Ang maayos na daan ng dagyaw-alayon

,

Karaniwang inirereklamo ng mamamayan ng Barangay B, isang baryo sa Visayas, ang pananakit ng kanilang katawan, laluna ng mga binti at paa. Tantya nila, sanhi nito ang init ng motorsiklo sa mahabang pagbyahe ng palay at iba pang produkto nila tungong pamilihan. Hindi maiiwasan na mabasa ng tubig ang kanilang mga paa dahil sa uka-ukang daan na nagiging mumunting sapa kung tag-ulan.

Batid ng mga magsasaka na ang pananakit na ito ay hindi lamang usaping medikal kundi ng kapabayaan ng bulok na gubyerno na ayusin ang sira-sirang kalsada tungo sa kanilang baryo. Napagtanto nilang kinurakot na ang milyun-milyong nakalaan diumano para sa paglalatag ng mga farm-to-market road na ipinagmamayabang ng AFP at NTF-Elcac.

Sa isang konsultahan, napagpasyahan ng lokal na samahan dito na ayusin ang kanilang kalsada sa pamamagitan ng dagyaw-alayon, isang tradisyunal na porma ng mutwal na tulungan sa pagsasaka ng mahihirap na magsasaka. Iilan lamang ang sumali sa umpisa pero di naglaon ay nakita rin ng iba ang bentahe para rito. Umabot sa 60–120 katao mula sa apat sa anim na sityo ang nag-ambag ng lakas-paggawa sa proyekto.

Nagtayo ang mga magsasaka ng mga tim para tiyakin ang bawat tungkulin at antas ng proyekto. Sa bawat hakbang, tiniyak nilang dumadaloy ang demokrasya, napangangalagaan ang mga trabahador at napananatili ang maayos na relasyon ng bawat isang sumasali sa dagyaw-
alayon. Natiyak ng kababaihan, katuwang ang mga bata sa baryo, na may sapat na pagkain ang mga kalahok. Mayroong tagagawa ng iskedyul ng mga kalahok at nagtitiyak na maayos ang hatian sa trabaho. May grupo din silang itinalaga para makipag-usap para kunin ang suport ng mga magsasakang mas nakaalwan sa buhay. Mayroon namang nangalap ng rekurso para sa proyekto.

Minsan sa isang linggo ang pagdagyaw-alayon para sa pag-ayos ng kalsada. Tumitigil lamang sila kung marami ang gawain nila sa bukid o kung naglulunsad ng panggulong operasyong kombat ang pasistang militar at pulis. Maliban sa baong pagkain, nagdadala sila ng kagamitan sa pagtrabaho tulad ng pala, asarol, itak at iba pa.

Naigiit ng mga magsasaka sa mga upisyal ng barangay na maglaan ng bigas at badyet pang-ulam para sa mga nagtatrabaho. Ang ilang may malalaking taniman ay nag-ambag ng isa hanggang dalawang sakong palay. Nagbigay din ng pera para sa bigas at ulam ang mga dumadaang trak na naghahakot ng mga produktong agrikultural.

Kalakhan ng kalalakihang may hustong gulang ang nagtrabaho sa kalsada habang ang kabataan ang nag-iigib ng inuming tubig at iba pang gawaing inaatas sa kanila. Bago sila magtrabaho, nagpupulong muna sila upang pagkaisahan ang mga gagawin sa araw na iyon. Muling magpupulong ang lahat pagkatapos ng trabaho para matasa at makuha ang mga komentaryo.

Sa umpisa ay nagdalawang-isip ang ilang magsasaka dahil baka salakayin sila ng pulis at militar sa pagsisikap nilang ayusin ang kanilang kabuhayan. Ngunit pinangibabawan nila ang takot dahil batid nilang walang iligal o kriminal sa kanilang ginagawa. Nakipag-ugnayan sila sa mga upisyal ng barangay para tiyaking hindi sila gagambalain. Kalaunan, naisama na rin sa pagbayanihan ang ibang proyektong imprastruktura ng barangay.

Naging inspirasyon ang magandang karanasan ng Barangay B para sa katabing dalawang barangay. Sa Barangay A, kinumpuni sa pamamagitan ng dagyaw-alayon ang mga kalsada para sa kanilang mga karosa, motorsiklo at trak sa paghakot ng mga palay, mais, tubo, pinya, gulay at iba pang produkto. Napakilos ang 30 hanggang 40 katao mula sa tatlo sa anim na sityo. Isang beses sa isang linggo ang kanilang bayanihan.

Sa Barangay K, sumali ang 50 hanggang 80 katao mula sa apat na sityo. Palay, mais, kamoteng kahoy at iba pang halamang ugat ang produkto ng barangay. Dalawang beses isinagawa ang dagyaw-alayon, na noon ay sa ginagawa lamang sa mga sakahan, pero ngayon ay sinaklaw na rin ang iba pang gawain.

Breyktru sa mga magsasaka ang pagkumbinsi sa mga mas mataas na saray na magsasaka na lumahok sa dagyaw-alayon. Ang noo’y halos walang boses na mga maralita at mababang gitnang magsasaka ay mahinahon at masigasig ngayon sa pagpaliwanag, at nagawang kunin ang suporta ng mas mataas ang uri o saray na sa umpisa ay nagdadalawang-isip pa.

Ang maayos na daan ng dagyaw-alayon