3 kababaihang aktibista, iligal na inaresto; lider-katutubo, dinukot

,
Ang artikulong ito ay may salin sa Bisaya

Di makatarungang inaresto si Adora Faye de Vera, 66, makata, beteranong aktibistang kontra-diktadura at dating pambansang upisyal ng Gabriela, sa Teachers Village East, Quezon City noong Agosto 24. Ang pag-aresto ay batay sa gawa-gawang kasong isinampa laban sa kanya sa Panay noong 2006. Kasalukuyan siyang nakakulong sa Calinog, Iloilo.

Si De Vera ay simbolo ng brutalidad ng batas militar sa mga kababaihang detenidong pulitikal. Taong 1976 nang dukutin siya, kasabay nina Rolando Federis at Flora Coronacion, ng mga elemento ng estado sa Quezon. Dumanas sila ni Coronacion ng paulit-ulit na panggagahasa. Nakatakas siya matapos ang siyam na buwang iligal na pagbibilanggo. Hindi na kailanman natagpuan sina Federis at Coronacion.

Sa Panay, inaresto ng mga pulis noong Setyembre 2 si Lenilyn Costurio Jaynos, dating guro sa daycare sa Iloilo City at kasapi ng Buylog-Capiz. Sinalakay ang kanyang bahay sa Happy Homes Subdivision, Barangay Sibaguan, Roxas City ng di bababa sa 30 pulis.

Samantala, iniulat din ng grupong magsasaka na Pamanggas ang panghaharas ng militar kay Nanay Lucia Capaducio, kasalukuyang tagapangulo nito, noong Setyembre 3. Pinuntahan ang kanyang bahay sa Leon, Iloilo ng mga pulis.

Sa Agusan del Norte, inaresto si Atheliana Hijos, 76, noong Agosto 30 sa District 8, Barangay Kinabjangan, Nasipit sa hungkag na mga salaysay ng mga sundalo na isa siyang kombatant at sangkot sa mga taktikal na opensiba ng BHB sa Caraga. Si Hijos ay isang retiradong guro at myembrong tagapagtatag ng Women’s Alliance for True Change-Mindanao. Upisyal din siya ng Gabriela-Caraga.

Sa Kalinga, tinangkang sapilitang iwala si Steve Tauli, 63, myembro ng konseho ng Cordillera People’s Alliance (CPA), noong Agosto 21. Dinukot siya sa Ag-a Road, Tabuk City, malapit sa upisina ng CPA, ng limang kalalakihan. Isinakay siya sa isang van kung saan pinagbantaan siyang papatayin kung hindi pumayag na maging ahenteng paniktik ng estado. Natagpuan siya ng kanyang mga kamag-anak sa sumunod na araw.

3 kababaihang aktibista, iligal na inaresto; lider-katutubo, dinukot