salvador) ng mga barbarikong sundalo ng rehimeng Marcos, pagkatapos ay ipinarada ang kanilang mga ulo sa komunidad;

Si Isabelita “Ka Elvira” del Pilar na taga Laguna ay aktibistang estudyante sa Baguio noong dekada 70. Sumampa sa BHB sa Cordillera noong 1973. Naging organisador din ng mga manggagawa at malaki ang naitulong niya a pagtatayo ng mga unyon ng manggagawa sa La Union. Namatay sa sakit noong 2000.

Si Purificacion Pedro na taga-Laoag City ay isang lay social worker ng simbahang Katoliko na nagboluntaryong mag-organisa sa mga tribu ng Cordillera upang tutulan ang Chico River Dam Project ng rehimeng US-Marcos noong dekada 70. Nasugatan siya sa isang operasyong militar at pinaslang ng mga sundalo ni Marcos habang nagpapagamot sa ospital.

Si Bishop Antonio Mabutas na taga Agoo, La Union at arsobispo ng Simbahang Katoliko ay aktibong kritiko ng rehimeng Marcos Sr. sa mga paglabag sa karapatang pantao, kagaya ng mga insidente ng tortyur at pamamaslang sa mga manggagawa ng simbahan. Nakilala siya bilang unang arsobispo ng Romano Katoliko na nagsulat ng pastoral letter na kumukundena sa mga paglabag sa karapatang pantao ng diktadurang Marcos.

Si Atty. David Bueno ay abogadong masigasig na tagapagtanggol ng karapatang pantao sa Ilocos mula sa mga huling bahagi ng diktadurang Marcos hanggang sa paslangin siya ng mga pasistang ahente ng estado ni Cory Aquino noong 1987.

Si Joseph “Ka Jongjong” Joaquin at ang buong pamilya niya sa Apayao ay naging biktima ng karahasan at namulat sa panahon ng Martial Law. Noong 1984 ay sinundan niya ang kaniyang mga magulang at kapatid na unang sumampa sa BHB. Naging magiting na kumander ng BHB sa Ilocos at nagmartir sa isang labanan sa Badoc, Ilocos Norte noong 2005.

Ang mga nabanggit na martir ay ilan lamang sa mga napakaraming biktima at naging bayani sa pakikibaka dito sa Ilocos laban sa pasistang diktadura ni Marcos.

Pyudalismo at Martial Law: matabang lupa na inusbongan at nagpalawakan ng rebolusyon sa Ilocos

Ang pagdedeklara ni Marcos Sr. sa Martial Law noong 1972 ay tanda ng sumidhing krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan at pag-igting ng tunggalian ng pinagsasamantalahan at naghaharing-uri. Ang tuminding pyudal na pagsasamantala at pasismo ng rehimeng Marcos ay matabang lupa na inusbongan ng rebolusyonaryong pakikibaka ng masang Ilokano. Sa buong panahon ng diktadurang Marcos, tumindi ang pyudal na pagsasamantala at despotikong paghahari ng mga panginoong maylupa at komersyante ng tabako sa rehiyon. Ang mga lupain at kalakal ng tabako ay kinontrol ng mga loyalistang warlord ni Marcos gaya ng mga Fariñas, Benemerito, Singson, Crisologo, Encarnacion, Quema, Ortega at Aspiras. Sa panahong ito, bunganga ng baril ng mga panginoong maylupa at komersyante ng tabako ang kausap ng mga magsasaka upang mapwersa silang magbayad ng mataas na upa sa lupa at interes ng utang at magbenta ng tabako sa napakabarat na presyo.

Para sa logging, inagaw ng Cellophil na negosyo ng bayaw ni Imelda Marcos na si Herminio Disini ang ansestral na lupain ng daan-daang pamilya ng pambansang minorya ng Abra, Apayao, Kalinga, Bontoc sa Cordillera hanggang sa Nueva Era, Marcos at Solsona sa Ilocos Norte at sa Quirino, Ilocos Sur.

