Monopolyo sa industriya ng asukal sa ilalim ng batas militar

,
Ang artikulong ito ay may salin sa Bisaya

Ang krisis, kagutuman at malalim na di pagkakapantay-pantay sa Negros ang isa sa iniwang pamana ng diktadurang US-Marcos. Sa ilalim ni Marcos Sr, ibayong itinali ang Negros sa produksyon ng tubo na kanyang kinontrol kasabwat ang kanyang mga kroni para labis na pagkakitaan ang pag-eeksport nito sa US.

Kasabay ng pagbagsak ng presyo ng asukal mula kalagitnaan ng dekada 1970, tumama ang matinding gutom sa Negros na bumiktima ng isang milyong anakpawis. Nagkaroon ng malalang malnutrisyon ang 100,000 bata. Hanggang 1986, may 490 bata ang namatay sa gutom. At naganap ang mga pag-aaklas ng mga anakpawis na sinamahan ng mga demokratiko at relihiyosong sektor na marahas na sinupil ng militar tulad ng naganap na Escalante Masaker noong Setyembre 1985.

Kroniyismo sa industriya

Mariin ang pagtutol ng mga nagtatanim ng tubo at mga manggagawa sa mga asyenda at asukarera sa Negros dahil ayaw nilang maulit ang naranasan nilang gutom noong dekada 1980. Mauugat ito sa ekonomyang nakatali sa pananim na pang-eksport at monopolyong kontrol ng malalaking burges-kumprador tulad ni Roberto Benedicto, na pinalala pa ng absolutong pagkontrol ng diktadurang US-Marcos sa industriya ng asukal.

Nagsimula ang pagdurusa ng mga manggagawa at ng mga taong nakasandig sa industriya ng asukal nang binuo ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr noong 1974 ang Philippine Sugar Commission (Philsucom). Binigyan niya ng monopolyong kapangyarihan ang Philippine Exchange Company, Inc. na pagmamay-ari ng kaibigan niyang si Benedicto, sa pag-eksport ng asukal. Pagkatapos nito ay hinirang niya si Benedicto para mamuno sa Philsucom. Ginamit ni Benedicto ang kanyang pusisyon para ibagsak ang presyo ng binibiling asukal sa lokal na merkado para kumita nang malaki sa pagbenta nito sa US.

Umaabot sa 27% ng kitang dolyar ng gubyerno ay nagmula sa pag-eksport ng asukal pangunahin sa US. Ngunit bumagsak ang importasyon ng US ng asukal sa Pilipinas noong 1974 nang ibaba ng US ang sugar quota o takdang timbang ng inaangkat nitong asukal mula sa Pilipinas. Bumagsak ang presyo nito noong 1977 sa $0.06 kada libra ng asukal mula sa $0.65 kada libra noong 1975. Pagsapit ng 1985, bumagsak pa ito tungong $0.04 kada libra.

Nasira ang mga nakaimbak na asukal sa bansa at natulak ang mga nagtatanim ng tubo na magbawas ng kanilang produksyon. Nawalan ng trabaho ang libu-libong manggagawa sa tubuhan at asukarera. Sa harap ng kalagayang ito, animo’y mga buwitre sina Marcos Sr at Benedicto na tumabo ng limpak-limpak na dolyar habang nagugutom ang kalakhan na nasa produksyon. Noong 1977, itinayo ang National Sugar Trading Corporation (Nasutra) para kontrolin ang kalakalan sa asukal at muli itong ipinailalim kay Benedicto.

Noong 1982 ibinalik ng US ang sugar quota. Pero mas mababa na ito. Halimbawa nasa 1.6 milyong tonelada ang tinatayang produksyon ng asukal sa bansa pero 312,000 tonelada lamang ang sugar quota ng US noong 1984-1985. Nabaon sa utang ang maraming nagtatanim ng tubo, at sa kalaunan, nagsara ang mga asukarera. Mahigit 190,000 manggagawa sa industriya ng asukal ang nawalan ng trabaho noong 1984.

Samantala sa pamamagitan ng Nasutra nagpatuloy ang monopolyong operasyon ni Benedicto. Ang nabibili niyang asukal sa lokal na merkado sa halagang $18.16 kada picul (60 kilo) ay ibinibenta niya ng $63.70 kada picul sa labas ng bansa. Sa taya ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas kumita si Benedicto ng $700 milyon sa unang tatlong taon na operasyon nito. Umaabot naman sa $1.15 bilyon ang dinambong sa industriya ng asukal nina Benedicto at Marcos Sr mula 1975 hanggang 1984.

Pabigat sa industriya ng asukal

Ang kamakailang kaguluhan sa usapin ng itinutulak na pag-aangkat ng 200,000 hanggang 300,000 metriko tonelada ng asukal ay salamin ng lalong pagkasadlak ng industriya ng asukal sa kontrol ng mga burukrata at negosyante. Simula kalagitnaan ng 1990, sa ilalim ng mga patakarang neoliberal, ang lokal na industriya ng asukal ay pabalik-balik na nasasadlak sa krisis bunga ng lumalaking pag-aangkat at ismagling, at manipulasyon ng suplay at presyo nito. Bumabangga ang ganitong patakaran sa mga lokal na nagmamay-ari ng mga sugar mill, bagaman mayroon din silang pakikipagsabwatan sa mga komersyante at ismagler para manipulahin ang presyo sa pamilihan.

Lubhang nababahala ang masa sa Negros dahil ang ekonomya ng islang ito ay nakasandig sa pagtatanim ng tubo. Kung matutuloy ang importasyong ito, babaha sa pamilihan ang imported na asukal at bababa ang presyo ng lokal na asukal. Pinangangambahang kagyat na mawawalan ng trabaho ang 66,000 manggagawa sa mga asukarera, at lubhang maaapektuhan ang aabot sa 700,000 kataong nagtatrabaho sa mga tubuhan, gayundin ang 5-6 na milyon pang di direktang ineempleyo ng industriya ng asukal sa iba’t ibang paraan.

Monopolyo sa industriya ng asukal sa ilalim ng batas militar