Mga panukalang MIF at MROTC, iniratsada sa Kongreso

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Iniratsada ng mga alipures ng rehimeng Marcos sa Mababang Kapulungan ang mga panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) at Mandatory ROTC (inilusot bilang National Citizens Service Training Program Act o NCSTP) sa huling araw ng Kongreso para sa taon noong Disyembre 15. Napaiksi ang proseso ng “deliberasyon” matapos ginawang prayoridad ang mga ito ni Ferdinand Marcos Jr. Walang katumbas na panukala ang mga ito sa Senado.

Inihapag ng mga kamag-anak ni Marcos Jr (anak, pinsan at kanyang asawa) ang panukala para likhain ang MIF (House Bill 6398) noong Nobyembre 28. Suportado ito ng mga “tapangasiwa sa ekonomya” ng rehimen. Inulan ng batikos ang panukala dahil sa plano nitong gamitin bilang paunang pondo ang pinaghirapang pensyong nakalagak sa GSIS at SSS. Nanguna sa pagtutol ang mga manggagawa at kawani at kanilang mga kinatawan sa Kongreso. Umalma ang mga akademiko, at kahit ang mga neoliberal na ekonomista at negosyante.

Batid ng lahat na magiging balon lamang ng korapsyon ng pamilyang Marcos, kanilang mga kroning negosyante at mga alipures sa Kongreso ang MIF. Kilala ang mga Marcos sa buong mundo bilang mga mandarambong at magnanakaw ng pondo ng bayan. Pinaglalawayan ng mga ito ang unang itinayang ₱275 bilyong paunang pondo at ₱618 maaaring malikom nito sa susunod na mga taon.

Dahil sa mga batikos, tinanggal sa listahan ng pagkukunan ng pondo ang GSIS at SSS, at ang natira na ay ₱110 bilyon na kukunin sa Landbank of the Philippines at Development Bank of the Philippines. Naibalita ring ibebenta ng rehimen ang walong pampublikong ari-arian, kabilang ang Basay Mining na may reserbang mineral na nagkaka-halaga ng ₱102.8 bilyon. Balak din nitong kopohin ang kita ng mga kasino, haywey at paliparan.

Malinaw na walang “sobrang pondo” ang Pilipinas. Makasaysayan ang taas ng depisito nito sa pinansya at gahigante ang utang nito. Ipinunto kahit ng mga neoliberalista na wala ang mga kundisyon sa mundo para lumago ito. Katunayan, nangandalugi ang mga “sovereign wealth fund” kahit ng bansang tunay na may “sobrang pondo” tulad ng Taiwan, Singapore at Norway dahil sa matinding krisis na bumabayo sa pandaigdigng sistema ng kapitalismo.

Sa Pilipinas, naging kasingkahulugan ng korapsyon ang mga “sovereign fund” at katulad na pondo. Kabilang dito ang mga pondong nilikha ng ama ni Marcos Jr sa dekada 1970 na naging mga palabigasan ng kanyang pamilya at kroni. Isang halimbawa rito ang coco levy fund na itinatag para pwersahang likumin ang kakarampot nang kita ng maliliit na magniniyog. Sa ibang bansa, kamakailan ay hinatulang nagkasala ng pandarambong at money laundering ang prime minister ng Malaysia dahil sa paggamit niya sa sovereign fund ng bansa bilang personal na bangko.

Bingi sa lahat ng mga pagtutol dito, ipinasa ang panukala sa botong 279-6 matapos lamang ang 18 araw. Liban sa tatlong kinatawan sa ilalim ng Makabayan, dalawang kongresista mula sa Bicol at isang mula sa Basilan ang tanging bumoto laban dito.

Kasabay na ipinasa sa parehong araw ang NCSTP (House Bill 6486) na nabuo matapos konsolidahin ang 27 hiwa-hiwalay na panukala para ibalik ang pwersahang pagsasanay-militar ng kabataan (Reserved Officers Training Course o ROTC.) Ayon sa mga grupong kabataan, may mas masasahol itong probisyon kumpara sa unang mga panukalang tinutulan nila. Direktang pangangasiwaan ng pasistang Armed Forces of the Philippines ang mga pagsasanay, na maaaring magtagal nang dalawang taon. Itutulak nito ang militarisasyon ng mga paaralan, labag sa kalayaang pang-akademiko. Labag din ito sa mga karapatang estudyante, na pupwersahing magsanay kahit wala pa sila sa tamang edad. Ayon sa mga estudyante, perwisyo at pahirap lamang ang NCSTP/MROTC dahil sa dagdag na matrikula at gamit.

Dagdag sa dalawang panukala, nakahanay sa Kongreso ang walong panukalang pagbabago sa konstiusyon sa pamamagitan ng pagpapatawag ng Constitutional Convention. Naglalayon ang mga ito na magkaroon ng pagbabago sa dayuhang pagmamay-ari ng lokal na mga negosyo. Dahil sa maagap na pagbabantay ng oposisyon, napaliban sa Enero 26, 2023 ang susunod na pagdinig para rito.

Mga panukalang MIF at MROTC, iniratsada sa Kongreso