Dahil sa kalupitan ng Martial Law, napagtanto ng mga magsasaka na hindi nila maipaglalaban ang kanilang karapatan kung hindi sila mag-aarmas. Idinugtong nila ang pakikibaka ng magsasaka sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka na naglatag sa digmang bayan sa Kailokohan. Nabasag ang “solidong balwarte” ng diktadurang Marcos sa hilaga.

Paghubog sa “loyalty” ng mga Ilokano at pasistang karahasan

Binulag ng mga Marcos ang mga Ilokano sa pamamagitan ng paghatak sa katapatan nila. Mapanlinlang nilang hinubog ang “loyalty” ng mga Ilokano sa pamamagitan ng pagpapaasang sila ang pangunahing makikinabang sa paghahari nila. Ang mga tumutol ay dumanas ng pasistang karahasan ng Martial Law na hanggang sa kasalukuyan ay di pa nagawaran ng hustisya. Sa mismong prubinsiya nila sa Ilocos Norte, naganap ang masaker sa walong sibilyan sa Bangui noong 1983, mga pagsasalbeyds, pagpapalayas, panununog at paghamlet sa mga komunidad. Nangyari ang mga ito sa mga bayan ng Dumalneg, Adams, Pagudpud, Piddig, Vintar, Marcos at sa Bantay, Ilocos Sur at marami pang ibang bayan sa rehiyon.

Mula sa FQS, ang rehimeng Marcos ay tuloy-tuloy na niyanig ng malalaki at militanteng kilos-protesta ng masa at pagsiklab ng digmang bayan. Umigting ang pasismo upang ipagtanggol ang negosyo at pang-aagaw ng lupain ng mga malalaking kapitalistang kumpanya, ang pagsasamantala ng mga panginoong maylupa at burukratikong katiwalian ng rehimen. Lalong lumagablab ang galit ng mamamayan na rumurok sa pagpapatalsik sa mga Marcos noog 1986, kung saan aktibong nakibahagi ang mga masang Ilokano. Sa Ilocos at Hilagang Luzon, umalingawngaw ang sigaw ng mamamayan na “Durugin ang Solid North ng mga Marcos!” na sinabayan ng mga malalakas na opensiba ng BHB.

Sa pagkakatalsik niya noong 1986, ang monumento ni Marcos sa Tuba, Benguet ay di nagalaw dahil sa kawalan ng pulitikal na kapasyahan ng rehimeng Cory Aquino na burahin lahat ng alaala ng diktadurang Marcos. Pinasabugan ng BHB ng Ilocos-Cordillera ang monumento noong 2002, tanda ng patuloy na pagtatakwil ng masang ilokano at minorya ng Cordillera sa napatalsik na diktador at burahin lahat ng alaala ng mga nakakakilabot na krimen niya sa taumbayan.

Nabigo ang rehimeng Marcos sa pakay nitong lipulin ang PKP at ang rebolusyong Pilipino

Ang pag-unlad ng rebolusyong Pilipino mula sa panahon ng diktadurang Marcos hanggang sa kasalukuyan ay kongkretong patunay sa kabiguan nitong ipataw ang Martial Law upang lipulin ang PKP at ang pinamumunuan nitong rebolusyonaryo at demokratikong pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Taliwas dito, sa panahon ng pasistang diktadura, mula maagang bahagi ng dekada 70, lalo pang umugat at nagpalawak ang Partido sa hanay ng nakararaming dukha at inaaping masang manggagawa at magsasaka, nagpalawak ang BHB sa iba’t ibang bahagi ng bansa at rumurok ang malalaking protesta ng bayan at armadong opensiba ng BHB laban sa pasistang rehimen sa unang bahagi ng dekada 80 at nagtuloy-tuloy hanggang sa napatalsik ang mga Marcos noong 1986.

