Tutulan ang Balikatan Exercises 2023 sa Ilocos Norte! Ipaglaban ang seguridad at soberanya ng Pilipinas kontra sa paghahari-harian ng imperyalistang US!
Mariing tinutulan at kinukundena ng National Democratic Front of the Philippines – Ilocos ang plano ng imperyalistang US at ng rehimeng Marcos na idaos ang 38th Philippines-United States Balikatan Exercises sa prubinsiya ng Ilocos Norte sa Abril 24-27. Ikalawang joint exercise ito na magaganap sa Ilocos Norte pagkatapos ng unang joint exercises ng Philippine Marines at ng US Marines na isinagawa sa Currimao at Laoag City noong Hunyo 2022. Ang mga ehersisyong ito ay naglalagay sa panganib sa mga mamamayang naninirahan sa nasabing lugar at yuyurak sa soberanya ng Pilipinas.
Tulad ng pahayag ni Col. Michael Logico na mamumuno sa 38th Balikatan Exercises, nauna nang naitakda ang barangay Bayog, munisipalidad ng Burgos bilang “operational area” sa gagawing ehersisyo sa Abril 24-27. Ang baybayin ng Bayog ay magagamit bilang coastal air defense site sa ehersisyo, kung saan maisasagawa ang live fire exercises upang subukan ang mga bagong kagamitang pandigma ng US. Ito ay sa kabila ng babala ng mga trainor sa panganib na idudulot ng nasabing ehersisyo, pati na ang posibleng pagkasira ng mga coral reef sa karagatan ng lugar.
Pangunahing kinukundena ng NDF-Ilocos ang imperyalistang US at ang pakikipagsabwatan ni Presidente Marcos, ng AFP at ng Department of National Defense upang maisagawa ang nasabing ehersisyo militar na naglalagay sa panganib sa mamamayan ng Burgos at ng mga komunidad ng Ilocos Norte na sasaklawin ng ehersisyo.
Sa nakaraang 37 taon, idinadaos ang US-RP Balikatan Exercises o pagsasanay ng US Armed Forces sa Armed Forces of the Philippines upang palakasin ang depensa ng imperyalistang US laban sa mga karibal nitong imperyalistang kapangyarihan. Ang US-RP Balikatan Exercises ay nilalaman ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at US. Ang Balikatan Exercises ngayong taon na magaganap sa Ilocos Norte, gayundin sa Fuga, Calayan at Batanes ay isa sa mga pinakamalaking pagsasanay na idadaos ng US sa Pilipinas na dadaluhan ng 16,000 na pwersa ng AFP at ng US Armed Forces.
Kasalukuyan ding nag-iikot si US Defense Secretary Lloyd Austin III sa iba’t ibang bansa sa Asia upang ipatupad ang plano nilang itayo ang mga EDCA sites sa rehiyon. Ang mga EDCA sites ay ang mga lokasyon na itinakda ng US na tatayuan ng kaniyang mga base at pasilidad militar. Kaugnay nito, nakikiisa din ang NDF-Ilocos sa pagkundena ng sambayanang Pilipino sa pagdating ni Austin sa Pilipinas at ang pakikipagkasundo ni DND Secretary Carlito Galvez upang kumpletuhin ang limang EDCA sites sa Pilipinas at dagdagan ito ng apat pa. Tunay ngang sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga EDCA sites, nagiging staging ground ng digmang agresyon ng imperyalistang US ang Pilipinas at magneto ng mga atake ng mga kalaban nito gaya ng Russia at China.
Ibinulgar mismo ni Gen. James Bierman, ang commanding general ng US Armed Forces’ Third Marine Expeditionary Force and Marine Forces Japan, na ang US ay matagal nang naghahanda ng entablado para sa digma laban sa China sa bahagi ng Asia-Pacific. Buong kabulastugang ibinunyag ni Bierman na inihahanda nito ang teatro ng digma sa Pilipinas at Japan, gaya ng ginawa nilang paghahanda sa Ukraine upang digmain ang Russia. Bago pinaputok ang digmaan sa Ukraine, sinanay ng US ang mga sundalo at mamamayang Ukrainian. Kaya ang nagaganap na digmaan sa Ukraine ngayon ay digma ng US at ng kaniyang kaalyadong imperyalista sa North Atlantic Treaty Organization kontra sa Russia upang agawin ang kayamanan at rekursos ng Ukraine at dominasyon sa ekonomiya sa Eastern Europe.
