Mga deklarasyong “insurgency-free,” daan sa pinatinding abuso

,
Ang artikulong ito ay may salin sa Bisaya

Idineklara ng Armed Forces of the Philippines (AFP) mula nitong Hunyo ang mga prubinsya at syudad ng Davao (Region 11) na “insurgency-free,” at nakatakdang isunod na isama sa listahan ang Davao Oriental. Bago ito, gumawa ng katulad na deklarasyon ang AFP Northern Luzon Command kaugnay ng Ilocos Region.

Ang mga deklarasyong ito’y pagpapatuloy ng hungkag na paghahambog ni Rodrigo Duterte na “dudurugin” ang rebolusyonaryong kilusan. “Nalinis na” rin diumano ang limang prubinsya sa Southern Tagalog, ang Zamboanga del Sur, ilang bayan sa Isabela, at iba pa.

Sa libro ng US ukol sa kontra-insurhensya na siya namang gamit na doktrina ng AFP, rekisito ang mga deklarasyong “insurgency-free” upang maihanda umano ang lugar para sa pag-unlad. Nakapaloob ito sa mga yugto na “clear-hold-consolidate-develop” (CHCD o “linisin-kontrolin-ikonsolida-paunlarin”) sa mga lugar na nilulunsaran ng kampanyang kontra-insurhensya.

Sa nagdaang mga dekada, nagbago-bago ang katawagan ng AFP sa CHCD, na unang ipinatutupad sa antas ng mga barangay. Sa mga “nalinis” na barangay matapos sakupin ng mga pwersang militar, karaniwang nagpapatayo ng isang munting gusali na siyang ituturo ng AFP bilang simbolo ng pag-unlad.

Sa kaso ng Davao, Ilocos at sa iba pa, mas enggrandeng mga proyekto ang nakaumang. Sa tulak ng AFP, nagbuhos ang Regional Development Council ng Davao ng ₱287.6 bilyon ngayong 2022, na ang mas malaking bahagi (67%) ay nakalaan sa mga proyektong imprastruktura. Ang mga ito ang pangunahing nagsisilbi bilang palabigasan ng mga upisyal militar, lokal na naghaharing pangkatin at mga kasosyong negosyante.

Sa isang pag-aaral noong 2020, tinatayang pagsapit ng 2023 ay madaragdagan ng 600,000 ektarya ang lupaing sasakupin ng mga kapitalistang plantasyon sa Mindanao. Maliban pa ito sa isang milyong ektaryang target naman para sa ekspansyon ng taniman ng mga oil palm. Sasaklawin ng mga ito ang lupang kasalukuyang binubungkal ng mga magsasaka at sagradong lupang ninuno ng mga Lumad.

Ayon kay Ka Rosa Guidon ng National Democratic Front-Ilocos, sa kabila ng deklarasyong “nalinis na sa mga rebelde” ang rehiyon, malaking pwersa pa rin ng mga sundalo at pulis ang ibinubuhos sa mga prubinsya ng Ilocos. Nakatuon ang mga operasyong militar sa mga komunidad na apektado at tumututol sa mga mapanirang proyektong minahan, dam at windmill. Ani Ka Rosa, ang mga sundalo at pulis ang tanod sa mga proyektong ito at tagasupil sa pagtutol ng mga residente.

Sa kabila ng mga natuklasang anomalya at kakulangan ng mga papeles at pagtutuos sa hinawakang pondo ng National Task Force (NTF)-Elcac para sa diumano’y “barangay development program” nito, naglaan pa rin ang rehimeng Marcos ng ₱15.6 bilyon para rito sa taong 2023. Liban pa ito sa pondong nakalaan sa ahensya na nakapaloob sa badyet ng iba’t ibang departamento. Pagtitiyak ito sa patuloy na mga kulimbat ng mga heneral at mga upisyal sa darating na taon sa planong itaas pang lalo ang nakalaang pondo ng NTF-Elcac sa mga “nalinis” na barangay.

Sa konteksto ng nagbabagong pigura ng digmang gerilya, hungkag na ideklarang “insurgency-free” ang isang lugar, habang nagpapatuloy ang mga pwersang gerilya sa paglilipat-lipat upang makapagpalapad at makapagpalawak ng pwersa. Ilang ulit na itong ginawa ng AFP at ilang ulit na nilang kinain ang kanilang mga salita.

Ang ganitong mga deklarasyon ay kaakibat ng walang-habas na panggagahis sa masa at pagpapakitang lakas ng militar. Laksang libong indibidwal at pamilya ang dumanas sa kamay ng militar at pulis ng iba’t ibang tipo ng mga abuso, kabilang ang kabi-kabilang kaso ng mga pagpatay. Sa rehiyon ng Davao, umabot sa 1,500 biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao sa loob pa lamang ng nakalipas na dalawang taon.

Hatid ng mga deklarasyon ng AFP ang “kaunlaran” para sa mga panginoong maylupa, dambuhalang negosyo, malalaking pulitiko at militar ang mga proyektong nabanggit. Pero sa mga magsasaka at katutubo, katumbas ito ng pang-aagaw ng lupa at pagkawala ng kanilang kabuhayan at identidad.

Mga deklarasyong “insurgency-free,” daan sa pinatinding abuso