Koresponsal Pang-aalipin ng AFP sa mga Agtang “surenderi”

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Sibilyan si Moana, isang katutubong Agta, nang “isuplong” siya ng sariling tiyuhin sa 95th IB kapalit ng ₱2,000 pabuya. Idineklara siyang “surenderi” at “pinag-report” sa kampo militar kasama ng iba pa. Doon niya naranasan ang nakasusuklam na pagtrato sa kanya at kapwa niya Agta.

“Ginawa kaming mga alipin ng mga sundalo,” kwento ni Moana. Sapilitan silang pinaghahakot at pinagtatrabaho sa mga bukirin. Hindi sila pinakakain kapag hindi sila nakapagtrabaho at kung pinakakain, sobrang kaunti ng ibinibigay sa kanila. “Kasya lang sa palad,” aniya.

Awang-awa si Moana sa kapwa niya Agta laluna sa isang inang may dalang maliit na anak. Itinatabi niya ang kakarampot na pagkaing nirasyon sa kanya para ibigay sa sanggol at iba pang mga batang kasamang ikinulong sa loob ng kampo.

May eskwelahan sa loob ng kampo pero bihirang magkaroon ng sundalong “titser.” “Kapag nagkaklase naman, napakasungit,” ani Moana. “Minumura ang mga bata.” Dahil dito, walang interes ang kabataang pumasok sa “paaralan” na ito.

“Madalas napapanaginipan ko ang malayang buhay sa gubat,” aniya. Pero magigising na lamang siyang nasa “pabahay” ng militar. “Yun ang tawag nila sa basurahang pinatungan ng tolda kung saan kami natutulog.”

Ginagamit din ang mga Agta bilang pananggalang sa mga operasyong militar. “Isinasakay nila kami sa trak tuwing nag-ooperasyon sa Isabela,” kwento niya. Ang kababaihang Agta ay kadalasang inuutusan na mamalengke samantalang ang kalalakihan ay pinapaggiya sa mga operasyong kombat. Pagkatapos ng mga trabahong ito, dinadala sila muli sa kampo at mahigpit na binabantayan para di makatakas.

Hindi masikmura ni Moana ang buhay sa loob ng kampo. “Mas maganda pa ang buhay ng mga aso kaysa sa buhay namin doon,” wika niya.

Isang araw, inutusan silang mamalengke kasama ang pinsan niya. Habang nalingat ang sundalo, dumampot sila ng mga sumbrero at nagsuot ng bestida sabay tumalilis ng takbo. Tumalon sila sa ilog para takasan ang bantay nilang mga sundalo. “Muntik na kaming mahuli!” kwento niya.

Sa gubat, nakasalubong nila ang isa pang grupo ng mga sundalo na noo’y nangunguha ng uway. “Mabuti nagkunwari yung giya nila na Agta na hindi kami kilala,” aniya. “Alam kong napilitan lang din naman siyang maggiya dahil pinagbantaan ng mga sundalo ang pamilya niya.”

Paglipas ng ilang buwang pagtatago, natunton si Moana ng kamag-anak niyang Pulang mandirigma. Ipinaloob siya sa pangangalaga ng isang yunit ng BHB-Isabela para maipagtanggol mula sa mga sundalong naghahanap sa kanya. Dahil sa matinding pagsasamantalang naranasan niya, malinaw sa kanya na kailangang tumindig at labanan ang mapanlinlang na programa ng reaksyunaryong gubyerno tulad ng pwersahang pagpapasurender ng militar.

Sa kanyang pananatili sa yunit, naramdaman niya ang respeto ng mga kasama at kalayaang pinagkait sa kanya ng mga pasistang sundalo. Hindi nagtagal, nagpahayag si Moana ng kagustuhan niyang maging pultaym na kasapi ng hukbong bayan.

Malalang paglabag sa mga internasyunal na mga tuntunin ng digma ang pwersahang “pagpapasurender” sa mga sibilyan at pagkukulong at pang-aalipin sa kanila sa loob ng mga kampo militar. Labag din ang pwersahang pagsasangkot sa kanila sa mga armadong operasyon na nagsasapanganib sa kanilang buhay sakaling magkaroon ng sagupaan. Dobleng proteksyon ang dapat na iginagawad sa kababaihan at bata na nasa mga lugar ng armadong tunggalian.

Sa kaso ni Moana at mga katulad niyang Agta, mulat sila sa pambansang pang-aapi at kapabayaan ng reaksyunaryong estado. Batid din nila ang mayamang kasaysayan ng pakikiisa ng rebolusyonaryong kilusan sa mga tulad nilang pambansang minorya sa pangangalaga sa kalikasan at mga kagubatang karugtong ng kanilang buhay. Kumpara sa ibang armadong grupo, ang hukbong bayan lamang ang nagpalayas sa mga mapanira at mapandambong na proyekto ng gubyerno at dayuhang negosyo ng pagmimina at pagtotroso sa kabundukan ng Sierra Madre. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit mabilis nilang nauunawaan at niyayakap ang digmang bayan.

Batid ni Ka Moana, at marami pang mga kasamang mula sa pambansang minorya, na sa paglahok lamang nila sa pambansa-demokratikong rebolusyon makakamit ang kanilang mga demokratiko at makatarungang interes.

Pang-aalipin ng AFP sa mga Agtang “surenderi”