Anim, minasaker ng 7th IB sa Sultan Kudarat

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Brutal na minasaker ng mga sundalo ng 7th IB ang limang Pulang mandirigma at isang sibilyan sa Sityo Mugti, Barangay Chua, Bagumbayan, Sultan Kudarat noong Nobyembre 23. Walang engkwentrong naganap matapos magdesisyon ang limang Pulang mandirigma na hindi makipagpalitan ng putok dahil nasukol sila habang maraming sibilyan sa kanilang paligid.

Pilit mang itinatanggi ng Armed Forces of the Philippines, hindi nila maitatago ang karumal-dumal na pagpatay at paglapastangan ng 7th IB sa mga biktimang sina Indot Dulunan (Ka Dennis), Sep Kasa (Ka Ho), Allan Dalimbang (Ka Duran), Annabel Talon (Ka Elena), at Ka Pogi at sibilyang si Gerry Kasa.

Ayon sa mga nakakita sa mga bangkay, may mga palatandaan na pinahirapan at binaril ng malapitan, ang anim na biktima. Labag sa mga tuntunin ng digma ang pagpatay sa mga kombatant na sumurender at wala na sa katayuang lumaban.

Panganganyon. Sa Buenavista, Agusan del Norte, tatlong ulit na nang-istraping at nanganyon ang 23rd IB sa tatlong barangay nitong huling kwarto ng 2022. Nagbunga ito ng malawakang ligalig at paggambala sa mga komunidad at pagkasira ng mga sakahan. Nasugatan sa isa sa mga insidente si Juanito Junaldo, isang magsasaka na nasa kanyang sakahan sa Barangay Lower Olave noong Disyembre 2. Noong Nobyembre 5, pinatay ng mga sundalo si Rene Villa at pinalabas na Pulang mandirigmang nasawi sa isang gawa-gawang engkwentro.

Pag-aresto. Walang mandamyento at iligal na inaresto ng hindi nakaunipormeng tauhan ng 10th ID ang maralitang magsasaka at drayber ng habal-habal na si Danilo Antumikay noong Disyembre 10, ala-1 ng hapon. Dinampot si Antumikay sa Barangay Tugaya, Valencia City. Sa takot na may mangyari kay Antumikay, sumama sa kanya ang kanyang asawa at kanilang 2-taong gulang na anak.

Atake sa pamamahayag. Kabi-kabilang pagkundena ang sumalubong sa hatol ng isang korte sa Quezon City noong Disyembre 12 na “nagkasala” ang mamamahayag na si Frank Cimatu sa kasong cyberlibel. Ayon sa mga mamamahayag, pinagtitibay ng hatol na ito ang “chilling effect” na kinahaharap ng mga mamamahayag sa bansa. Panawagan nila ang pagbabasura sa mga batas sa libel lalupa’t ginagamit lamang ito para ikulong ang mga mamamahayag ng ibinubunyag nilang maruruming pulitiko at atakehin ang karapatan sa malayang pamamamahayag.

Pwersahang pagpapasunder. Kinundena ng La Union Peace and Justice Advocates noong Disyembre 4 ang pwersahang “pagpapasurender” sa mga myembro ng balangay ng Timpuyog dagiti Marigrigat nga Umili iti Naguilian sa San Antonio at balangay ng Timek ken Namnamma dagiti Babassit a Mangngalap iti La Union sa San Nicolas West sa Agoo. Naganap ang mga insidente noong Nobyembre 26, kung saan pinilit ng mga pulis ang mga lider ng dalawang grupo na magsumite ng listahan ng kanilang mga myembro at pumirma sa mga dokumentong nagsasabing “iniaatras” nila ang kanilang suporta sa nabanggit na mga organisasyon.

Militarisasyon sa Mindoro. Iniulat ng National Democratic Front-Mindoro ang 29 na kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng 203rd IBde sa Rical at Calintaan sa Occidental Mindoro sa buwan ng Nobyembre.

Kabilang dito ang 13 kaso ng pagkakampo sa mga eskwelahan, simbahan at barangay hall; pitong kaso ng pambubugbog, apat na kaso ng pagbabanta, tatlong kaso ng iligal na panghahalughog, dalawang kaso ng istraping, at tig-isang kaso ng iligal na pang-aaresto at detensyon, pwersahang pagpapasuko at sapilitang ebakwasyon.

Samantala, pansamantalang nakalaya si Elmer Forro, pangkalahatang kalihim ng Bayan-Panay noong Disyembre 10 matapos magbayad ng pyansa.

Anim, minasaker ng 7th IB sa Sultan Kudarat