Lehitimo sa digma ang pagparusa sa mga espiya at paramilitar

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisaya

Sa bigong kaso na bansagang “terorista” ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB), inihapag ng Department of Justice (DOJ) bilang ebidensya ang siyam na insidente para ipadeklarang “terorista” ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan. Ibinasura ito ng korte at sinabing hindi sapat ang mga kaso para patunayan ang paratang ng “terorismo.” Bilang dagdag na paglilinaw at pagpapalalim sa pag-unawa sa kasalukuyang umiiral na digma sa bansa, inihahapag sa ibaba ang dagdag na detalye sa lima sa mga insidenteng ito, habang patuloy na nagtitipon ng impormasyon kaugnay sa iba pa.

Taliwas sa pinalalabas ng DOJ na “sibilyang biktima,” pawang mga lehitimong target militar sina Bandi Astudillo at Zaldy Ibañez, gayundin sina Jomar Bocales, Alberto de la Peña at Artemio Moldez, at si Ryan Badiang. Bahagi sila ng mga grupong paramilitar tulad ng Bagani at Magahat na sagadsaring kontra-mamamayan at kontra-rebolusyonaryo, ang tatlo’y bahagi ng CAFGU, at pawang aktibo sa mga operasyong kombat, paniniktik at saywar ng AFP.

Sa kaso ni Bocales at dalawa niyang kasamang CAFGU, nakipagpalitan sila ng putok at naggapi sa ambus ng BHB. Bukod sa pagiging lehitimong mga target, may indibidwal na krimen sa digma ang lima. Lahat sila’y sangkot sa pamamaslang, panggigipit at intimidasyon sa mga sibilyang pinaghihinalaang sumusuporta sa BHB. Pasimuno rin sila sa pwersahang pagpapa-CAFGU at iba pang paglabag sa mga karapatan ng kanilang kapwa Lumad at kababaryo.

Sa kaso ni Bocales, isinagawa ng kanyang grupo ang karumal-dumal na Lianga Massacre noong Setyembre 1, 2015 kung saan pinatay si Emerito Samarca, Executive Director ng paaralan ng komunidad na Alcadev, Datu Bello Sinzo at Dionel Campos, mga lider ng grupong MAPASU. Napakarami pang ibang krimen ang mga tauhan ng Magahat, na naghahari-harian sa mga komunidad ng Lumad, sa basbas ng AFP.

Dagdag sa kanilang mga krimen ang pangingikil, korapsyon ng pondo, pang-aagaw ng lupa, pagpapalayas sa mga magsasaka, at iba pa. Sa kaso ni Bandi, naharap siya ng kasong panggagahasa sa sariling apo, at tangkang panggagahasa sa kanyang pamangkin.

Sa mga kasong inihapag ng DOJ, si Eli Apacible, isang guro, ang maituturing na sibilyan. Sa kasamaang palad, nakasuot siya ng sumbrerong pangmilitar at nakahalo siya sa mga sundalo nang maglunsad ng operasyong haras ang isang tim ng BHB laban sa mga sundalo na umookupa sa isang paaralan noong panahong iyon. Kinilala ng nag-operasyong yunit ng BHB ang kamalian sa kabiguang tukuyin ang presensya ng isang hindi sundalo sa grupo ng militar.

Kailangan naman ng isakonteksto ang kaso ng “pagdukot sa pitong sibilyan,” kabilang ang isang Ryan Badiang. Lehitimong target si Badiang, isang dating kasapi ng CAFGU, na aktibong espiya at aset ng AFP sa kanyang komunidad. Liban sa kanya, agad na pinauwi ng yunit ng BHB ang anim na iba pang residente sa lugar. Kabilang sa pinakawalan ang 15-anyos na elemento ng CAFGU na si “Batik” sa dahilang isa siyang menor de edad.

Walang katotohanan ang sinabing pinugutan ng ulo si Badiang. Hindi agad kinuha ng mga kasamahan niya sa CAFGU at AFP ang kanyang bangkay, kahit pa kagyat na ipinagbigay-alam sa pamilya kung saan ito matatagpuan. Umabot pa ng lampas isang linggo bago nila kunin ang katawan, na nasa abanteng yugto na ng dekomposisyon.

Ang lahat ng aksyong ito ay sang-ayon sa Declaration of Undertaking to Apply the Geneva Conventions of 1949 at Protocol I of 1977 inilabas ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) noong 1996.

Tumatalima ang BHB sa deklarasyong ito sa pagkokondukta ng mga pag-atake nito laban sa armadong kalaban para protektahan ang sibilyang populasyon at tiyakin ang karapatan ng mga hors de combat.

Sa naunang deklarasyong binanggit sa itaas, tinukoy ng NDFP ang mga yunit, personel at pasilidad ng AFP, ng Philippine National Police, pwersang paramilitar at kanilang personel sa paniktik bilang lehitimong mga target ng pag-atakeng militar ng BHB.

(Para sa dagdag na detalye, basahin ang artikulong “Dagdag na mga punto kaugnay sa husga ng korte laban sa teroristang bansag kontra sa PKP/BHB,” Oktubre 1, 2022 sa philippinerevolution.nu).

Lehitimo sa digma ang pagparusa sa mga espiya at paramilitar