Mga mandamyentong ginamit laban sa 30 detenido, ibinasura ng korte

,
Ang artikulong ito ay may salin sa Bisaya

Di bababa sa anim na huwad na search at arrest warrant na ginamit laban sa 30 aktibista ang isa-isang ibinasura ng mga korte simula Enero 2021. Ang mga mandamyento ay pawang pirmado ni Judge Cecilyn Burgos-Villavert, ang tinaguriang “pabrika ng search warrant,” at batay sa gawa-gawang mga salaysay ng militar at pulis. Sa naturang anim na kaso, ibinasura na rin ng mga korte ang lahat ng mga “ebidensya” na itinanim ng mga pulis sa mga inaresto at ipinawalang-saysay ang mga kaso laban sa kanila.

Pinakahuli ang pagbabasura noong Setyembre 5 sa mandamyentong ginamit laban kay Reina Mae Nasino at dalawa pa niyang kasamahan na sina Ram Carlo Bautista at Alma Moran. Maaalalang ipinanganak ni Nasino sa kulungan si Baby River, na namatay noong Oktubre 2020 matapos ihiwalay sa kanya. Ilang oras lamang ang ibinigay ng estado kay Nasino para mabisita ang burol ng kanyang anak.

Bago nito, ipinawalambisa noong Agosto 3 ang mandamyentong ginamit laban kay Renante Gamara, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa usapang pangkapayapaan. Noong Abril 2022, ipinawalambisa rin ang mga search warrant na ginamit laban kina Alexander Birondo at Winona Birondo, mga istap ng NDFP. Saklaw ng iba pang mandamyentong ibinasura sina Dennise Velasco, Cora Agovida, Michael Bartolome, Lady Ann Salem at Rodrigo Esparago.

Pansamantalang nakalaya naman matapos magpyansa noong Agosto 31 si Pol Viuya, pinuno ng Bayan-Central Luzon, matapos ibasura ng korte ang “di kapani-paniwalang” salaysay ng saksi. Inaresto siya kasama si Joseph Canlas, pangalawang pinuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas noong Marso 2021. Namatay sa kulungan si Canlas noong Mayo 2021.

Mga mandamyentong ginamit laban sa 30 detenido, ibinasura ng korte