Industriya ng asin, pinatay ng neoliberalismo

,
Ang artikulong ito ay may salin sa Bisaya

Matapos ang tatlong dekadang papabor sa todo-todong importasyon ng asin, inirereklamo ngayon ng mga negosyante at pulitiko ang napipintong kasalatan at sumisirit na presyo nito sa pamilihan. Mula ₱12 noong 2018, nasa ₱29 kada kilo na ngayon ang iodized na asin. Ikinababahala rin nila ang di istableng suplay ng produkto, laluna matapos tumingkad sa panahon ng pandemya ang bulnerabilidad ng pagsalalay sa importasyon.

Nakahihiya umano na nag-aangkat ng asin ang isang bansang pinaliligiran ng dagat, ayon sa isang senador. Inaangkat ng bansa ang 93% (550,000 metriko tonelada) pangangailangan nito ng asin, ayon sa mga estadistika ng estado. Ang hindi nababanggit ng naturang senador, halos tatlong dekada nang wasak ang lokal na industriya ng asin sa Pilipinas. Pinatay ito ng serye ng mga hakbanging neoliberal at walang sagkang importasyon.

Ginagamit ang asin sa pagluluto at sa pagpreserba ng maraming pagkain. Ginagamit din ito sa pagmamanupaktura ng pagkain at gamot, paggawa ng asero, tela, papel at kahit ng bala, at bilang pagkain ng hayop at pataba.


Pagpatay sa lokal na produksyon

Dating buong sinusuplay ng lokal na mga mag-aasin ang pangangailangan ng bansa. Dekada 1940 nang unang nailatag ang mga komersyal na mga asinan, pangunahin sa mga baybay ng Bulacan, kung saan nagmumula noon ang 45% ng lokal na pangangailangan. Ang iba pang malalaking asinan ay nasa Pangasinan, Mindoro, Las Piñas at Cavite. May espesyal naman na mga pagawaan ng asin sa Zamboanga, Bohol at Negros.

Nabaligtad ito noong dekada 1990 nang ipinagbawal ng noo’y rehimeng Ramos ang pagbebenta ng asin na hindi “iodized” sa ngalan ng pag-apula sa kunwa’y malawakang kakulangan ng iodine sa dyeta ng mga Pilipino. Isinisi ng estado ang pagbagsak ng industriya sa pagiging atrasado ng produksyon ng mga asinan. Pero ang totoo, nalunod ang mga mag-aasin sa pagbaha ng murang asin mula sa ibang bansa.

Sa halip na paunlarin ang kapasidad ng mga lokal na prodyuser sa pagrepina at pagdagdag ng iodine sa kanilang asin, ibinuyangyang ng rehimeng Ramos ang industriya sa walang sagkang importasyon. Alinsunod ito sa pinirmahan niyang General Agreement on Tariffs and Trade at pagpasok ng bansa sa World Trade Organization noong 1994. Para higit pang paboran ang importasyon, ginawang iligal ang pagbebentang di iodized o lokal na asin.

Bumagsak ang kita ng mag-aasin nang bumaling ang mga komersyante sa murang inangkat na asin. Mula sa ₱100 kada kaban noong dekada 1990, binibili na lamang ng mga komersyante ang lokal na asin sa halagang ₱35 kada kaban noong 2003. Nagresulta ito sa pagkalugi ng mga lokal na gumagawa ng asin. Sa Bulacan, napilitang magsara ang 32 sa 52 mga asinan mula dekada 1990 hanggang maagang bahagi ng 2000. Lalo pang lumiit ang saklaw nang mga asinan nang umarangkada ang reklamasyon sa Manila Bay. Kasabay ng mga pagsasara ang pagkawala ng trabaho ng daan-daang mga manggagawa sa mga asinan.

Pagsapit ng 2010, nasa 150,000 metriko tonelada o 28% na lamang ng pangangailangan ng bansa ang pinoprodyus ng mga asinan. Nitong 2022, 7% na lamang ng suplay ng asin ang lokal. Ang kalakhan ay iniimport mula sa Australia at China.

Industriya ng asin, pinatay ng neoliberalismo