Koresponsal Pagmiminang karbon ng San Miguel Corporation, tinututulan sa South Cotabato

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Kasalukuyang isinusulong ng San Miguel Energy Corporation (SMEC) ang pagmimina nito ng karbon sa Barangay Ned, Lake Sebu sa prubinsya ng South Cotabato. Ipinipilit ng kumpanya ang operasyon matapos ang mahigit isang dekadang pagkakatigil nito dahil sa mariing pagtutol ng mamamayan at pagbabawal ng open-pit mining sa lugar. Naglunsad ang militar ng nakapokus na operasyon habang pinagbabantaan ang mga residenteng kumukontra dito para tiyaking magpapatuloy ang operasyon.

Ang proyektong karbon sa Daguma

Matatagpuan sa dakong hangganan ng mga probinsya ng South Cotabato, Sultan Kudarat, at Sarangani sa Daguma Range ang isa sa pinakamalaking mina ng karbon sa buong bansa. May kabuuang lawak itong 36,000 ektarya at tinatayang aabot ng 328 milyong metriko tonelada ang taglay na reserba. Saklaw nito ang lupang ninuno ng mga Lumad na T’boli at Dulangan-Manobo at malawak na kagubatang tirahan ng Philippine eagle at mga endemikong hayop at halaman. Malaking bahagi ng mina ang nasa teritoryo ng Ned, isang agrikultural na barangay na may lawak na 42,000 ektarya at populasyong himigit-kumulang sa 19,000.

Anim na mga kumpanya ang pinagkalooban ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng mga konsesyon sa nabanggit na mina. Subalit ang Daguma Agro Minerals Inc., Sultan Energy Philippines Corp., at Bonanza Energy Resources Inc. lamang ang may aprubadong aplikasyon para sa produksyon at pagpapaunlad. Noong 2010 ay binili ng SMEC ang nabanggit na mga konsesyon na may pinagsamang lawak na 17,000 ektarya. Kaugnay nito ay balak din ng SMEC na magtayo ng sariling plantang pang-enerhiya sa probinsya (mine-mouth power plant).

Nabigo noon ang kumpanya na umpisahan ang operasyon dahil sa matinding pagtutol ng malawak na mamamayan. Militarisasyon ang itinugon ng estado sa laganap na pagtutol na humantong sa pagmasaker ng walong Lumad noong Disyembre 3, 2017. Noong Disyembre 2018 ay tuluyang ibinasura ng Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato ang permiso para sa operasyon ng mina.

Ngunit noong nakaraang taon ay binaligtad ng konseho ang naunang desisyon. Katwiran nito, ang pagmimina umano ang lulutas sa nagpapatuloy na likas na pagkakasunog ng karbon na nagreresulta sa “burning ground” at paglitaw ng mga “tension cracks” o mga bitak-bitak sa lupa. Malaon nang problema sa Ned ang kombustyon dahil sa masamang epekto nito sa baga at kalusugan at patuloy na pagkakasira ng mga kalsada at pagguho ng lupa sa ilang mga komunidad.

Umani ng mga pagbatikos ang pagbabaliktad na ito dahil sa pagsawalang-bahala sa higit na mas malaking mga problema sa lipunan at ekolohiya na idudulot ng pagmimina ng karbon. Mayor na direktang epekto nito ang dislokasyon ng mga Lumad at magsasaka sa lugar, pagkawasak ng kalikasan, at laganap na kahirapan at gutom.

Polusyon at pamiminsala

Ayon sa kumpanya, tinatayang nasa 180 milyong metriko tonelada ng karbon ang makukuha sa kanilang minahan. Aabot naman sa 100 ektarya ang panimulang miminahin nila sa unang limang taon ng operasyon.

“Strip mining” at hindi “open pit” ang sistemang gagamitin sa proyekto, palusot ng SMEC. Magkaiba man ang teknika ng dalawa, pareho itong “surface mining” at pareho rin itong magdudulot ng malawak at hindi mapapanauling pinsala sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan.

Lignite coal o ang tinatawag na brown coal na pinakamababang uri ng karbon ang miminahin ng SMEC. Dahil sa marupok na katangian ng brown coal ay hindi ito papasang pang-eksport. Gayunpaman, laganap ang paggamit dito sa mga mine-mouth power plant sa buong mundo. Itinuturing din ang brown coal bilang pinakamaruming uri ng karbon dahil sa napakataas na carbon dioxide na ibinubuga sa kombustyon bunga ng mataas na moisture content (laman na tubig) at mababang energy density (makukuhang enerhiya) nito.

Bukod sa matinding polusyon sa hangin ay pinangangambahan din ng mga tumututol ang kontaminasyon sa mga katubigan at pagkasira ng daluyan ng tubig mula sa mga ilog ng Kabulnan at Allah. Ang Kabulnan ay dumadaloy patungong Liguasan Marsh na isang mahalagang pinagkukunan ng isda. Habang ang Allah River ay pangunahing pinagmumulan ng irigasyon ng malawak na lupaing agrikultural sa South Cotabato at Sultan Kudarat.

Milyun-milyong mamamayan ng Mindanao ang tiyak na magdurusa sa napakasamang epekto ng mina. Ang matinding tama ng bagyong Paeng sa Maguindanao ay isa lamang babala na mas malubhang pagkawasak ang maaaring maganap sa timog sentral Mindanao kapag nasira ang natitirang kagubatan sa Daguma.

Panunupil ng militar

Para masigurong magpapatuloy ang kanilang operasyon ay mas pinalakas ng SMEC ang kanilang armadong pwersa para sindakin ang mga kumokontra sa proyekto. Idinahilan nito ang umanoy bantang pambobomba sa kanilang planta para hilingin ang proteksyon ng militar. Pinaparatangan din ng mga tagapagtanggol ng kumpanya na mga “rebelde” o tagasuporta ng mga “terorista” ang mga tumututol.

Noong Hulyo ay binuo at pinakilos ng 6th ID-Joint Task Force Central ang Task Force Bangis. Tinukoy ang mga lugar na saklaw at pumapaligid sa mina bilang mga eryang kikilusan nito. Ito umano ang tututok sa paglalansag sa mga pwersa ng BHB na kumikilos sa lugar. Layunin umano nitong tapusin ang insurhensya at “terorismo” para makamit ang “kaunlaran.”

Ikinagulat ng mga residente, na kasabay ng nakapokus na operasyong militar ng TF Bangis, sunud-sunod ang pagdating ng malalaking makinarya at pagmamadali sa operasyon ng kumpanya. Maraming magsasaka ang napilitang ibenta ang kanilang lupa sa halagang ₱80,000 lamang ang bawat ektarya. Daan-daang mga pamilya ang pinaalis sa kanilang tinitirhan at pinangakuan ng relokasyon at ayuda.

Sa gitna nito ay muling ipinanawagan ng mga residenteng Lumad at setler na itigil ang pagmimina at ipagtanggol ang lupa at kalikasan. Umani naman ito ng malawak na suporta ng mga mamamayan sa South Cotabato at karatig na mga prubinsya.

Isang kampanya ang isinasagawa ng mamamayan para labanan ang proyektong karbon ng SMEC. Noong Oktubre 5, katuwang ng mamamayan ang mga Archdiocese ng Marbel (Koronadal) at Cotabato sa paglulunsad ng petisyon para sa pagpapatigil ng nabanggit na mina.

Pagmiminang karbon ng San Miguel Corporation, tinututulan sa South Cotabato