Itigil ang pagtatayo ng mga megadam sa Sierra Madre

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Tumingkad ang panawagang Save Sierra Madre o Iligtas ang Sierra Madre, isang araw matapos salantahin ng superbagyong Karding ang mga prubinsya ng Cagayan, Central Luzon at Southern Tagalog noong Setyembre 25. Nagkataong ang araw na ito (Setyembre 26) ang siya ring Araw ng Save Sierra Madre na unang idineklara noong 2012. Krusyal ang papel ng Sierra Madre sa pagsalag ng malalakas na bagyo at sakunang dulot ng pagbaha, malalakas na hangin at ulan sa mamamayan at sakahan sa Luzon.

Tinaguriang “gulugod ng Luzon” ang Sierra Madre, ang pinakahabang kabundukan (680 kilometro) sa Pilipinas. Tumatagos ito sa 10 prubinsya sa tatlong rehiyon. Mayaman ito sa rekursong gubat. Tahanan ito ng 808 klase ng mga hayop, kung saan kalahati ay nabubuhay lamang sa bansa. Marami dito ang malapit nang mawala. Sinasabing matatagpuan dito ang pinakamalaking natitirang lumang kagubatan. Itinuturing itong isa sa pinaka-biodiverse na lugar sa buong bansa.

Gayunpaman, sa harap ng halos 10 taon nang ginugunita ang Araw ng Siera Madre, walang tigil ang pamiminsala ng kabundukang ito. Sa kabila ng di mapasusubaliang kahalagahan nito, patuloy ang reaksyunaryong estado sa pagpapahintulot sa mapangwasak na imprastruktura na sumisira rito. Kabilang dito ang ipinipilit na pagtatayo ng mga dam, sa kabila ng pagtutol ng mga naninirahan sa kabundukan.

Apat na dam

Sa nakaraang mga dekada, samutsaring proyektong megadam ang ipinipilit na itayo sa Sierra Madre – ang Laiban, Kaliwa-Kanan at ngayon ang Ahunan. Pinakamalaki sa mga ito ang Laiban Dam na itatayo sana sa Kaliwa River sa Barangay Laiban, Tanay, Rizal. Nakatakda itong magpalayas ng 11,000 pamilya sa sasaklawin nitong 28,000 ektaryang watershed area at 2,239 reservoir area.

Pinalitan ang Laiban ng planong Kaliwa dam sa Kaliwa River sa Barangay Pagsangahan, General Nakar, Quezon. Ilulubog nito sa tubig ang 9,700 ektaryang protektadong kagubatan na lupang ninuno at palalayasin ang 1,465 pamilya ng katutubong Dumagat-Remontado. Bahagi ito sa kabuuang disenyo ng pagtatayo ng siyam na dam sa iba’t ibang bahagi ng magkakarugtong na ilog Kaliwa, Kanan at Agos. Sa kabuuan, tinatayang maapektuhan ng buong proyekto ang 11 barangay at 39 katutubong komunidad. Ayon sa mga grupong katutubo, inuna ng gubyerno ang pagtatayo ng Kaliwa dam dahil dito “pinakamahina” ang pagtutol noong 2015.

Pinakahuli sa mga proyektong dam ang Ahunan hydropower dam ng kumpanyang Prime Metro Power Holdings Corp. ng burgesyang si Enrique Razon. Una itong inilako noong Setyembre 2021 at nagkaroon na bwelo nitong Agosto. Itatayo ang dam na ito sa 300 ektaryang kagubatan sa Pakil, Laguna at kukuha ng tubig sa Laguna de Bay. Ilulubog nito ang maliliit na ilog, batis at talon na pinagkukunan ng tubig ng 20,000 mamamayan sa lugar. Palalayasin nito ang 12,000 residente sa kanilang mga lupa.

 

Mariing pagtutol

Napaatras ng mga katutubong Dumagat-Remontado at grupong maka-kalikasan ang pagtatayo ng Laiban Dam noong 2009. Pero noong 2019, inilusot ng noo’y rehimeng Duterte ang pagtatayo ng pamalit na Kaliwa dam at iginawad ang kontrata sa mga kumpanyang Chinese, kapalit ng milyun-milyong dolyar na utang mula sa China. Tinaguriang New Centennial Water Source ang proyekto na sinasabing magsusuplay ng tubig sa Metro Manila. Noong maagang bahagi ng 2022, sinubukang manipulahin ng rehimen ang pagbibigay-sang-ayon ng mga komunidad ng Dumagat-Remontado sa isang pekeng konsultasyon.

Pinatunayan ng mismong assessment report na kinumisyon ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System noong 2019 ang malalaking pinsalang idudulot ng Kaliwa Dam sa kabundukan ng Sierra Madre. Wawasakin nito ang lupang ninuno ng mga Dumagat-Remontado na may 12 na lugar na itinuturing na sagrado. Maapektuhan ng proyekto ang inuming tubig at irigasyon sa Infanta, na nakaasa sa Agos River. Sa panahon ng mga bagyo, at kakailanganing magpalabas ng tubig, ilulubog nito ang mga baryo at komunidad na nasa paanan ng kabundukan.

Malawak din ang pagtutol sa Ahunan dam. Mapanganib ito, ayon sa mga grupong makakalikasan dahil itatayo ito sa lugar na may tatlong fault line (sanhi ng mga lindol). Kahit wala pa itong permit, nagsimula na ang kumpanya ng pagbubutas ng lupa. Tulad sa kaso ng paglaban sa Kaliwa Dam, panggigipit at intimidasyon ang sagot ng estado sa mga residente at grupong tumututol.

Itigil ang pagtatayo ng mga megadam sa Sierra Madre