Pahayag

Panghawakan ang panawagan ng pagwawasto! Isulong ang armadong pakikibaka hanggang sa tagumpay!

, ,

Binabati ng National Democratic Front of the Philippines sa lalawigan ng Laguna ang Bagong Hukbong Bayan sa ika-55 na anibersaryo nito. Pinakamataas na pagpupugay sa lahat ng Pulang mandirigma at kumander ng tunay na hukbo ng sambayanan!

Sa loob mg mahigit limang dekada, nilagpasan ng BHB ang samu’t saring paghihirap at sakripisyo alang-alang sa pagsulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Sa ilalim ng absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, binitbit nito ang siyensya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at inilapat ito sa praktika ng lipunan at rebolusyong Pilipino. Hanggang ngayon, nagpapatuloy ang BHB sa pagpunyagi sa kaniyang mayor na tungkulin na lansagin ang mersenaryong hukbo ng reaksyunaryong kaaway, alinsunod sa estratehiya ng matagalang digmang bayan.

Nag-aalay din kami ng pinakamataas na pagpaparangal sa mga magigiting na anak ng Laguna na nag-alay ng buhay para sa bayan. Hindi makakalimutan ang ngalan nina Abigael “Ka Laura” Bartolome, Allysa “Ka Ilaya” Lemoncito, Misael “Ka Cuba” Ongtangco, Jeramie “Ka Ash” Garcia, at marami pang walang pangalan. Pulang saludo sa lahat ng mga dakilang martir ng sambayanan!

Nagagalak ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Laguna sa balita na sineseryoso ng BHB ang panawagan ng Partido na iwasto ang mga naging kamalian. Nagsisilbing inspirasyon ang kritikal-sa-sariling pagsusuri ng BHB at pagpupuna sa kaniyang konserbatismong militar at kaluwagan sa disiplina. Sa kabila ng mga napunang kahinaan, nagpapasya pa rin ang Hukbo na sumulong sa wastong linya at pagsilbihan ang masa sa hangaring makamit ang ganap na paglaya mula sa kawing ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo.

Maraming aral ang mapupulot ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Laguna mula sa BHB. Tingnan natin bilang ehemplo ang pagyakap ng BHB sa kilusang pagwawasto at buong-puso nating harapin ito. Seryosohin natin ang ating pag-aaral, paglalagom, pagpupuna at pagpuna-sa-sarili, at ang pagtalima natin sa mga batayang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.

Malaki ang hamon sa mga rebolusyonaryong organisasyon sa Laguna upang suportahan at pasiglahin ang armadong pakikibaka sa kanayunan. Tinatawag tayo ngayon para iwasto ang mga maling estilo ng pamumuno at paggawa, bakahin ang konserbatismo, burukratismo, emperisismo, at liberalismo, at mapangahas na sumulong sa ating rebolusyonaryong gawain.

Sa kanayunan, mahalaga na itayo ang mga samahang masa at rebolusyonaryong organisasyon upang magsilbing bag-as ng Pulang kapangyarihan. Kailangang pangunahan ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa ang gawaing propaganda, edukasyon, pag-oorganisa, at pagpapakilos sa masa sa kanayunan para suportahan ang mga Pulang mandirigma at ang armadong pakikibaka. Sila ang hindi natutuyong balon na pinagkukuhanan ng BHB ng sigla at tapang.

Sa kalunsuran, kung saan depensiba ang pangunahing moda ng pagkilos, kailangang pamunuan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang pakikibakang masa na dulot ng papalaking disgusto ng mamamayan sa rehimeng US-Marcos II. Dapat itayo ang mga rebolusyonaryong unyon sa mga pagawaan para magampanan ng mga manggagawa ang makasaysayang papel nito na mamuno sa rebolusyon. Itayo rin ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa at mga lihim na sirkulo ng mga kabataan-estudyante, maralitang lungsod, kababaihan, taong simbahan, kawani ng pamahalaan, at iba pa. Buuin ang pinakamalawak na lambat ng suporta para sa digmang bayan at hikayatin ang pinakamaraming bilang ng mamamayan na sumapi sa BHB.

Pinapatunayan ng mahabang yugto ng armadong pakikibaka sa Pilipinas na mahaba ang tatahakin ng sambayanan para makamit ang ganap na tagumpay. Pinapakita rin ng ating Hukbo na hindi dapat tayo mapanghinaan ng loob sa kabila ng mga matinding bigwas ng kaaway. Padausdos at patalo ang reaksyunaryong estado habang pasikad lamang ang rebolusyonaryong pwersa.

Patuloy nating kamtin ang mas malalaking mga tagumpay! Pasiklabin ang nagbabagang apoy ng digmang bayan sa buong kapuluan!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mamamayang Lagunense, tumungo sa kanayunan! Sumapi sa New People’s Army!

Panghawakan ang panawagan ng pagwawasto! Isulong ang armadong pakikibaka hanggang sa tagumpay!