Hindi mabubura ang rebolusyon sa Davao Occidental
Idineklara ng 10th ID ng Armed Forces of the Philippines bilang “insurgency free” o “ligtas na” sa insurhensya ang Davao Occidental noong Agosto 18. Ipinagdiwang ito ng militar, kasama ang mga warlord at dinastiyang pulitikal na naghahari-harian sa lalawigan at mga kakunsabo nilang mga panginoong maylupa at burgesya. Gayunpaman, hindi nito mapapatay ang diwang mapanlaban ng mamamayan sa lugar.
Dali-dali ang deklarasyon ng militar at ng lokal na naghaharing uri. Ito ay dahil takot na takot sila sa demokratikong kilusan ng mamamayan at sa umiiral na rebolusyonaryong kapangyarihan sa kanayunan. Bago ang deklarasyon, isinagawa nila ang malawakang militarisasyon sa mga komunidad ng Lumad at pamamaslang sa mga sibilyan. Pinagbibintangan nilang konektado o sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan ang mga nangahas lumaban para bigyan-katwiran ang kanilang pandarahas.
Engklabo ng kahirapan
May kabuuang lawak na 216,345 ektarya ang Davao Occidental. Matatagpuan ito sa timog silangang dulo ng Mindanao. Sa mga baybayin at malawak na kabundukan nito naninirahan ang malaking populasyon ng mga mamamayang minorya na mga Lumad na B’laan, Tagakaulo at Sarangani Monobo, mga Moro, ilang grupo ng mga Marure at Sangir (mga tribong malaon nang dumayo mula sa Indonesia) at marami-raming mga setler.
Kabilang ang prubinsya sa mga lugar na may pinakamaraming pamilyang mahirap. Mayorya sa mamamayan nito ay mga magsasakang walang sariling lupa at mga mangingisda. Niyog ang pangunahing produkto dito, pero malaki-laki rin ang palay, mais at kape. Kontrolado ang lupa at produksyon ng ilang mayayamang angkan.
Pangunahing suliranin ng maliliit na magsasaka ang mababang produktibidad at napakaliit na kita. Bukod dito, walang maayos na sistema ng transportasyon sa maraming barangay. Dahil dito ay dumarami ang mga sakahan na inabandona at nakatiwangwang. Samantala, ang mga manggagawang bukid dito ang may pinakamababang sahod sa buong rehiyon, bagamat may ilang lugar na unti-unting napataas sa nakaraan dulot ng isinagawang mga aksyong masa.
Palala nang palala ang suliranin sa lupa ng mga magsasaka at Lumad sa prubinsya. Sa Malita, patuloy ang pagpapalawak ng mga negosyo ng San Miguel Corporation sa kabila ng pagtutol ng mga apektadong residente at mga grupong pangkalikasan. Noong 2016 ay naging usapin ang panloloko ng kumpanya para maaprubahan ang pagtatayo ng coal fired power plant at proyektong industrial park nito na sasaklaw sa libu-libong ektarya at nagpalayas sa maraming magsasaka at mangingisda.
Nakatakda ring pasukin ng mga dayuhang pagmimina ang iba’t ibang dako ng prubinsya. Sa kabuuan, aabot sa 77,861.56 ektarya ang masasaklaw ng magkahiwalay na konsesyon ng pitong banyagang kumpanya. Sasaklawin nito ang mga lupang ninuno ng mga Lumad.
Inaasahan ng lokal na pamahalaan ang pag-unlad ng turismo at pagpasok ng mga plantasyong agribisnes dahil sa patuloy na pag-aayos sa mga mayor na kalsada sa prubinsya. Palalayasin ng mga proyektong ito ang mga magsasaka at sisirain ang kalikasan.
Pinaghaharian ng mga warlord-pulitiko
Taong 2012 nang isabatas ang paglikha sa lalawigan ng Davao Occidental mula sa teritoryo ng Davao del Sur bilang akomodasyon ng despotikong pangkating Bautista at Joyce. Pinaghaharian ng dalawang pamilyang ito, na parehong kriminal at warlord, ang prubinsya. Gumagamit sila ng armadong dahas para panatilihin ang kanilang dominasyon at patahimikin ang mga sibilyang sumasalungat at mga kaaway nila sa pulitika. Sa kanilang pamamalakad ay dumaranas ng matinding pang-aapi at malawakang inhustisya ang mga magsasaka at minoryang mamamayan. Patakaran nila ang arbitraryong pagpaparusa sa mga sibilyang nagkamali o nagkasala.
Isa sa pinakamalaking dinastiyang nasa kapangyarihan ang mga Bautista ng prubinsya. Nakaupo ang siyam na myembro ng pamilyang ito sa susing mga pwesto sa burukrasya sa ngayon. Kapamilya nila ang gubernador, bise gubernador, representante ng nag-iisang distrito, myembro ng sangguniang panlalawigan, dalawang meyor, isang bise alkalde, isang konsehal at representante ng partylist. Samantala sa Jose Abad Santos, ang mag-amang Joyce ang umuupong meyor (anak) at bise alkalde (ama), isang anak ang naging konsehal, at isa ang kapitan ng barangay.
Kilala ang amang Bautista Sr bilang mahigpit na alyado ng diktador na si Marcos Sr sa mga dekada 1960 hanggang 1970. Siya ang namahala sa pagpasok ng mga negosyo ni Cojuangco sa Davao del Sur. Ang patriarka naman ng mga Joyce na si John Joyce ang naging kauna-unahang meyor ng Jose Abad Santos (dating Trinidad). Ang pamamahala ng mga Joyce ay lantarang kabangisan at pagpapakayaman sa kapangyarihan habang ang kanilang nasasakupan ay nagdurusa sa labis na kahirapan at inhustisya.
Kasabwat ng mga pamilyang Joyce ang pulis at militar sa mga krimen at mga sindikatong gawain nilang pasugal at pagpupuslit ng mga droga at mga kontrabando.