Puspusang isulong ang pakikibaka para sa umento sa sahod

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisaya

Sumirit tungong 7.7% ang implasyon sa buwan ng Oktubre (pinakamataas mula 2008), sa harap ng walang awat na pagtaas ng presyo ng langis, pagkain, pabahay, gamot, edukasyon at iba pang saligang pangangailangan. Lalong lumalaganap ang matinding karalitaan at paghihikahos ng taumbayan at tuluy-tuloy na bumabagsak ang antas ng kanilang pamumuhay. Lalo pang sumidhi ang pagdurusa ng milyun-milyong mamamayan dulot ng sunud-sunod na malawakang pagbaha na sumira sa kanilang mga bahay at kabuhayan.

Nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan ang rehimeng US-Marcos II sa mga hinaing ng masang anakpawis. Tumatanggi itong tugunan ang hinihinging kagyat na mga hakbangin para maiahon ang malaking mayorya ng taumbayan na nakasubsob sa lusak ng paghihirap. Sa halip, patuloy lamang na ipinatutupad ni Marcos Jr ang mga patakarang neoliberal na ilang dekada nang lumulumpo sa lokal na ekonomya at nagdudulot ng ibayong pagdurusa sa mga manggagawa at buong sambayanan.

Patuloy na ipinatutupad ni Marcos Jr ang patakaran ng murang lakas-paggawa at iba pang mga hakbangin para akitin ang dayuhang kapitalistang mamumuhunan bilang sentral na patakaran sa ekonomya ng kanyang gubyerno. Lalo pang sisidhi ang krisis sa ekonomya at kabuhayan ng mamamayan sa harap ng nagpapatuloy na pagsadsad ng halaga ng piso kontra sa dolyar, mabilis na paglaki ng utang ng gubyerno, korapsyon at pagwawaldas ng pondo ng bayan sa militar at pulis.

Hindi na maabot ng karaniwang mamamayan ang lampas na sa ₱1,100 kada araw na minimum na kailangan ng isang lima-kataong pamilya (tinatawag na “family living wage” o FLW) para tugunan ang kanilang arawang pangangailangan. Halos kalahati lamang nito ang ₱570/araw na minimum na sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (pinakamataas sa buong bansa). Malaking bilang ng mga manggagawa ang sumasahod ng mas mababa pa sa nakatakdang minimum.

Hindi na makaagapay ang kabuhayan ng mayorya ng masang anakpawis. Sa harap ng mabilis na pagdausdos ng kabuhayan, lalong lumalakas ang makatarungang sigaw ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino para sa kagyat na umento sa sahod at sweldo. Sa iba’t ibang antas at larangan ng paglaban, iginigiit ng mga manggagawa ang kahingiang itaas ang kanilang sahod bilang kagyat na hakbangin para makaagapay ang kanilang mga pamilya sa gitna ng masidhing krisis sa ekonomya at kabuhayan.

Ang pakikibaka para sa mas mataas na sahod ang tampok na pang-ekonomyang pakikibaka ng buong uring manggagawa. Lalo itong nagiging makabuluhan sa harap ng mabilis na pagdausdos ng kabuhayan ng masang anakpawis at buong sambayanan. Kailangan nila itong puspusan at militanteng isulong sa harap ng pagtanggi ng anti-manggagawang rehimeng US-Marcos II na pakinggan ang kanilang mga hinaing. Higit na kailangan ang tapang at paninindigang makibaka sa harap ng armadong pagsupil sa mga unyon at organisasyon ng mga manggagawa at masang anakpawis.

Para maitulak ang pakikibaka para sa umento sa sahod, kailangang palawakin at palakasin ang kilusang unyon, at isulong ang iba’t ibang anyo ng sama-samang pagkilos at kilusang welga ng mga manggagawa. Anumang makakamit sa pakikibaka para sa umento sa sahod, gayundin ang paglaban sa kontraktwalisasyon at pagpapabuti ng kundisyon sa mga pagawaan, ay nakasalalay sa aktwal na lakas, kakayanan, lawak, sigla at organisasyon ng kilusang unyon sa kabuuan, at ng militanteng unyonismo sa partikular.

Dahil sa walang awat na atake sa mga unyon sa nagdaang tatlong dekada, napakaliit ngayon ng bilang ng mga unyon (nasa 6% lamang ng mga empresang may hindi bababa sa 20 manggagawa noong 2020). Kailangang iluwal ang isang kilusan para sa malawakang pagtatayo ng mga unyon sa pinakamalalaki at pinakamaraming bilang ng pagawaan at empresa. Dapat palakasin ang mga ito bilang mga sentro ng militanteng pagkilos ng mga manggagawa.

