Ika-50 anibersaryo ng batas militar, ginunita

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisaya

Serye ng mga pagtitipon, pag-aaral, pangkulturang pagtatanghal, protesta at iba pang aktibidad ang inilunsad ng iba’t ibang mga grupo bilang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar sa buong bansa at sa ibayong dagat.

Ilang libo ang dumalo sa pangkulturang pagtitipon sa University of the Philippines (UP)-Diliman sa Quezon City noong Setyembre 21. Sinariwa ng mga talumpati at pagtatanghal sa pagtitipon na ito ang paglaban ng mga beterano ng kontra-diktadurang pakikibaka at ang nagpapatuloy na pagtindig ng mga kabataan at mamamayan laban sa pasistang panunupil ng estado. Bago ang naturang pagtitipon sa UP, naglunsad ng rali ang mga progresibo sa Mendiola sa Maynila at iba pang bahagi ng pambansang kabisera.

Kasabay na inilunsad ang mga protesta sa Baguio, Naga, Cebu, Iloilo, Bacolod, at Davao. Pinamunuan ang mga pagkilos ng mga lokal na balangay ng Bagong Alyansang Makabayan. Nakiisa rin ang maraming estudyante sa araw ng paggunita sa pagsusuot ng itim na damit.

Bago ang Setyembre 21, inilunsad ng mga guro at akademiko ang inisyatibang “lakbay-aral” kung saan dinala nila ang kanilang mga estudyante sa mga makasaysayang lugar sa Metro Manila na may kaugnayan sa kontra-diktadurang pakikibaka. Naglunsad din ang ilang grupo ng dula kaugnay ng Escalante Massacre na naganap sa ilalim ng rehimeng Marcos I. Ang iba naman ay naglunsad ng malawakang pagdidikit at pagsasabit ng mga balatengga na may panawagang kontra batas militar. Ginunita ng maraming grupo ang anibersaryo sa iba’t ibang malikhaing paraan.

Sa ibayong-dagat, naglunsad ng mga protesta at aktibidad ang mga Pilipinong migrante sa Hongkong, Germany, US, Canada at Australia.

Marcos Jr, pinutakte ng protesta

Kasabay ng paggunita ng mga aktibistang Pilipino sa US sa ika-50 anibersaryo ng batas militar, araw-araw silang naprotesta laban kay Ferdinand Marcos Jr nang bumisita siya sa US mula Setyembre 18 hanggang 23 para dumalo sa United Nations General Assembly (UNGA).

Pagdating pa lamang US noong Setyembre 18, sinalubong na si Marcos ng protesta ng mga migranteng Pilipino sa labas ng New Jersey Performing Arts Center. Noong Setyembre 19, inabangan rin ng mga nagprotesta si Marcos sa harap ng New York Stock Exchange kung saan nakatakda siyang makipagpulong sa mga lider ng ibang bansa.

Nagdaos din ng serye ng aksyong protesta mula Setyembre 20 hanggang 23 sa New York City sa pagbukas ng UNGA at sa paggunita ng ika-50 anibersaryo ng batas militar. Noong Setyembre 23, nasa hedkwarters naman sila ng Asia Society New York para abangan ang pagdalo ni Marcos sa isang dayalogo. Tatlo ang inaresto sa protestang ito.

Ika-50 anibersaryo ng batas militar, ginunita