Koresponsal Kalunus-lunos na kalagayan ng mga rubber tapper sa Bukidnon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Sa taya ni Leo, isang magsasaka sa Bukidnon, nasa ₱208 ang pinakamininum na kailangan ng kanyang pamilya para makatawid sila sa gutom sa araw-araw. Lubhang napakababa na nga (nasa ₱1,119 ang nakabubuhay na sahod), kulang na kulang pa rin ang ₱69-₱173 kada araw niyang kita bilang tagakulekta ng goma sa isang plantasyon. Malayong hindi ito nakasasapat para itaguyod ang tatlo niyang anak na nag-aaral sa elementarya.

Walang sariling lupa si Leo kaya napilitan siyang magtrabaho sa mga taniman ng goma sa kanilang lugar. Siya ang tapper sa 2-ektaryang lupang mayroong 600 puno. Mahigit 20 taon na siyang nagtatrabaho rito. Kada buwan, nakabebenta siya ng 500 kilo ng hilaw na goma sa halagang ₱26 kada kilo. Sa ₱13,000 kinikita, ₱5,200 lamang ang mapupunta sa kanya dahil 60-40 ang hatian nila ng may-ari ng lupa.

Mas masahol ang sinasapit ni Leo tuwing tag-ulan dahil hindi namumuo ang kinukulektang goma kapag nabasa ito at hindi naibebenta. Sa ganitong kalagayan, halos kalahati lamang ang kanyang kinikita. Ibig sabihin, ₱2,600 lamang ang kinikita niya kada buwan o ₱86.66 kada araw.

Upang mamuo ang goma, nilalagyan ito ng mga tapper ng asido. Sagot ni Leo ang gastos para rito dahil walang kontribusyon ang may-ari ng lupa sa produksyon.

Isa lamang si Leo sa maraming tapper sa Bukidnon na lubhang nagdurusa dahil sa kawalan ng sariling lupa at barat na presyo ng hilaw na goma. Hindi ipinatutupad ng mga komersyante rito ang itinakda ng Philippine Rubber Industry Roadmap 2017-2022 na ₱30 minimum na bilihan ng hilaw na goma mula sa mga nagpoprodyus nito. Sa kabilang banda, nasa ₱87 kada kilo ang bentahan ng mga komersyante sa malalaking kumpanyang nagmamanupaktura ng goma.

Sa buong Pilipinas, humigit-kumulang 300,000 ektarya ng lupa ang saklaw ng mga plantasyon ng goma. Panlima ang Northern Mindanao sa mga pinagkukunan ng hilaw na goma, kung saan ang Zamboanga Peninsula ang nangunguna. Ang pinakamalaking plantasyon sa rehiyon ay ang Pioneer Amaresa na may operasyon sa bayan ng Maramag. Nagluluwas ito ng hilaw na goma pangunahin sa Malaysia.

Ayon sa datos ng United Nations Comtrade, ikawalo sa mundo ang Pilipinas sa pinagmumulan ng hilaw na goma. Pangunahing bumibili nito ang China at Malaysia, kung saan matatagpuan ang mga pabrika ng gulong, rubber health products at iba pa. Taun-taon, tumataas ang internasyunal na demand para sa mga yaring produktong gawa sa goma.

Kahit magsasaka ng goma si Leo, hindi niya kayang bilhin ang mga produktong yari rito. “Bigas pa lang, hirap na ako bumili. Tuyo o nudels na lamang ang pinagsalit-salitan naming ulam sa araw-araw. Ito pa nga lang ay hirap na ako, ’yung napakamahal na sapatos at gulong pa kaya.” ani Leo.

Kalunus-lunos na kalagayan ng mga rubber tapper sa Bukidnon