Malalagim na alaala ng batas militar sa Southern Tagalog

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Wala pang 10 taong gulang si Filom (di tunay na pangalan) noong nasaksihan niyang binubugbog ng mga tauhan ng Philippine Constabulary (PC) ang kanyang lolo sa kanilang bukid sa Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro. Ang dahilan—may dalang mahabang itak ang kanyang lolo.

“Sobra talaga ang higpit noon na kahit nga papuntang bayan, bawal magdala ng itak, binabali,” kwento ni Filom, isang katutubong Mang-yan, habang inaalala ang lagim ng batas militar sa Southern Tagalog. “E, hindi mo pwedeng ihiwalay ang itak sa aming mga Mangyan!”

Bukod pa rito, naranasan din nina Filom na pigilan ng mga elemento ng PC na pumunta sa kanilang kaingin sa hinalang makikipagkita ang mga katutubo sa mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Sa baryo nila, may mga tinortyur at labis na pinahirapang mga Mangyan-Hanunuo dahil pinaratangan silang nakikipag-ugnayan sa BHB. Dalawa sa mga naging biktima ay sina Aloy at Nomes, kabilang sa Amà o matatanda at namumuno sa kanilang tribo. Ibinahagi nila na hindi lamang panggigipit ang naranasan ng mga Mangyan sa kamay ng mga PC, kundi pati pambabastos at pagyurak sa kanilang kultura at paniniwala. Ginagalugad ng mga nag-ooperasyong militar ang mga bundok at nilalapastangan ang mga sagrado nilang lugar. Binungkal ng PC ang libingan ng mga katutubo at ikinalat ang mga buto ng kanilang mga ninuno dahil sa “paghahanap ng mga itinagong baril ng BHB.”

Samantala, sa hangganang Southern Quezon at Bicol, ipinakat ang pitong batalyon ng Philippine Army, dalawang batalyon ng PC at isang Marine Battalion Landing Team sa mga taong iyon. May suportang panghimpapawid ang bawat batalyon at katuwang nila ang Philippine Army Light Armory sa mga operasyong paghanap at paglipol. Isinalaysay ni Homer, isang magsasakang personal na nakasaksi sa pagkontrol ng mga PC sa pagbili ng pagkain ng mga residente. Inoobliga rin silang pumirma sa logbook sa tuwing pupunta ng bukid.

Ang mga lugar na may pinaghihinalaang yunit ng BHB ay inooperasyon nang may laking brigadang pwersa militar na sinasabayan ng istraping at pambobomba mula sa ere. Noong Abril 1974, isang buwang namalagi ang 800-900 tropang militar sa Barangay San Antonio, Kalayaan, Laguna at mga karatig nito.

Hindi sapat ang indemnipikasyon

Nakatanggap si Tatay Andy ng ₱75,000 na indemnipikasyon batay sa paborableng desisyon ng Hawaii Court laban sa mga Marcos bilang isa sa mga biktima ng kalupitan ng batas militar. Subalit hindi nito kailanman napawi ang mapait niyang karanasan. Sa kanilang sityo sa Barangay Quipot, San Juan, Batangas, apat lamang ang ginawaran ng indemnipikasyon samantalang nilasap ng buong baryo ang hagupit at bangis ng batas militar.

Pinaratangan si Tatay Andy noong dekada 1980 na may kaugnayan sa BHB. Dinukot siya sa kanyang bahay at tinortyur ng mga berdugo sa kampo sa Barangay Castillo, San Juan. Inihiga siya at nilagyan ng bimpo sa mukha. Binuhusan siya ng tubig na may sabon na pumasok sa kanyang ilong at bibig.

Dumanas din ang mga taga Barangay Quipot ng ilang beses na pagpapatawag sa kampo ng militar. May kasamang tortyur ang mga ginagawang imbestigasyon kung saan pinalalakad sila nang nakaluhod sa batuhan paikot sa labas ng kampo habang ang iba ay ibinabaon hanggang leeg. Nagpakana rin ng iba’t ibang kahayupan ang PC para buwagin ang pagkakaisa ng mga residente at mga pamilya sa pamamagitan ng paghahanay ng mag-aama at pinagbubuno sa isa’t isa. Ibinibitin ang mga ama at ipinapasuntok sa anak na parang punching bag. Kapag hindi sumunod ang anak, siya ang susuntukin ng PC.

Higit na masakit para sa mga taga-Quipot na matapos ang batas militar ay na-“promote” pa ang mga pasimuno ng mga karahasan at pagpapahirap sa kanila.

Ayon kay Filom, “Nakagagalit at nakakapagngitngit na isa na namang Marcos ang nakaupong pangulo ng bansa lalo’t walang pagsisisi at pagkilala ang pamilyang ito ng diktador sa mga krimen ng kanilang angkan lalo sa panahon ng batas militar.”

Nagpapatuloy ang pakikibaka ng buong bayan para singilin at papanagutin ang pamilya Marcos at mga alipures nila sa kanilang mga krimen sa bayan. Malaking hamon ito sa ilalim ng isang Marcos sa Malacañang at sa gitna ng pagpapakana ng mga itong sistematikong rebisahin at baluktutin ang kasaysayan at itanghal ang malagim na yugto ng kasaysayan bilang siyang pinakamaningning na naganap sa bayang Pilipinas.

Paalala ni Tatay Andy, “Dapat patuloy na ibahagi ang karanasan kung gaano nagdusa ang mamamayan sa panahon ng martial law, lalo sa mga bagong henerasyon ng kabataan. Magsilbing paalala at hamon ang aming mga karanasan para hindi na payagang maulit ang lagim ng martial law.”

Malalagim na alaala ng batas militar sa Southern Tagalog