Protesta sa unang Araw ng Karapatang-tao ni Marcos Jr

,

Sinalubong ng mga protesta ng libu-libong mga Pilipino ang unang paggunita sa Internasyunal na Araw ng Karapatang-tao sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Nagmartsa noong Disyembre 10 mula sa Liwasang Bonifacio patungo sa Mendiola sa Maynila ang libu-libong raliyista para batikusin at papanagutin si Marcos Jr at armadong pwersa ng estado sa maraming mga paglabag sa karapatang-tao.

Sa pangunguna ng Karapatan at Bagong Alyansang Makabayan, nakapaglunsad ng mga aktibidad bago at sa mismong araw ng Disyembre 10 sa maraming bahagi ng Metro Manila. Inilunsad din ang mga protesta at pagtitipon sa mga syudad ng Baguio, Naga, Legazpi, Sorsogon, Kalibo, Roxas, Iloilo, Bacolod, at Davao. Nagkaroon ng katulad na mga aktibidad sa Ilocos Sur at Ilocos Norte, La Union, Kalinga, at Mt. Province. Nagtipon ang mga Pilipino sa United States, Canada, Europe, Hongkong at Australia.

Ayon sa Karapatan, nagpapatuloy ang kultura ng kawalang pakundangan sa ilalim ni Marcos Jr. Binatikos ng grupo ang kampanyang kontra-insurhensya sa kanayunan na nagreresulta sa malawakang pagbabakwit, dislokasyon sa kabuhayan at buhay ng magsasaka, mga iligal na pang-aaresto, pambobomba at istraping sa mga sibilyang komunidad at iba pa.

Dinala ng iba’t ibang mga sektor ang kanilang mga panawagan sa mga protesta at aksyong masa. Sigaw ng mga manggagwa: Nakabubuhay na sahod, ipaglaban! Panawagan ng mga manggagawang pangkalusugan, mga guro at kawani ng gubyerno ang pagtataas ng kanilang sweldo. Nakiisa rin sa mga protesta ang kabataan at mga estudyante, taong-simbahan, kababaihan, mamamahayag, magsasaka at ibang demokratikong sektor.

Tinuligsa nila ang ayudang militar na ibinibigay ng US sa rehimeng Marcos na ginagamit sa pagsupil sa mamamayan.

Protesta sa unang Araw ng Karapatang-tao ni Marcos Jr