Sumasadsad ang ekonomya kasabay ng paghina ng piso kontra dolyar

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Sa nagdaang mga linggo, halos araw-araw bumabagsak ang halaga ng piso kontra sa dolyar sa pinakamababa sa kasaysayan. Simula sa pagbubukas ng taon, dumausdos nang di bababa sa 15% ang halaga ng piso mula ₱50.9 tungong ₱58.9 kontra sa dolyar. Tinatayang ibayong dadausdos pa ito sa pagitan ng ₱65 at ₱70 bago magtapos ang taon.

Ang pagsadsad ng halaga ng piso ay kaakibat ng paghina ng iba’t ibang salapi sa mundo bunsod ng tulak ng gubyerno ng US na itaas ang halaga ng dolyar. Pakay ng US na isalba ang ekonomya nito mula sa istagplasyon (mataas na implasyon sa gitna ng ekonomyang matumal). Nanganganib na sumadsad sa resesyon ang US at iba pang bansang kapitalista.

Tulad sa iba pang atrasadong bansa, malubha ang epekto sa lokal na ekonomya at kabuhayan ng mga Pilipino ng pagsadsad ng piso. Kakumbina ang nagtataasang presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang mga bilihin, at ang lumalaking pagsalalay sa imported na suplay ng pagkain, ang debalwasyon ng piso ay nagbubunsod ng lalong mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa. Sa ibayong pagdausdos ng piso, hinaharap ng mga Pilipino ang banta ng pagsirit ng presyo ng pagkain, produktong petrolyo, gayundin ng iba pang batayang bilihin sa darating na mga buwan.

Nagresulta ang tumataas na presyo ng inaangkat na petrolyo sa mabilis na paglaki ng depisito sa kalakalan ng bansa, kung saan ang 7-buwang (Enero-Hulyo) disbalanse ay umabot na nang $35.75 bilyon, higit 45% na mas mataas kaysa $24.6 bilyong depisito sa kalakalan sa buong 2021. Ang lumalaking agwat na ito ay magpapalubha ng krisis sa ekonomya, laluna sa paghina ng halaga ng piso. Ang depisito sa balanse ng bayaran o balance of payment ng bansa sa unang hati ng taon ay pumalo sa $3.1 bilyon, 63.1% mas mataas kumpara sa parehong panahon noong nakaraan taon. Anim na buwan nang tuluy-tuloy na bumababa ang reserbang dolyar ng bansa tungong $99 bilyon, pinakamababa sa nagdaang dalawang taon.

Ang negatibong epekto ng paghina ng halaga ng piso ay nagpapatingkad sa labis na pagsalalay ng bansa sa mga imported na bilihin, laluna ng mga produktong kapital, o mga kagamitan sa produksyon, pati na mga manupaktura, produktong konsyumer, at ngayon pati sa suplay ng pagkain. Bunsod ng pagkawasak ng lokal na produktibong pwersa sa nagdaang 40 taon, halos lahat na’y inaangkat ng bansa (kabilang ang asin), kaya bulnerable ang bansa sa paghina ng halaga ng pera. Nananatiling atrasado, agraryo at hindi industriyalisado ang produksyon sa bansa sa kalakhan. Limitado ang pagmamanupaktura sa pag-asembol ng mga pyesang inaangkat (kabilang ang mga semikonduktor), kung saan ang demand para rito ay bumulusok.

Walang plano ang rehimeng Marcos at kanyang mga tagamapahala sa ekonomya na wakasan ang labis na pagsalalay ng bansa sa imported na mga bilihin. Imbes na tugunan ang pangangailangang itaas ang kakayahan ng bansa na mag-prodyus ng pagkain at iba pang manupaktura, nais lang nitong panatilihin ang pagiging palaasa ng bansa sa import, dayuhang pamumuhunan at dayuhang pangungutang.”

Sumasadsad ang ekonomya kasabay ng paghina ng piso kontra dolyar