Ang mga military exercises na isinasagawa ng US ngayon ay bahagi ng Indo-Pacific Military Stategy ng Pentagon o ng US Defense Department upang kulungin at atakehin ang China na nagtutulak din ng kaniyang superyoridad sa Asia sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga pasilitad militar sa West Philippine Sea upang angkinin ang nasabing teritoryo at ang mga natural na rekurso dito. Pilit namang inaagaw ng US ang superyoridad sa militar ng China.
Taliwas sa panlilinlang ni Col. Logico na ang magaganap na pagsasanay militar ay hindi probokasyon, ang magaganap na live fire exercises sa Burgos, Ilocos Norte sa Abril ay malinaw na isa na namang probokasyon ng US laban sa China na naggigiit sa One China Policy o ng soberanya ng Taiwan laban sa dominasyon ng US.
Pinalalakas ng imperyalistang US kapangyarihang militar nito upang patibayin ang kaniyang hegemonya ekonomiya sa Asya-Pasipiko. Ito ang dahilan kung bakit tinipon ni US Pres. Joseph Biden ang 14 na bansa para sa Indo-Pacific Economic Framework for Prosperity noong Disyembre 2022 upang hadlangan ang dominasyon ng imperyalistang China sa negosyo, kalakalan at pagkontrol sa mga rekurso ng nasabing rehiyon.
Ano pang rason ng pakikipagtulungan ng Pilipinas sa US para sa “mutual defense” kontra sa China, gayong parehas namang kaibigan ng rehimeng Marcos ang dalawang imperyalistang bansa? Sa pakikipag-alyado ng rehimeng Marcos sa US para sa “mutual defense,” tinatraydor din lamang nito ang China, kung kaya’t nagiging target din ng atake ng China ang Pilipinas. Ang maliwanag, naiipit ang Pilipinas sa dalawang nag-uumpugang bato – ang parehas na imperyalistang US at China. At ang mas malinaw pa, hindi totoong itinuturing ng US ang Pilipinas bilang masugid na kaibigan, kundi isang piyon sa kaniyang digma upang panatilihin ang kaniyang hegemonya o paghahari sa mundo.
Ang magaganap na live fire exercises sa Bayog, Burgos, Ilocos Norte sa Abril ay mapanganib sa mga komunidad ng mangingisda at magsasaka doon. Humaharap sila sa risgo na matamaan sa live firing sa panahon ng ehersisyo. Sa pagtatakda sa Bayog bilang coastal air defense at operational area sa nasabing Balikatan Exercises, maliwanag na inihahanda nila ito bilang stage area ng imperyalistang digma ng US laban sa China, kung kaya’t hindi malayong mangyayari din dito sa Pilipinas ang nangyayaring digmaan sa Ukraine, at ang Burgos, Ilocos Norte ay magiging war front.
Dati nang kinukundena ng masang Ilokano ang pambabastos ng China sa soberanya ng Pilipinas sa paghahari-harian nito sa West Philippine Sea upang kamkamin ang mga yamang dagat dito na nararapat na magsilbi sa mamamayang Pilipino. Kasabay nito, hindi nila dapat payagan na magamit ang Ilocos bilang stage area ng digma ng US sa China. Ito ay maliwanag na ipinapahamak ng US ang Pilipinas at niyuyurakan nito ang soberanya at teritoryal na integridad nito.
Hinihimok ng NDF-Ilocos ang mamamayang Ilokano na ipaglaban ang kanilang seguridad kontra sa Balikatan Exercises 2023 sa Ilocos Norte. Dapat na makiisa sila sa mamamayang Pilipino sa paglaban sa digmang agresyon at probokasyon ng imperyalistang US sa layunin nitong monopolyohin ng ekonomiya ng mundo. Dapat na makiisa sila sa sambayanang Pilipino sa pakikibaka para sa soberanya, kalayaan at tunay na kapayapaan. #