Gunitain at ipagpatuloy ang magiting na paglaban ng mamamayang Ilokano sa Martial Law

Kailangang ipakita sa kasalukuyang rehimeng Marcos, kung bakit sa kabila ng pagbabalak ng Martial Law na durugin ang PKP, ibayo pang tumibay ang pundasyon nito at ng armadong rebolusyon. Dahil sa ito ay ginagabayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang pinakasulong na ideolohiya sa mundo at dahil sa ang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino ay lalong pinasahol ng rehimeng Marcos sa pagpapakatuta sa imperyalistang US na nang-agaw ng lupain, rekurso at kayamanan ng bansa kakutsaba ang malalaking burges kumprador at panginoong maylupa at ang pagpapataw ng batas militar.

Sa kasalukuyan, ipinapakat ng rehimeng Marcos Jr. ang hindi deklaradong Martial Law. Nararapat na ipakita sa kasalukuyang rehimen na ang mga lehitimo at demokratikong kilos masa na sinupil ng diktador na Marcos Sr. ay napilitang maglihim at ang masa ay naitulak sa armadong landas. Ipaalala sa kasalukuyang rehimeng Marcos na ang FQS, ang pakikibaka laban sa Chico Dam at Cellophil sa Cordillera at ang anti-pyudal na pakikibaka sa Ilocos ay nagpasulpot ng maraming aktibista, kadre ng Partido at Pulang mandirigma na namuno at nagsulong sa pambansa demokratikong rebolusyon ng mamamayang Pilipino.

Mayaman ang aral at inspirasyon na mahahalaw natin sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino sa pasistang diktadura ng US-Marcos I. Pangunahing aral dito ay – ang pakikibaka ng mamamayan ay tulad ng malakas na agos ng tubig na habang nahahadlangan ay lalong bumubulwak at rumaragasa. Ang baga ng rebolusyonaryong pakikibaka, habang napapaypayan ng pasismo ay lalong nagliliyab.

Nakapanumbalik sa kapangyarihan ang mga Marcos sa harap ng tumitinding pagdurusa ng nakararaming mamamayan sa lumalalim na kahirapan, kawalan ng kabuhayan, tuloy-tuloy na pagsirit ng presyo ng langis, bilihin at mga batayang serbisyo, kawalan at pang-aagaw ng lupain, importasyon, tumataas na buwis at pagpasan sa lumalaking utang ng rehimen. Lahat ng mga ito ay dulot ng humihigpit na dikta at kontrol ng mga monopolyo kapitalista na pinagsisilbihan ng kasalukuyang rehimeng Marcos.

Nakatitiyak tayo, na sa harap ng pagsahol ng sosyo-ekonomikong krisis, mabibigo ang mga Marcos na sa panunumbalik nila sa kapangyarihan ay matiwasay nilang maipapatupad ang buhong nilang pakay na lalo pang magpayaman at magpatatag ng kapangyarihan gamit ang tiranya. Gaya ng unang nilang rehimen, yayanigin ito ng walang-puknat na militanteng pagkilos at armadong paglaban at susulong demokratikong rebolusyon ng bayan.

Hinihikayat ng NDF-Ilocos ang mga kabataan na masikhay na pag-aralan ang kasaysayan ng rebolusyong Pilipino, paano ito naipundar at yumabong sa madilim na panahon g pasistang kapangyarihan ng mga Marcos. Makipagtalakayan sa mga beterano ng Martial Law, pag-aralan ang buhay at pakikibaka nila at humalaw ng inspirasyon sa kanila upang mag-alab ang inyong rebolusyonaryong diwa na magtutuloy sa pakikibaka upang durugin ang tiranya ng rehimeng US-Marcos II at isulong ang demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino.#

Pagliyabin ang rebolusyonaryong pakikibaka ng masang Ilokano laban sa martial law! Durugin ang tiranya ng rehimeng US-Marcos II!