Sa mga darating na linggo at buwan, dapat abutin at pukawin ang milyun-milyong manggagawa sa pamamagitan ng isang malawakang kampanyang propaganda at edukasyon sa mga pagawaan at komunidad, pati na sa mga tanggapan at paaralan, upang ilinaw ang kawastuhan, katwiran at kagyat na pangangailangan para itaas ang sahod at sweldo sa harap ng krisis sa ekonomya at kabuhayan, at ilantad ang bulok at baluktot na pangangatwiran ni Marcos at kanyang mga upisyal. Dapat kolektibong ipakita ng mga manggagawa at masang anakpawis ang kanilang mga hinaing sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo at laki ng mga kilos-protesta sa mga pagawaan at lansangan.

Dapat ding sikaping tipunin ang pinakamalawak na hanay ng organisadong manggagawa upang buuin ang pagkakaisa para itulak ang reaksyunaryong estado na tugunan ang makatwirang kahingian para sa pangkalahatang umento sa sahod, pambansang minimum na sahod, at pagbabasura sa anti-manggagawang mga batas na RA 6727 na nagtatag ng mapanghating sistema ng “wage regionalization,” at RA 6715 (o Herrera Law) na nagbigay-daan sa sistema ng kontraktwalisasyon sa paggawa.

Walang-tigil ang pagdausdos ng ekonomya ng bansa dahil sa patuloy na pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal na lalo lamang lumulumpo sa lokal na ekonomya at nagdudulot ng ibayo pang pagdurusa sa mga manggagawa at buong sambayanan. Matagal nang pinaiiral ng mga kapitalista ang patakaran ng murang lakas-paggawa, makahayop na kundisyon sa trabaho sa mga pagawaan at pambubusabos sa uring manggagawa na sumasaula sa mga karapatan sa paggawa. Pinakamatingkad ito sa mga engklabo sa paggawa kung saan, sa kabila ng retorikang “kaunlaran,” dumaranas ang mga manggagawa ng pinakamalulupit na anyo ng pagsasamantala, at itinatali ang bansa sa atrasadong kalagayan, sa kapakinabangan ng mga higanteng dayuhang kumpanya.

Sa gitna ng sumisidhing krisis sa ekonomya, dapat ding buuin ang pinakamalawak na pagkakaisa ng masang anakpawis at mga demokratikong uri para itulak ang mga kahingian para sa trabaho, pagbasura sa mga pabigat na buwis, pagkontrol sa presyo ng mga bilihin, pagtanggol sa karapatan sa paninirahan, paglaban sa mga mapangwasak na mga proyekto, paggiit ng pagpapalawak ng serbisyong panlipunan at iba pang mga hakbangin para sa kagalingang ng taumbayan.

Sa iba’t ibang larangan na ito ng pakikibaka, ang malawakang pagkilos at paglaban ng mga manggagawa sa pabrika at lansangan para sa umento sa sahod ang pinakaimportante. Sa ganitong paraan, nagagawa ng uring manggagawa na mamuno sa mga pakikibakang pang-ekonomya ng taumbayan.

Ang pakikibaka para sa umento sa sahod ay hindi makukuha sa isang iglap. Kung balik-aralan ang kasaysayan, matatanto ang halaga ng papalaking protesta ng mga manggagawa at mamamayan. Sa kabilang panig, ang pagdurog sa mga unyon at paglumpo sa mga pakikibakang manggagawa ang naging pangunahing salik kung papaanong pinako ang sahod at hindi na makaagapay sa pagtaas sa gastos at tunay na halaga ng lakas paggawa.

Karamihan ng kasalukuyang henerasyon ng mga manggagawa ay hindi pa nakaranas ng malalawak na welga at pagkilos sa lansangan na katulad noong dekada 1980. Kailangan tulungan silang magbalik-aral sa kasaysayan at ikintal sa kanilang kamalayan ang pagkilala sa taglay nilang lakas na nakabatay sa kanilang mga unyon at sama-samang pagkilos.

Dapat gamitin ang malawakang kampanyang ito para palakasin ang paglaban sa pasistang panunupil at igiit ang karapatan sa pag-uunyon at malayang pamamahayag. Ang pakikibaka para sa umento sa sahod ay dapat mahigpit na ikawing sa paglaban sa patakaran ng murang lakas paggawa at iba pang mga patakarang dikta ng imperyalismo na nagpapahirap sa bayan. Gayundin, dapat ikawing ng mga manggagawa ang kanilang pakikibaka sa mga pakikibakang antipyudal at antipasista sa kanayunan.

Dapat puspusang itaas ang kamulatan ng masang manggagawa para lubos na maunawaan ang kapitalistang pagsasamantala sa likod ng mababang sahod, gayundin, sa ugnayan ng kilusang manggagawa sa kilusan para kamtin ang pambansang kalayaan at tunay na demokrasya sa bansa.

Puspusang isulong ang pakikibaka para sa umento sa sahod