Pahayag

Pakamahalin ang Bagong Hukbong Bayan, ang hukbong magsasaka at tunay ng hukbo ng sambayanang Pilipino!

,

Pinagpupugayan ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM) at ng milyun-milyong magsasaka at mamamayan sa kanayunan ang ika-56 taong anibesaryo ng Bagong Hukbong Bayan. Libu-libo kaming mga magsasaka at mamamayan sa kanayunan sa buong bansa ang makakapiling ng mga mandidirigma ng BHB sa selebrasyon ng kanyang anibersaryo dahil kaisa niya kaming mga magsasaka sa simula pa lamang ng pagbubuo hanggang sa pagpapalakas ng BHB, ang hukbong magsasaka at tunay na hukbo ng sambayanang Pilipino.

Ang BHB sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas ay ang hukbo ng magsasaka sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo at sa pagtatanggol ng mga karapatan ng mga mamamayan sa kanayunan laban sa mga despotiko at tiranikong paghahari ng mga panginoong maylupa at pasistang militar. Sa kasaysayan ay pinatunayan ng BHB ang sakripisyo at pag-aalay ng buhay ng kanyang magigiting na mandirigma para pagsilbihan ang mga magsasaka at mamamayan sa kanayunan at sa bansa.

Ang PKM ay kakapit-bisig ng BHB sa tatlong pangunahing tungkulin sa kanayunan—ang pagpapalawak ng baseng masa, pagsusulong ng rebolusyong agraryo at ng armadong pakikibaka. Sa mahabang panahon ng pagtataguyod ng BHB sa rebolusyong agraryo, ang susing kawing sa kanayunan, ay milyun-milyong magsasaka at maralita sa kanayunan ang nabiyayaan na ng minimum na programa sa reporma sa lupa tulad ng pagpapababa ng upa sa lupa at mga makinarya sa pagsasaka, pagpapababa ng interes hangang sa pagpawi ng usura, pagtataas ng sahod ng mga manggagawang bukid, pagbabago ng sistema ng partehan sa ani pabor sa magsasaka katulad ng tresyong baligtad, at pagtataas ng presyo ng aning produkto ng magsasaka. Sa mahabang panahon rin ay kasa-kasama naming mga magsasaka ang BHB sa produksyon tulad ng pagsasaka, pagkokopra at pag-aabaka at naging guro namin sa pagpapaunlad ng aming pagsasaka.

Sa mga lugar kung saan may batayan na at malakas ang kapangyarihan ng magsasaka at mamamayan sa kanayunan sa pamamagitan ng Organo ng Kapangyarihang Pampulitika (OKP) at matibay ng pamumuno ng Partido ay ipinatutupad ang maksimum na programa ng kumpiskasyon ng lupa ng mga despotikong panginoong maylupa at libreng pamamahagi nito sa mga magsasaka na wala o kulang sa lupa. Dito, ang BHB ang nagsisilbing depensa namin laban sa mga pasistang asendero at militar. Dahil dito pinatunayan naming magsasaka na kami ang hindi masasaid na balon ng mandirigma ng BHB, handa kami palagi na ilaan ang aming mga anak, mga magulang at kapamilya sa BHB dahil ang BHB ang tunay na hukbo naming magsasaka at mamamayan na tagapagtanggol ng aming mga karapatan.

Sa ilalim ngayon ng rehimeng US-Marcos na nangangarap na namang wakasan ang BHB, binalewala nila ang Peace Talks at mga kasunduan nito sa nakaraan at tatapusin na daw ang armadong tunggalian sa bansa. Subalit katulad ng mga nakaraang rehimen at ng kanyang tatay na nagpataw ng batas militar at pinakamalupit na pasistang atake sa magsasaka at mamamayan, mabibigo at mabibigo sila. Dahil hindi nalulutas ang pinakamalaking suliranin sa bansa—ang problema sa monopolyong pag-aari sa lupa na iilan at ang iba’t-ibang anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala’t pang-aapi sa mga magsasaka at ang matinding kahirapan ng sambayanang Pilipino—tiyak na patuloy na susulong at lalakas ang rebolusyonaryong landas ng pakikibaka ng mga magsasaka at mamamayan at ibabagsak ang estado ng reaksyunaryo, ang mapagsamantala at mapang-aping naghaharing uri ng mga panginong maylupa at burgesyang komprador.

Kailangang kapwa ilantad at labanan ang paghahari ng rehimeng US-Marcos at balak ng pamilyang Duterte na makabalik sa kapangyarihan. Sa taktikal na sitwasyon na nakasampa na sa kongreso ang impeachment ni VP Sara Duterte dahil sa katiwalian at korapsyon ay dapat suportahan ito kabahagi ng panawagang pagpapanagot sa krimen sa taumbayan ng pamilyang Duterte. Parehong pasista ang rehimeng US-Marcos at rehimeng Duterte na nagpatupad ng terorismo sa mga magsasaka at mamamayan kaya dapat silang kapwa singilin at pagbayarin. Patuloy na palakasin ang mga panawagan ng paniningil sa rehimeng-Marcos sa mga kasalanan nito sa magsasaka at mamamayan laluna sa mabilis na pagliit ng kita at kabuhayan at pagtaas ng mga bilihin na nagpapatindi ng kahirapan ng taumbayan.

Ngayong halalan 2025 ay dapat parehong ilantad at biguin ang mga burukrata-kapitalistang kandidato ni Marcos at Duterte na nagmula sa malalaking partido at dinastiya dahil gagamitin lamang nila ang halalan para ikonsolida at palakasin ang kani-kanilang kampo at para sa darating na halalang presidensyal sa 2028. Walang pakinabang ang magsasaka at mamamayan sa reaksyunaryong halalan dahil tiyak na pagkatapos ng halalan ay magpapatuloy lamang ang mga kontra-magsasaka’t kontra-mamamayan at mga neo-liberal na patakaran ng imperyalismo na labis-labis na nagpapahirap sa taumbayan, rebolusyon ang sagot sa kahirapan at hindi eleksyon. Gayunman dapat tayong magbukas at sumuporta sa mga progresibong kandidato na tunay na nagtataguyod ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, mga demokratikong kahingian ng mamamayan at tunay na adyenda ng magsasaka at mamamayan.

Nananawagan ang PKM sa mga manggagawa, kabataan at iba pang maralita at sektor sa kalunsuran na tumungo sa kanayunan, sumapi sa BHB at maging mandirigma ng sambayanan sa pagsusulong ng armadong pakikibaka. Isanib natin sa uring magsasaka, na pangunahing pwersa ng rebolusyon, ang makauring pamumuno ng mangagawa, lakas at talino ng kabataan at petiburges para sa tuloy-tuloy na pagpapalakas ng BHB at armadong pakikibaka.

Pakamahalin ang Bagong Hukbong Bayan, ang tunay ng hukbo ng mamamayan!

Mabuhay ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Magpunyagi sa pagpapalawak ng baseng masa, rebolusyong agraryo at armadong pakikibaka!

Pakamahalin ang Bagong Hukbong Bayan, ang hukbong magsasaka at tunay ng hukbo ng sambayanang Pilipino!